Mag-iikapito na nang umaga, nang si Padre Salvi ay nakatapos sa kanyang huling
misa: na ang tatlo ay kaniyang ginawa sa loob lamang ng isang oras.
“May sakit ang pari,” sabi ng ilang mapanata,
“hindi kumikilos nang banayad at elegante
na tulad ng kaugalian!” Walang imik na hinubad ang kanyang mga kasuotan,
walang katingin-tingin kahit kanino, at walang ginawa na anumang pagpuna.[1]
“Ingat!”
ang bulungan ng mga sakristan, “lumalakas ang kulukoy sa ulo! Uulan ng
multa, at ang may kagagawan ng lahat ng ito ay ang magkapatid!”[2]
Umalis ng sacristia
para pumanhik sa kumbento
at sa silong na zaguan at paaralan ay may pito o walong babae at isang
lalaki na lalakad-lakad sa magkabilang dulo. Nang makitang siya ay
dumarating ay nagtayuan, isa sa mga babae ay nagpauna upang humalik sa kamay, ngunit ang pari ay nagpakita nang
yamot na anyo pumigil sa lalapit.[3]
“Nawalan kaya ng pera ang kuripot?” nasabi ng babae na pakutyang tumawa na bilang
ganti ng kaniyang pagkamuhi sa masamang pagsalubong ng pari. Hindi ba
naman siya pahalikin ng kamay; siya ang celadora ng Hermandad, si
Hermana Rufa! Iyon ay hindi pa man lamang pinakundanganan!
“Kaninang
umaga ay hindi umupo sa kumpisalan!” ang dugtong ni Manang Sipa, isang
matandang walang ngipin; “ibig ko sanang mangumpisal at makinabang upang matamo
ang mga indulgencia[4]. “Dahil diyan ay kinakaawaan ko kayo!”
sagot ng isang batang-batang babae na may mukhang mapaniwalain, “sa linggong
ito ay nagtamo ako ng tatlong plenaria[5] at ipinagkaloob kong lahat sa
kaluluwa ng aking asawa.
“Masama
ang ginawa ninyo, Manang Juana!” pagalit na sabi ni Rufa. “Ang isang plenarya
lamang ay sapat na upang makuha ang inyong asawa sa purgatoryo; hindi ninyo dapat
aksayahin ang mga banal na indulhensiya;[6]
gawin ninyo ang ginagawa ko.”
“Para sa
akin ay lalong marami ay lalong mabuti!” ang sagot ni Manang Juana na
nakangiti.
“Ngunit
sabihin nga ninyo kung ano ang inyong ginagawa.”
Si Manang
Rufa ay hindi agad sumagot; humingi muna ng isang hitso, ngumanga, tiningnan
ang nakikinig na naghihintay, lumura sa isang tabi, at nagsimulang magsalita,
habang kumakagat ng tabako:
“Hindi ako
mag-aaksaya kahit ng isa mang banal na araw! Sapul nang ako ay makasapi
sa Kapatiran ay nagtamo na ako ng 457
indulhensiya plenarya, 760,598 taong
indulhensiya. Itinatala ko ang lahat ng aking natamo, sapagkat ibig
kong malinis ang aking talaan; ayokong mandaya o madaya.[7]
Si Manang
Rufa ay sandaling huminto at upang makapagnganga; pinagmamasdan siya na pahanga
ng mga babae, ngunit ang lalaking palakad-lakad ay tumigil, at nagsalita na
parang hindi pinahalagahan nang malaki ang bagay na iyon.
“Ako, sa
taon lamang na ito, ay nagtamo ng apat
na plenaryang higit sa inyo, Manang Rufa, at isang daan taong higit, gayong sa taong ito ay hindi ako nagdasal
nang marami.”[8]
“Higit sa akin? Higit sa 689 plenarya,
994,856 na taon?” ang ulit ni Manang
Rufa na may halong kaunting sama ng loob.[9]
“Iyan nga,
higit ng walong plenarya at isang daan at labinlimang taong higit sa loob ng
ilang buwan,” ang ulit ng lalaki na may sabit na mga kalmen at libaging
kuwintas sa leeg.[10]
§ Sa kabanatang ito ay makikita ang argumento ng mga
mapanata sa simbahan. Ginawa ni Rizal ang kabanatang ito upang ipakita ang mga
kabalbalan ng mga panatikong tagasunod ng kolonyal na simbahan – ipagkumpara
ang kanilang pag-uusap sa mga kaisipan ni Pilosopo Tasyo na nabanggit sa
kabanata 14.
[1] Mapapansin na ang
kilos ni Padre Salvi ay taglay ng isang taong may bumabagabag sa isipan.
[2] Ibig sabihin ay may sumpong si Padre Salvi at ang sinisisi ng
mga sakristan ay ang magkapatid.
[3] Bakit ayaw magpahalik
ng kamay si Padre Salvi? Ano kaya ang kaniyang itinatago? Hindi kaya ang
kagat ni Crispin, katulad ng pagtatago ng mga prayle sa kagat ni Rizal sa
kolonyal na simbahan, sa pamamamagitan ng pag-expurgate sa nobelang Noli me
Tangere.
[4] Indulhensiya -
pagpapatawad ng kasalanan mula o sa pamamagitan ng mga gawang kabanalan.
[5] Plenaria – ganap na
pagpapatawad sa lahat ng kasalanan.
[6] Itinuturo ng simbahan
ay sapat na ang isang plenarya para hanguin ang kaluluwa ng isang tao sa
purgatoryo. Ipinapapansin na para ano pa ang mga taunang pamisa para sa
kaluluwa ng mga namatay, kung ang isang plenarya lamang ay sapat na sa ganap na
kapatawaran ng kasalanan.
[7] Makikita dito ang
katunggakan ng mga manang sa simbahan, ang dami ng naipong indulehensiya ay
labis-labis kahit na sila ay mabuhay nang mag-uli ng libo-libong beses.
[8] 457 indulhensiya plenarya,
760,598 taong indulhensiya ang natamo ni Manang Rufa kaya ang natamo ng lalaki
ay ay 461 indulhensiya plenarya, 760,698 sa lalaki. Nagyayabang ang lalaki.
[9] Makita ang bagong figure na
ibinigay ni Hermana Rufa. “Higit
sa 689 na plenarya, 994,856 taong indulhensiya?” pinalilitaw dito na si
Hermana Rufa ay sinungaling na mayabang pa. Paano kaya ito nakapagtamo ng kahit
isa man lamang na indulhensiya? Kaya siguro ang unang hinanap sa umagang iyon
ay ang kumpisalan.
[10] Iyan nga, higit ng
walong plenarya (687) at isang daan at labinlimang taong higit ( 995,006) sa
loob ng ilang buwan,” Sa ikalawang figure
na sinabi ni Hermana Rufa ay hindi
tinutulan ng lalaki at sinabi na nakakahigit ng 8 plenarya at 150 taong
indulhensiya sa loob lamang ng ilang buwan. Makikita dito ang pag-uusap ng mga
mapanata na puno at nadagdagan ng kasinungalingan katulad ng paglaki ng
kanilang ibinibigay na figure – handa
silang magsinungaling para lamang sa ipangalandakan at maragdagan ang kanilang
mga naiipong “kabanalan.” Nilagyan pa ni
Rizal ng isang napakagandang larawan ang lalaking nagyayabang sa kaniyang
natamong sinungaling na kabanalan. Isang lalaki na may sabit na mga kalmen
at libaging kuwintas sa leeg. (siguro ay nagtatawa si Rizal habang
binubuo niya sa kaniyang ideya ang tauhan na ito na kaniyang nililikha)