El vulgo es
necio y pues lo paga, es justo
Hablarle en necio para
darle gusto – Lope de Vega
Ang
lawa na napapaligiran ng kanyang mga kabundukan ay kalmanteng natutulog, na
dala ang pakunwaring kaugalian ng mga elemento ng kalikasan, na tila nang
gabing kararaan ay hindi nakitulong sa unos.[1]
Sa mga unang sikat pa lamang na gumigising sa kinang ng tubig, ay namamalas sa
dakong malayo, na abot ng tanaw, ang malabo-labong anino; iyon ang mga bangka ng mga mangingisda na nag-aahon ng
kanilang mga lambat; mga kasko at paraw na nag-aayos ng ng kani-kanilang
ilawan. Dalawang lalaking nakaluksa ang walang imik na nakatanaw sa tubig,
buhat sa isang mataas na pook; ang isang binata, ay anyong ay dukha at
malungkot ang mukha.
“Dito!”
ang sabi ng huli, “dito itinapon ang bangkay ng inyong ama. Dito kami
itinuro ng sepulturero ng libingan nang kasama ko si Tinyente Guevara.”
Kinamayan
nang buong-puso ni Ibarra ang binata.
“
Wala
kayong dapat na ipagpasalamat sa akin!” sabi nito. “marami po akong utang
na loob sa inyong nasirang ama, at ang naiganti ko lamang ay ang samahan siya
sa paghahatid sa kaniyang libingan. Ako ay dumating dito na walang
sinumang kakilala, walang rekomendasyon, walang katangian, walang kayamanan,
katulad rin ngayon.[2]
Ang aking pinalitan ay nagbitiw sa paaralan upang magtinda ng tabako.[3]
Ang ama ninyo ang kumalinga sa akin, inihanap ako ng isang bahay at binigyan
ako ng lahat ng kailangan sa pagsulong ng pagtuturo; pumaparoon sa paaralan at
inaabutan ng kaunting kuwalta ang mga batang mahihirap ang buhay at masisipag
magsipag-aral, binibigyan sila ng mga aklat at mga papel. Ngunit ito ay katulad
ng anumang magagandang bagay, ay hindi nagtagal!”
Si Ibarra
ay nag-alis ng sumbrero at parang nanalangin ng matagal. Pagkatapos ay
hinarap ang kasama at sinabing: “Ang sabi ninyo ay tinulungan ng aking ama ang
mga batang mahihirap, at ngayon?”
“Ngayon ay
ginagawa nila ang magagawa at sumusulat sila kung mangyayari,” sagot ng guro.
“At ano
ang dahilan?”
“Ang
dahilan ay ang kanilang sira-sirang damit at tinging pagkamahiyain.”[4]
Si Ibarra
ay hindi kumibo.
“Ilang
bata mayroon kayo ngayon?” masusing pagtatanong.
“Mahigit
sa dalawang daan ang nasa listahan, at ang nasa paaralan ay dalawampu’t
“Paano
nangyayari iyon?”
Ang guro
sa paaralan ay malungkot na ngumiti.
“Ang
sabihin ko sa inyo ang dahilan ay isang mahaba at nakakainis na pangyayari,”
wika niya.
“Huwag
ninyong akalain na ang tanong ko ay pag-uusisa lamang,” sabi ni Ibarra habang
nakatanaw sa malayong dako na abot ng tanaw. “Nakapag-isip ako ng
lalong mabuti, at iniisip kong ang ipagpatuloy ang balak ng aking ama ay
makabuluhan pa kaysa siya ay aking iyakan at lalo pang pang higit kaysa siya
ay aking ipaghiganti.[5]
Ang kanyang libingan ay ang sagradong Kalikasan, at ang kanyang mga naging
kalaban ay ang bayan at isang pari; pinatatawad ko ang una dahil sa kanyang
kamangmangan,[6] at
iginagalang ko ang pangalawa dahil sa kanyang kalagayan; at sa dahilang
ninais kong igalang ang relihiyong nagturo sa tao.[7]
Ibig kong magkaroon ng inspirasyon sa espiritu ng nagbigay sa akin ng buhay, at
dahil dito ay ibig kong maalaman ang nakakahadlang sa pagtuturo.”[8]
“Pupurihin
ng labis ng bayan ang inyong pangalan, kung isasakatuparan ninyo ang hangarin
ng inyong namayapang ama!” sabi ng guro. “Ibig ninyong malaman ang mga
sagabal na humahadlang sa pagtuturo? Kung gayon ay pakinggan ninyo:
sa aming kasalukuyang kalagayan ngayon, kung walang isang mahalagang tulong
ay hindi maisasagawa kailanmnan ang pagtuturo;[9]
una, sapagka walang anumang maaring makaakit sa kabataan,[10] at
pangalawa, kahi’t na magkaroon pa ng pang-akit ay pumapatay naman ang
kakulangan sa kagamitan at ang maraming alalahanin.[11]
Sinasabi na sa Alemanya ang mga anak ng magbubukid ay walong taon na nag-aaral sa bayan:
sino dito sa atin ang mag-aaksaya ng kalahati man lamang ng panahong iyan, para
sa kaunting bagay na napapala?[12] Bumabasa,
sumusulat at nagsasaulo ng mga bahagi at kung minsan ay buong aklat na wikang
Kastila, na walang nauunawaan kahit isa man lamang salita:[13]
ano ang napapala sa paaralan ng mga anak ng ating mga tagabukid?”[14]
“At
kayong nakakakita ng kamalian, bakit hindi ninyo inisip na lunasan ang gayon?”
