Madilim
ang gabi, ang bayan ay natutulog na sa katahimikan. Ang mga mag-anak na umalala
sa kanilang mga yumao ay sumuko na sa tahimik at kalmado nilang pagkakaidlip,
dahilan sa kanilang mga inusal na dasal, isinagawang nobena para sa mga
kaluluwa, at nagtirik ng maraming kandila sa harap ng mga sagradong
larawan. Ang mga masalapi ay nakatupad sa kanilang mga obligasyon sa
kanilang mga yumaong mahal sa buhay na nag-iwan sa kanila ng malalaking mga
pamana; Sa susunod na araw ay makikinig sila ng tatlong misang ginagawa ng
bawat isang pari, magbibigay ng dalawang piso upang igawa pa ng isang misa na
paukol nila,[1]
at pagkatapos ay bibili ng bula ng mga patay, na puno ng indulhensiya.[2]
Talaga nga yatang ang Diyos ay hindi ganap na mahigpit na kagaya ng mga
maykapangyarihan sa lupa.[3]
Subalit
ang dukha, ang maralita, na bahagya nang kumita ng sapat para mabuhay, na
kailangan pang magsuhol sa mga directorcillo, empleyado at mga sundalo
upang sila ay hayaang mamuhay nang payapa,[4] ang dukhang iyan ay
malulungkot at hindi natutulog nang payapa, na gaya ng sabi ng mga makatang
nasa kaharian, na marahil ay hindi nangakatikim ng pakikipamuhay sa
karalitaan. Ang mahirap ay malungkot at nag-iisip. Nang gabing
iyon, sakaling hindi maraming dinasal ay marami naman ang ipinanalangin,[5]
na taglay ang kapighatian sa mga mata at luhaan ang puso. Wala iyong
nobena, hindi niya batid ang mga jaculatoria[6] ni ang mga
Isang
kahabag-habag na babaing balo ay nakabelo sa gitna ng kanyang mga anak na
natutulog sa kanyang tabi; iniisip ang mga bula na dapat bilhin para sa kapayapaan
ng mga magulang at asawang nasa kabilang buhay. Sinasabi sa sarili na “Ang
piso, ang piso ay isang linggong kaligayahan ng aking mga anak, isang linggong
katuwaaan at kaligayahan, ang pisong aking naipon sa loob ng isang buwang,
isang maayos na damit para sa aking anak na nagdadalaga na…” “Subalit
dapat mong sugpuin ang hangaring iyan,” ang sabi ng konsensiyang nadinig niyang
nangangaral sa kanya, “kailangan mo ang magtiis. Oo!
Kailangan! Hindi ililigtas ng
simbahan ng mga kaluluwa ng iyong mahal sa buhay nang walang bayad:[14]
hindi siya namimigay ng bulang walang
bayad. Dapat kang bumili ng bula at huwag pagtulog ang harapin
mo kung gabi, kundi ang paggawa. Samantala ay bayaan munang ilantad ng
anak mo ang kanyang katawang hubad; magtipid ka, sapagkat mahal ang
kalangitan! Sadya nga yatang ang mga maralita ay hindi nakaaakyat sa
langit![15]
Ang mga pag-iisip na ito ang pumapasok sa siwang ng sahig na kinalalatagan ng
banig at ng haliging kinasasabitan ng duyan na kinalalagyan ng bata. Ang
kanyang paghinga ay maluwag at payapa; minsan-minsang
nginunguya ang laway at umuungol, napapangarap na kumakain ang sikmurang gutom
na hindi nabusog sa ibinigay sa kanya ng kanyang mga kapatid na malalaki.[16]
¨Ang mga kamaksi[17]
ay humuhuni at sumasabay sa walang katapusan nilang dalit sa tunog ng mga
kuliglig na nakatago sa damuhan, o sa himbubuli[18]
na lumalabas sa kanilang lungga upang humanap ng makakain, samantalang ang
tuko, na hindi natatakot sa tubig, ay sinisira ang konsiyertong iyon sa
pamamagitan ng kanyang nakakikilabot na boses at nakalabas ang ulo sa puwang ng
isang sangang may butas. Ang mga aso ay tumatahol sa mga lansangan,
samantalang ang mapamahiing nakarinig ay nananalig na nakikita nang mga hayop
ang mga espiritu at mga anino. Ngunit maging ang mga aso, o ang mga
insekto ay hindi nakakakita ng mga sakit ng tao gayong napakadami!
Doon sa lugar
na sa malayo sa bayan, sa distansiyang isang oras na lakarin, nakatira ang ina
ni Basilio at ni Crispin, asawa ng isang lalaking walang puso, ang babae ay
nagsisikap mabuhay upang maaruga ang kanyang mga anak habang ang asawa ay
palabuy-laboy at nagsasabong. Ang pagkikita nilang mag-asawa ay madalang
ngunit palaging may pananakit. Nilustay unti-unti ng lalaki ang kaunting
alahas ng asawa upang may maisunod sa masamang bisyo at nang ang mapagtiis na
si Sisa ay wala nang anumang maipasunod sa layaw ng asawa ay sinimulan ang
pagmamalupit sa kanya. Mahina ang loob at malaki ang puso kaysa sa
kanyang ulo, ay wala siyang nalalaman kundi umibig at umiyak na lamang.
