Ang buhay ay pangarap.
Sandali
pa lamang at hirap na nakapasok si Basilio ay pasuray-suray na nagpatinbuwal sa
mga bisig ng ina. Isang hindi maipaliwanag na panlalamig ang naramdaman ni Sisa
ng makitang ang anak ay nag-iisang dumating. Nagtangkang magsalita ngunit
walang masabi, binalak na yapusin ang anak ngunit wala din siya ng lakas, hindi
rin mangyaring makaiyak. Subalit nang makita ang noo ng bata ay naliligo
sa dugo, napasigaw siya, na ang tinig ay parang ibig ipahayag ang pagkalagot ng
isang ugat ng puso.
“Mga anak
ko!”
“Huwag
kayong matakot, Ina!” ang sagot ni Basilio. “Si Crispin ay naiwan sa
kumbento.”
“Sa
kumbento? Naiwan sa kumbento? Buhay?” Itinitig sa kanya ng
bata ang mga mata. “Ah!” ang naibulalas dahil sa ang kaniyang malaking katakot
ay napalitan ng isang malaking katuwaan. Si Sisa ay napaiyak, niyakap ang
anak at pinaghahalikan ang noong duguan.
“Buhay si
Crispin! Iniwan mo sa kumbento… at bakit may sugat ka, anak ko?
Nasubasob ka ba?”
At
siniyasat na mabuti ng ina ang anak.
“Nang
dalhin ng sakristan-mayor si Crispin, sinabi sa aking hindi ako makaaalis
hanggang ikasampu, at sa dahil gabi na ay tumakas ako. Sa bayan ay
sinigawan ako ng mga sundalo ng quien vive (sino ka?), tumakbo ako, at
nagpaputok sila at humaging ang isang punlo sa aking noo. Natatakot akong
madakip nila at paglinisin ng kuwartel habang pinapalo,
“Diyos
ko, Diyos ko!”[1]
ang nangingilabot na bulong ng ina. “Ikaw ang nagligtas sa kanya.” At samantalang naghahanap ng basahan,
tubig, suka at balahibo ng tagak,[2]
ay idinugtong: “Kung napalalim ng isang dali ay napatay ka aking anak! Hindi
iniisip ng mga guwardiya sibil ang mga ina![3]”
“Sabihin
ninyong na nahulog ako sa puno; huwag sabihin kahit kanino na ako ay hinabol
nila.”
“Bakit
naiwan si Crispin?” tanong ni Sisa
matapos na magamot ang anak.
Nag-isip
ito ng sandali, pagkatapos ay niyakap ang ina, isinalaysay isa-isa ang tungkol
sa nawawalang onsa; ngunit, hindi binanggit ang pagpapahirap na ginawa sa
kanyang munting kapatid.
Nagkahalo
ang luha ng mag-ina.
“Ang aking
mabait na Crispin! Pinagbibintangang magnanakaw ang aking mabait na si
Crispin! Dahil ba sa tayo ay
mahirap ay dapat na nating tiisin ang lahat ng bagay!”[4]
bulong ni Sisa na ang mga matang luhaan ay nakatingin sa ilawan na
nauubusan ng langis. [5]
Sa
ganitong kaayusan ay tahimik silang namalagi nang ilang sandali.
“Naghapunan
ka na ba? Hindi pa ba? May sinaing at tuyong halubaybay.”
“Hindi ako
nagugutom; tubig, tubig lamang ang gusto ko.”
“Oo nga!”
malungkot na sagot ng ina, “alam kong ayaw mo ng tuyong halubaybay;[6]
ipinaghanda kita ng ibang ulam, ngunit dumating ang tatay mo; kaawa-awang anak
ko!”
“Nagpunta
dito si tatay?” ang tanong ni Basilio at siniyasat ang mukha at mga kamay ng
ina.[7]
Ang tanong
na ito ng anak ay nakalagim sa puso ni Sisa, na nakahalata sa kahulugan nang
gayongpagsisiyasat, kayat madaling sumagot: “Naparito at itinanong kayo,
ibig kayong makita; gutom na gutom. Kung kayo raw ay magpapakabait, ang
sabi, ay muling makikisama sa atin.”
“Ah!” ang
putol ni Basilio, at ang kanyang mga labi ay napakibit sa sama ng loob.[8]
“Basilio!”
anang ina.