“Ay!” malungkot
na sagot habang iniiiling ang ulo,[15]
“kapag ginawa iyon, ng isang kahabag-habag na guro ay hindi lamang niya
tutunggaliin ang pinaniniwalaang kabaitan at sa iba pang mga makapangyarihang
tao.[16]
Unang ay dapat magkaroon ng isang bahay paaralan, na hindi kagaya ngayon na ako
ay nagtuturo sa tabi ng karwahe ng kura, sa silong ng kumbento.
Ang guro
ay huminto at parang nag-aalangan; pagkatapos, parang may niyaring balak ay
nagpatuloy: “Hindi ko dapat ikahiya ang pagsasabi ng aking mga tinamong
kaapihan; kahit sinuman ang lumagay sa lagay ko ay gayon din ang
gagawin.
§ Mayroong isang
komprehensibong artikulo si Rizal na pinamagatang Ang Mga Paaralang Bayan sa Pilipinas
[1] Hindi lamang ang
kalikasan ang nagtataglay ng mapagbalatkayong elemento – kundi ang tao. Ang
paunang talatang ito ay isang magandang panimula ni Rizal para sa kabanatang
tumatalakay sa buhay ng isang guro. Alam natin na ang mga guro ay isa sa
pinakatahimik at walang kibong sektor ng lipunang Pilipino, ngunit huwag
ipagkamali na wala silang radikal o rebolusyonaryong tradisyon – isang
katotohanan sa ating kasaysayan na maraming naging lider o heneral ng
rebolusyong Pilipino laban sa Espanya ay mula sa hanay ng mga guro. Maging sa
kapanahunan ng pananakop ng mga Amerikano ay isang lalaki na nagngangalang Teodoro
Asedillo ng Laguna, ang humawak ng armas upang pangunahan ang isang armadong
kilusan laban sa mga mapang-aping uri ng kaniyang kapanahunan.
[2] Pakipansin mga kapwa guro – IPINAKIKITA DITO NI RIZAL
NOON PA MAN, NA WALANG PAG-UNLAD PANGKABUHAYAN NA MAAASAHAN SA PAGTUTURO.
Ang dahilan nito ay ang kawalan ng tunay na pagmamalasakit ng pamahalaang
kolonyal na itaguyod ang isang maayos na sistema ng edukasyon para sa mga
Pilipino. Ang guro sa panahon ng Espanya ay sumasahod lamang ng halagang mula
sa P 8 – 12 sa bawat buwan, at upang mapagkasya ito ay nagtitinda ng
papel at ilang porsiyento mula sa aklat na binibili ng mga mag-aaral.
Mararamdaman dito na
isang pamahalaan na nagyayabang na nagmamalasakit na paunlarin ang edukasyon ng
isang bansa ngunit hayagan naman na nagpapabaya sa kabuhayan ng mga guro ay
isang hipokritong pamahalaan.
[3] Mi predecesor había abandonado la escuela
para dedicarse a vender tabaco. Kaya nagkaroon ng puwesto o
naitalaga sa pagtuturo sa
[4] Isang tipikal na
ugali ng mga mag-aaral na Pilipino, ang pagiging mahiyain.
[5] Ang hindi
paghihiganti ni Ibarra ay tipikal na balangkas na kaisipan ng mga creole sa kaniyang kapanahunan. Handa silang
makibagay o magsawalang kibo, kahit sila ay maapi sa layunin na mai-preserba ang kanilang kayamanan. Si
Ibarra ay kabilang sa creole/ilustrado –
mga Pilipinong may dugong Espanyol, nakapag-aral, may potensiyal na pamunuan
ang bayan, ngunit tapat pa rin sa ilusyon na ang Espanya ang kaniyang amang
bayan (patria grande) at ang
Pilipinas ang inang bayan (patria chica).