Diyos niya ang kanyang asawa; ang kanyang mga anak ay siya niyang mga
anghel. Ang lalaki na
nakakaalam kung gaano ang pagmamahal at pag-ibig sa kanya, ay umaasal nakagaya
ng mga diyus-diyusan: sa araw-araw ay nag-iibayo sa kabangisan, kalupitan
at paggawa ng bawat maibigan.[19]
Nang
sabihin sa kanya ni Sisa, minsang dumalaw na ang mukha ay higit pang galit
kaysa sa karaniwan, ang balak na ipasok na sakristan si Basilio, ay hindi
itinigil ang paghimas sa manok, hindi sumagot ng oo ni hindi, at walang
itinanong kundi kung kikita ng maraming kuwalta.[20]
Ang babae ay hindi nangahas na ulitin, nguni’t sa kanyang kasalatan at
pagnanais na ang mga bata ay makapag-aral ng pagbasa at pagsulat sa
paaralang-bayan, ay napilitang sundin ang balak.[21]
Ang asawa ay hindi rin kumibo.
Sa gabing
iyon, sa pagitan ng ikasampu at ikalabing-isa ng gabi, nang ang mga bituin ay
kumikislapna sa langit na nawawalan na nang ulap, ay nakaupo si Sisa sa isang
bangkong-kahoy, at tinatanaw ang ilang sangang nag-aapoy sa kalan na binubuo ng
ilang tungko ng bato. Sa ibabaw ng mga tungko ay may isang munting palayok
na kinalalagyan ng sinaing, at sa ibabaw ng baga ay may tatlong tuyo na ang
tatlo ay nagkakahalaga ng dalawang kuwalta.[22]
Nakapangumbabang
pinapanood ang mahina at madilaw na apoy na gatong na kawayan na ang baga ay
madaling nagiging abo; isang malungkot na ngiti ang nababakas sa kanyang
mukha. Naaalaala ang isang mainam na bugtong tungkol sa palayok at apoy
na minsan ay ibinugtong sa kanya ni Crispin.[23]
[1] Mapapansin na ang mga pinamanahan ay makikinig ng tatlong misa para sa kanilang yumaong mahal sa buhay na nagpamana sa kanila (maaring magulang o kamag-anak katulad ni Donya Patricinio). Ang tatlong misang ito ay kahilingan ng namatay at ang bayad ay mula sa bahagi ng pamana – ang isa o huling misa naman ay siyang misang handog ng pinamanahan para sa kaluluwa ng kanilang yumao.
[2] Bula ng mga patay – isang kasulatan ng papa na may bisang magpatawad sa kasalanan at ito ay mabibili sa isang tiyak na halaga para ganap na patawarin ang kasalanan ng isang taong namatay.
[3] Ang mga pamisa ukol sa patay ay hindi naman hiniling ng Diyos – ang mga prayle lamang ang humihiling nito dahilan sa salaping kanilang kikitahin. Hindi mahigpit ang Diyos sa mga may salapi dahilan sa kaya nilang bumili ng kabanalan.
[4] Ang dukha sa kabila ng kahirapan sa buhay ang siyang nagpapasan ng lahat ng mga pahirap o pabigat ng anumang mga bayarin. Sumusuhol at nagbabayad ng buwis na pinagmumulan ng kayamanan ng mga tiwaling pinuno ng kolonyal na pamahalaan. Bakit ba sa lahat ng panahon ng kasaysayan, ang mahirap ang nagsisilbing tagapag-pasan ng lahat ng pahirap ng pamahalaan at mga ganid na mayayaman?
[5] Hindi marami ang dinadasal ay marami naman ang ipinanalangin - ipinapakita ni Rizal ang kaniyang pagtutol sa paulit-ulit na dasal at itinuturo ang isang panalangin na nagtataglay ng kabuuan ng pagpapasalamat, paghingi ng kapatawaran, at mga kahilingan sa Diyos. Isang pagkakataon sa kamusmusan ni Rizal habang sila ng kaniyang ina ay nagdadasal ay tinatawag ni Rizal ang kaniya ng ilang beses ng “nanay” na nakagambala sa pagdarasal ng kaniyang ina. Sa ganito ay nagalit ang ina at sinabi na “Pepe, huwag mo nga akong tawagin paulit-ulit kundi pagagalitan kita.” Sa ganito ay sumagot si Rizal nang “bakit kayo paulit-ulit ang tawag ninyo ng Ama Namin?”
[6] Katawagan sa maikli at maalab na panalangin – iyon yon! At hindi yon yon!
[7] Ang maralita ay nagdarasal sa pamamagitan ng salita ng kaniyang karalitaan – hindi paulit-ulit na dasal, kundi ng kaniyang paghihinagpis at mga kahilingan.
[8] Pansinin kung papaano binigyan ng kontrast ni Rizal ang mayayaman at mahihirap sa pagdadasal
[9] Nagbibigay papuri sa karalitaan – pagdagil sa mga prayle na nagsasabi na mapalad ang mag mahihirap, ngunit sila naman ang labis na nagsasamantala sa mga dukha.