“Ipagpatawad
mo Nanay!” ang sagot, “hindi ba mabuti pa ang kalagayan natin kung tatlo lamang
tayo: kayo, si Crispin at ako?[9]
Subalit umiiyak kayo; isipin na lang ninyong wala akong sinabi.”
Si Sisa ay
napa-buntunghininga.
“Hindi ka
ba maghahapunan? Kung gayon ay mahiga na tayo at hatinggabi na.
Isinara ni
Sisa ang pinto ng kubo at tinabunan ng abo ang bagang natitira upang di ito
mamatay,
Dinasal na
marahan ni Basilio ang kanyang mga panalangin at humiga sa tabi ng kanyang ina
na paluhod na nagdarasal. Nakakaramdam siya ng init at lamig; pinilit na ipikit
ang mga mata na nag-aalala sa kanyang bunsong kapatid na kapwa niya umaasang
matutulog sa gabing yaon sa kandungan ng ina at ngayon ay nanginginig sa takot
sa isang madilim na sulok ng kumbento. Muling sumusundot sa kaniyang
tainga ang kanyang naririnig sa kampanaryo, subalit ang pagod na katawan ay
nagpalipas sa kanyang iniisip at ang bumaba ang pangangarap sa kanyang mga
mata.
Nakita
niya ang isang silid na naiilawan ng dalawang kandila. Ang kura ay may
hawak na yantok sa kamay at galit na nakikinig sa sakristan-mayor na kumakausap
sa kanya sa pamamagitan ng kakaibang wika, at nakalarawan ang isang
nakakakilabot na anyo. Si Crispin ay nanginginig at ang luhaang mata ay
palinga-linga sa lahat ng sulok na parang may hinahanap na tao o
mapagtataguan. Hinarap siya ng
kura at galit na galit na siya ay siniyasat at sumagitsit ang yantok.[11]
Ang bata ay nagtatakbong nagtago sa
likuran ng sakristan,[12]
subalit sinunggaban siya nito,
hinawakan at inialay para sa galit ng kura:[13]
ang kahabag-habag na bata ay pumipiglas, nagtatatarang, nagsisisigaw, nasubsob
sa sahig, gumulong, bumangon, nagtatakbo, nadulas, nalugmok at sinasangga ng
bisig ang mga palo, na kung masaktan ay umuungol na ikinakanlong agad.
Nakikita ni Basilio ang kanyang pag-aalumpihit, ipinapalo ang ulo sa sahig,
nakikita at naririnig ang haging ng yantok. Nang ang kanyang kapatid ay wala nang malamang gawin ay bumangon;
nang baliw na sa sakit ay sinalakay ang mga berdugo at kinagat sa kamay ang
kura. Ito ay napasigaw, nabitiwan ang yantok, binigyan ng
saksritang mayor ng isang palo sa ulo at ang bata ay nalugmok na walang diwa;[14]
nang makita ng kura na siya ay nasugatan ay pinagtatadyakan ang bata, ngunit
ito ay hindi na nagtatanggol, hindi na sumisigaw;[15]
gumugulong sa lupa na parang tiniban na nag-iwan sa madaanan ng isang basang
bakas…§
[1] Makikita rito na
Diyos ang tinawagan at pinasalamatan ni Sisa – ikumpara ito sa magiging
pasasalamat ni Kapitan Tiyago sa paggaling ni Maria Clara.
[2] Makikitas ang karaniwang
inilalapat na gamot sa sugat sa panahon
ng Espanya sa Pilipinas. Ano kaya ang
medikal na bisa ng pakpak ng tagak,
[3] Sa kalupitan ng mga
guwardiya sibil ay nalilimutan nila ang mga ina na nag-alaga at nagmamahal sa
mga biktima.
[4] Isang hanay ng tanong
na inilagay ni Rizal sa bibig ni Sisa, na ipinasasagot sa mga Pilipino noong
panahon ng Espanya. Ikaw na mambabasa, ano ang iyong sagot sa katanungan ni
Sisa sa kasalukuyang panahon?
[5] Pansinin ang
simbolismo ng pagtatanong ni Sisa at ang kaniyang pagtingin sa
liwanag/ilawan. Nasa liwanag ang
kasagutan, wala sa kadiliman.