[6] Mangmang ang bayan
kaya kinalaban si Don Rafael, kumampi ang bayan sa pamamagitan ng pagsasawalang
kibo (hindi nagkaroon ng indignation laban
kay Padre Damaso). Ipinapakita na, ang hindi pagtutol sa kawalan ng
katarungan ay isang anyo ng kaduwagan at pagsang-ayon sa kasamaan ng
maykapangyarihan.
[7] Ang pagpapatawad ni
Ibarra ay alang-alang sa kahalagahan ng simbahan.
[8] Ang pangunahing layunin
ni Ibarra sa pagpapatayo ng paaralan ay para sa ala-ala ng kaniyang ama at ang gloripikasyon ng kaniyang angkan.
Hindi siya maghihiganti sa ginawang pag-api sa kaniyang ama, dahilan sa mayroon
siyang salapi na buhayin ang ala-ala ng ama. Ang kaniyang ginagawa ay katulad
ngayon sa mga ginagawa ng mga malalaking foundation
na ipinagkakaloob ng mga mayayamang tao o samahan para sa glorpikasyon ng
kanilang namayapang mahal sa buhay. Maari ding katulad ng mga pulitiko na
ipinapangalan ang paaralan sa kanilang mga yumaong magulang.
[9] Ang pag-asa sa
mahalagang tulong ay nangangahulugan na ang edukasyon sa panahon ni Rizal ay
pinababayaan ng pamahalaan. Hanggang sa kasalukuyang panahon ito pa rin ang
kalagayan ng edukasyon ng Pilipinas, na naghihintay ng isang matinong programa
at sapat at maayos na paggamit ng budget na
babago sa kahinaan ng sistema ng ating edukasyon.
[10] Makikita ang kawalan
ng kabuluhan ng edukasyon, ang isa sa mga bagay na hindi umaakit sa mga bata na
mag-aral na mabuti. Kahit sa kasalukuyang panahon, aasahan mo kaya na
maka-aakit ng kritikal na kaisipan ang isang edukasyon na ang pangunahing
layunin ay lumikha ng mga manggagawa para sa mga pabrika ng dayuhan?
[11] Sa pamamagitan ng
pagsusumbong ng guro ay naipakita ni Rizal na ang pangunahing sakit ng
edukasyong Pilipino sa kanilang kapanahunan ay ang kakulangan ng mga kagamitan
para sa maayos na pagtuturo. Isang suliranin na umiiral pa hanggang sa ngayon. Isang
masakit na katotohanan na sa loob ng paaralang pampubliko, na ang mga libro na
maiwawala at hindi mabayaran ng mga mag-aral ay ANG GURO ANG NAGBABAYAD NG MGA
NAWAWALANG LIBRO NG MAG-AARAL. Babawasin
iyon sa sa suweldo ng guro na halos wala ng matira.
[12] Makikita ang kawalan
ng sapat na panahon sa pag-aaral – ang pormal na edukasyon ay kulang sa tamang
dami ng taon na dapat ipasok ng mga mag-aaral. Maging si Rizal ay halos ilang
buwan lamang ang kabuuan ng kaniyang pormal na edukasyon sa Binan, bago siya
pumasok sa Ateneo.
[13] Ang mga paaralan sa
panahon ng kolonyalismo ng Espanya ay nasa ilalim ng pagmamasid ng mga kura
paroko ng bayan. Ang pagbasa at pagsulat ng wikang Espanyol ay isa sa
ipinag-uutos ng batas na ituro; Sa pagmamasid ni Feodor Jagor sa kaniyang
pagbisita sa Pilipinas noong sa huling bahagi ng 1859-60 ay napansin na ang mga
guro ay walang ganap na kahusayan sa pagamit ng wikang Espanyol, sa kabilang
dako naman, ang mga empleyado ng gobyenong Espanyol ay hindi naman maalam sa
wikang ginagamit ng mga katutubo sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas. Ang mga
kura paroko, sa layunin na panatilihin ang kaniyang inpluwensiya ay hindi
nagsikap na ipakalat ang paggamit ng wikang Espanyol. Ang ilang mga katutubo na nakaalam ng wikang
Espanyol ay ang mga naglilingkod sa kanilang mga among Europeo. Ang unang aklat
na ginamit na sanayan sa pagbasa ay ang Katekismo.
[14] Ang ganap na kawalan
ng kabuluhan ng edukasyon sa mga paaalang bayan sa Pilipinas sa panahon ng
Espanya.