[10] Mga kaluluwang nasa purgatoryo
[11] Itinatanong ni Rizal kung may tunay a halaga para sa mga kaluluwa na nasa purgatoryo ang mga dasal at iba pang ritwal panrelihiyon. Papaano magkakaroon ng kabuluhan ang mga dasal at iba pang ritwal pangsimbahan upang hanguin ang kaluluwa ng mga tao na nasa isang lugar na lumilitaw lamang sa imahinasyon.
[12] Ipinapaala-ala ni Rizal na ang Kristiyanismo ay pananampalatayang ang pangunahing layunin ay umaliw sa mga mahihirap ngunit ng pasukin siya ng maitim na espiritu ng komersiyalismo – ang pananampalatayang ito ay naging mapanlupig at mapagsamantala sa mga mahihirap.
[13] Papaano naman kinonsensiya ni Rizal ang kolonyal na simbahan?
[14] Pagtatanong kung bakit lahat halos ng mahalagang sakramentong pansimbahan ay may bayad.
[15] Patas kaya si Rizal sa pagsulat ng mga ganitong kataga laban sa kolonyal na simbahan? At patas kaya ang kolonyal na simbahan sa pagtrato sa mga mahihirap na mananampalataya?
[16] Pagkatapos na ipakita ni Rizal ang yaman na nahuhuthot ng kolonyal na simbahan ay ipinakita naman ni Rizal ang pinakamasakit na kaanyuan ng karalitaan, ang mga batang nagugutom.
¨ Sa talatang ito ay inilalarawan naman ni Rizal ang ingay na maririnig sa kapaligiran ng mga pook na rural sa kapanahunan ng gabi.
[17] Isang uri ng insekto na mayroong tiyan na may pagkakatulad sa tambol na ginagamit nito sa paglikha ng tunog na naririnig sa mga lugar na rural sa Pilipinas.
[18] Isang uri ng reptilya na gumagapang sa lupa – ito ay mayroong payat at madulas na katawan, paa na mayroong kuko at mabilis sa kaniyang paglakad sa kalupaan o damuhan.
[19] Ang relasyon ni Sisa sa kaniyang asawa ay hindi pinalampas ni Rizal para batikusin ang mga prayle. Ang lalaki naman na nakababatid kung gaano ang pagmamahal at pag-ibig sa kanya, ay umaasal na kagaya ng mga diyus-diyusan: sa araw-araw ay nag-iibayo sa kabangisan, kalupitan at paggawa ng bawat naisin. Si Sisa dahilan sa mahal niya ang kaniyang asawa at ang bayan sa kabuuan dahilan sa pagmamahal niya sa kolonyal na pananampalataya ay nagtiis sa halos magkatulad na anyo ng pang-aabuso. Inubos ng lalaki ang kaunting hiyas ng kaniyang asawa, katulad ng frailocracia na nagpasasa sa yaman ng bayan.
[20] Ipinapakita ang ugali ng isang iresponsable ama sa kalagayan ng kaniyang pamilya. Handa siyang ipaalipin ang kaniyang mga anak, habang nasusunod ang kaniyang bisyo at nakikinabang sa pinagpaguran ng kaniyang mga anak na alipin. OK po ba ang paliwanag ni Rizal para sa mga tiwaling pinuno ng bansa at mga negosyanteng kasosyo ng mga mapagsamantalang dayuhan.
[21] Maaring mangmang si Sisa, ngunit ipinapakita dito ni Rizal ang isang katangian ng mga ina sa Pilipinas –ANG PAGNANAIS NILA NA MAKAPAG-ARAL ANG KANILANG MGA ANAK SA KABILA NG KAHIRAPAN.
[22] Labis na kamahalan ng presyo maging ng tuyo sa panahon ng Espanya. Tatlong pirasong tuyo sa halagang dalawang kuwalta – ito ay kung ikukunsidera ang kahirapan kung kitahin ang pera.
[23] Pansinin na ang bunsong anak ni Sisa na si Crispin ay mahilig sa bugtong. Ang bugtong ay isang anyo ng pagtatanong na ginagamitan ng mga simbolikal na pananalita. Sa ganito, ang sinumang nagtatanong ng isang bugtong ay kailangan na maging mahusay sa paggamit ng simbolismo sa hanay ng kaniyang gagamiting pananalita at ang sinuman na magtatangka na sagutin ang isang bugtong ay kinakailangan ng matalas na isipan sa paggayat ng simbolismo upang makita ang tunay na kasagutan sa bugtong. Halimbawa nito ay “isda ko sa Mariveles, nasa loob ang kaliskis” – pansinin na ang mga ibinibigay na clue sa bugtong ay ang ukol sa isda na nabibilang sa animalia – ngunit ang kasagutan ay sili - na nabibilang sa plantae. Ito ang magpapatunay na ang mga nilalamang mensahe ni Rizal sa mga hanay ng salita sa Noli Me Tangere ay isang bugtong na kailangang pag-isipan ng kaniyang mga mambabasa.