[6] Mapapansin sa
nakalipas na kabanata na magkaiba ang ulam na inihanda ni Sisa sa dalawang anak
– mula sa ating pananaw ay parang mahahatulan natin na si Sisa ay mayroong
paboritismo. Ngunit tandaan na ang magkaibang ulam ay inihanda ayon sa pagiging
paborito ng isa’t isa. Ayaw ni Crispin ng tapa at hita ng pato (na gusto ni Basilo) at ayaw
naman ni Basilio ng tuyo (sardinas secas /
dried sardine) na paborito naman ni
Crispin.
[7] Tinitingnan ni
Basilio kung may bakas ng pananakit ang kaniyang ina mula sa malupit na ama..
[8] Isang sama ng loob na
may dahilan – tandaan na nakita ni Basilio ang pananakit na ginawa kay Crispin,
kung naging naging mabuti lamang ang kaniyang ama ay hindi sana niya nasaksihan
ang pagmamalupit na ginawa ng mga tauhan ng simbahan sa kaniyang bunsong
kapatid. Kung nagkaroon lamang tayo ng mabuting pamahalaan, sana hindi
alipin ng dayuhan ang ating ekonomiya at ang mga Pilipino ay kolektibong gagawa
para sa kaunlaran ng sambayanan.
[9] Makikita sa
pangungusap ang pagkamuhi ng anak sa isang iresponsable at malupit na ama.
[10] Ang pagwawalang
bahala ang ating pangunahing ginagamit sa araw-araw na pakikisalamuha sa ating
mga kapwa tao. Hindi ba malimit nating winawalang bahala ang mga kasamahan
nating sobra ang kayabangan – kung nayayabangan ka sa kanila, isipin mo na lang
na isang sinto-sinto ang nagkukuwento sa iyo at hindi ka mapipikon.
[11]Nakapanghihinayang na
ang mga alagad ng simbahan ay hindi pa noon advocate
ng human rights.
[12] Makikita dito ang
simbolismo na dapat
[13] pero éste le coge, le sujeta y le ofrece al furor
[14] Ang paglalarawan dito
ni Rizal ay ang katulad sa pamamaraan ng inquisition
noong mga Panahong Medyebal na ang ipinapatay ng alagad ng simbahan ang
napaghihinalaang mga erehe – hindi direktang ang simbahan ang naghahatol ng
kamatayan, kundi ang kontrolado nilang pamahalaan. Este
suelta un grito, deja caer el bejuco; el sacristán mayor coge un bastón, le da
un golpe en la cabeza y el niño cae aturdido – Mapansin sana na ang
nagbigay ng nakamatay na palo sa ulo ay ang sakristan mayor at hindi si Padre
Salvi. Hindi ang mga prayle ang magsasagawa ng maduming gawain mayroon siyang
sakristang mayor sa anyo ng pamahalaan. Sa
bahaging ito ay nagawang ilarawan ni Rizal ang magiging kaayusan ng kaniyang
sariling kamatayan. Naipapatay siya ng mga prayle sa pamamagitan ng
kaniyang sakristan mayor (pamahalaan at ni GH Polavieja) tandaan na galit ni
Padre Salvi ay dahilan sa kinagat siya ni Crispin – isipin na lamang ninyo kung ano ang higit na gagawin at magagawa ng
mga prayle sa isang matalinong tao na labis na nakapanakit hindi lamang sa
hipokritong frailocracia kundi maging
institusyon na kinabibilangan nila.
[15] Maging ito ay pangarap
lamang ni Basilio – ngunit may paghahanguan mula sa tunay na pangyayari:
Sinasabing ito ay naganap mismo sa katauhan ng prayleng Agustinong si Antonio
Piernavieja na nabalitang may ginawa na kahawig sa pangyayaring ito. Si Antonio
Pernavieja ay inabutan ng himagsikan sa lalawigan ng
§ nag-iwan sa madaanan ng isang basang bakas – hindi kayang
utakan ng frailocracia si Rizal,
marami siyang mga basang bakas na iniwan na nagpapakita kung sino ang mga tao
na nasa likod ng kaniyang kamatayan. Isa sa pinakamahalaga niyang bakas ay ang Noli Me Tangere na pilit na binubura at
ipinabubura sa magkaibang panahon ng kasaysayan ng Pilipinas. Ang una ay sa
panahon ng kolonyalismo sa ng i-sensor ng UST; ikalawa ay ang komisyon ni Font
na nagbabawal sa paglalathala at pagbabasa nito; at pangatlo ay sa pagkatapos
ng kolonyalismo sa panahon na
pinag-tatalunan ang panukalang batas sa Rizal na pinilit na hadlangan ng kolonyal
na simbahan.