[15] ITINATANONG NI
RIZAL SA GURO, ANO ANG GINAGAWA NIYA SA MGA KAMALIAN NA UMIIRAL SA SISTEMA NG
EDUKASYON? Pansinin na maging sa
kilos pa lang ng guro bago sumagot – kung ikaw na mambabasa ay isang guro,
ilang beses mo na nagamit ang mga aktwasyon na iyan. Ngunit umaasa tayo sa
panahon na, kapag ang nilatid na nang
pagsasamantala ang ating natitirang pagtitimpi, kapag ang pagkabusabos
ay sumagad na sa hangganan ating mga pasensiya, kapag ang sikmurang
kumakalam ay sinisipa na nang papaalis ang kaduwagang nakikipamahay sa ating
mga kalooban, kapag handa na tayong bawiin ang dignidad ng propesyon na
sa araw-araw ay hinuhubad sa atin. Iyon ang panahon na ang isang guro ay
hindi na iiiling ang malungkot niyang ulo, kundi taas noo, sabay sa pagtaas ng
kamao at makikihalo sa tahimik na lawa, at hihintayin ang isang pagkakataon na
ang kaniyang dating tahimik na tubig ay mag-aambag sa malaking unos na lilinis
sa bayan na puno ng katiwalian. Pinatunayan na ito ng kasaysayan sa
nakaraan, at patutunayan pa rin ng kasaysayan sa mga darating na kinabukasan.
[16] Ipinakita na takot
ang guro na magsalita o inaakala nilang wala silang magagawa sa kabila ng
nakikita nilang katiwalian sa sistema ng edukasyon sa bansa. Nakatali ang guro sa pinaniniwalaang
kabaitan – ang guro ay mabait, ang guro ay modelo, hindi dapat na ganyan ang
guro – nakatali siya dito. Wala siyang kamalay-malay na ang mga “pamantayang ito” ang nagsisilbing
poste na kaniyang kinagagapusan.
[17] Inaalimura ang guro –
sa ating panahon ay mayroong, nagaganap pa rin ganito, ang verbal na pang-aabuso ng sa mga nakakataas na opisyal sa kagawaran
ng edukasyon sa mga karaniwang guro.
[18] Hindi igagalang
ang mga guro hanggang siya ay inaalipusta – nakakalungkot na sa
kasalukuyan ay umiiral ito at ang unang
umaalipusta sa mga guro ay ang ating pamahalaan. Ipinapakita at ibinabandila sa pahayagan at mga balitaan ang
kahinaan ng mga guro sa larangan ng siyensiya, matematika, at ingles. Kahinaan
na hindi naman nila nais, kundi epekto ng mga patakaran ng pamahalaan na sa
mahabang panahon ay nagpabaya sa kalagayang pangkabuhayan ng mga guro at
sumisira sa dignidad ng propesyong pagtuturo. Bakit sinisiraan ng
pamahalaan ang kaniyang mga guro? Walang pinag-iwan lamang iyon sa isang barat
na mamimili, na sinisiraan ng labis ang depekto ng produkto upang mabili (o
mapasuwelduhan) niya sa mababang halaga. Hindi
tayo mahina, binabarat lang tayo. Kung nabubuhay lamang si Rizal at
aalipustahin ng ganito ang mga guro, si Rizal na ang unang tututol – dahil
siya ay isa ring guro.
[19] Alipin ang tingin sa
mga guro at hindi isang propesyonal na mayroong mga karapatan. – Malaman sana
na ang mga guro ang pinakamalaking sektor propesyonal sa bansa. Pero ito naman
ang pinakahubad sa mga karapatan.
[20] Tinitingnan ng mga
makaluma na ang gurong naghahangad ng reporma ay hangal.
[21] Pansinin ang kahusayan ni Rizal bilang isang guro –
ipinakita niya ang pagtuturo ng mga basehang kaalaman sa mag-aaral na
nagsisimula pa lamang na matuto, mula sa mga basehang kaalaman, susundan ito ng
pagkaunawa, at pagkatapos ay ang aplikasyon ng natutunan at naunawaan.
Nagpapakita ito na si Rizal ay may ganap na kakayahan sa tinatawag natin ngayong
Lesson Planning.
[22] Ipinakilala ni Rizal
na ang pagkakaroon ng sariling kalooban ay hindi kalaban ng pagiging mabuting
Kristiyano. Inilagay ng mga prayle sa kolektibong isipan ng ating lipunan na
ang “mabuting tao” ay mabait at sunud-sunuran.
[23] Mapapansin na ang mga
Prayle ay natatawa sa Pilipino na nahina sa paggamit ng wikang Espanyol. Ang ugaling ito ay tinataglay pa rin ng
ilan nating mga mayayabang na mga kababayan na may ganap (kahit nga hindi pa
ganap) na kaalaman sa wikang ingles na nanlilibak sa kaniyang kapwa Pilipino na
mahina sa paggamit ng nabanggit na wika. Ito ang sakit nating mga
Pilipino, mapagparaya tayo sa mga kahinaan ng mga Hapon, Koreano, Tsino, at iba
pang mga bansang hindi laganap na ginaganit ang wikang Ingles, samantalang
mapang-insulto tayo sa kahinaan ng ating mga kababayan sa paggamit ng wikang
Ingles.