Ang salas
na ito ay may lawak na labindalawa o labinlimang metro ang haba at walo o sampu
ang luwang. Ang mga dingding na bato ay
pinahiran ng apog at puno ng mga larawang guhit sa uling na pangit ang
kaayusan at ang ilang may masagwang anyo, sa ilalim ay may mga sulat ng
paliwanag ng katuturan. Sa isang sulok ay nakahanay at nakasandal sa bato
ang may mga sampung lumang baril na sinusulutan ng bala at pulbura, kasama
ng ilang kalawanging sable, mga espadin at mga talibong: iyon ang
sandata ng mga kuwadrilyero.[1]
Sa isang
dulo ng salas na nagagayakan ng maruruming kurtinang pula ay nakatago at
nakasabit sa pader ang larawan ng Hari; sa ibaba ng larawan, sa ibabaw ng isang
mesang kahoy, ay may isang lumang silya na sira ang mga braso; sa harapan nito
ay may isang malaking lamesang kahoy na may mantsang tinta at ukit ng may mga titik at ng iba’t ibang anyo na tulad
ng mga lamesa sa mga taberna sa Alemanya na palaging pinupuntahan ng mga
estudyante. Mga bangko at mga silyang sira-sira ang bumubuo ng mga
kasangkapan.
Ang salas
na ito ay pook ng pagpupulong, salas litisan, at mga pagpapahirap atbp.[2]
Dito ngayon nagpupulong ang mga maykapangyarihan sa bayan at mga nayon:
ang pangkat ng matatanda ay hindi nakikisama sa mga may kaunting kabataan,
hindi sila magkasundo: Kinakatawan nila ang mga pangkating conservador
at liberal, ngunit ang kanilang labanan lamang ay nagiging mahigpit
sa mga bayan-bayan.[3]
“Nagdududa
ako sa inuugali ng kapitan!” sinasabi sa kanyang mga kaibigan ni Don Filipo,
ang pinuno ng pangkating liberal, “may naiisip akong isang paraang binalak
tungkol sa ugaling ipagpahuli ang pagtatalo tungkol sa mga gugulin.
Alalahanin ninyong labing isang araw na lamang ang nalalabi sa atin.”
“At ang
kapitan ay tumigil pa sa kumbento upang makipag-usap sa kurang may sakit!”[4]
sabi ng isa sa mga binata.
“Walang
kailangan!” sagot ng isa, “lahat ay handa na. Huwag lamang sanang
magtagumpay ang balak ng mga matatanda…”[5]
“Sa
palagay ko ay hindi!” ang sabi ni Don Filipo, “ako ang maghaharap sa panukala ng mga matatanda…”
“Bakit?
Ano ang sabi ninyo?” ang pamanghang tanong ng mga nakikinig sa kanya.
“Ang sabi
ko ay ganito: kung ako ang unang magsasalita ay ihaharap ko ang panukala
ng ating mga kalaban.”
“At sa ang
atin?”
“Kayo ang
bahalang magharap,” ang sagot na nakangiti ng tinyente-mayor at ang tinukoy ay
ang isang batang kabisa, “pagkatapos na matalo ako ay kayo naman ang
magsalita.”
“Hindi
namin kayo maunawaaan, ginoo;” ang tanong nang mga kausap na nakatingin sa
kanya na may pagtataka.
“Pakinggan
ninyo!” marahang sabi ni Don Filipo sa dalawa o tatlong nakikinig sa kanya,
“kaninang umaga ay nakita ko si Matandang Tasyo.” “At ano?”
“Ang sabi
sa akin ng matanda ay ganito: ‘Higit pa ang galit sa inyo ng inyong
mga kalaban kaysa mga panukala ninyo. Ibig ninyong huwag mangyari ang
isang bagay? Kayo ang magpanukala, at kahit na may kabuluhan pa ng higit
sa isang mitra ay hindi sasang-ayunan.[6]
Kailan pa man at tinalo na kayo ay gawin ninyong ipanukala ng pinakadukha sa
inyong lahat ang inyong balakin at maapi lamang kayo ng inyong mga kalaban ay
sasang-ayunan nila.’ Ipaglihim lamang ninyo ito.[7]
“Datapwa’t…”
“Kaya
ilalahad ko ang panukala ng ating mga kalaban at dadagdagan ko pa hanggang
maging kakatuwa. Tumahimik kayo! Narito si Ginoong Ibarra at ang
guro sa paaralan!” Ang dalawang binata
ay bumati sa mga pangkat ngunit hindi nakisali sa mga usapan.
Makalipas
ang ilang sandali ay pumasok ang kapitan na ang mukha ay parang hindi
nasisiyahang-loob: siya rin ang nakita natin kahapon na may dalang isang
arobang kandila. Pagdating niya ay huminto ang mga bulung-bulungan, ang
bawat isa ay umupo sa kanilang upuan at naghari ang katahimikan. Naupo ang
kapitan sa luklukang nasa ibaba ng larawan ng Hari, makaapat o makalimang
umubo, hinaplos ang ulo at mukha, ikinatang ang mga siko sa hapag, inalis,
umubong muli at inulit din ang mga unang ginawa.
“Mga
ginoo!” ang sa huli ay nasabing ang boses ay mahina, “nangahas akong ipatawag
kayong lahat sa pulong na ito… ehem… ehem… idaraos natin ang pista ng ating
patrong si San Diego sa ika-12 ng buwang ito…ehem…ehem…ngayo’y ika-2 na
tayo…ehem…ehem!”
At dito ay inatake siya ng isang matinding
ubong paos at tuyo at siyang nagpatigil sa kanya.
Sa gayong
kalagayan ng kapitan ay tumindig sa kinauupuang bangko ang isang matatanda,
isang taong may anyong arogante, na may mga apatnapung taon gulang. Siya
ang mayamang si Kapitan Basilio na kalaban ng nasirang si Don Rafael, isang
taong nag-aakalang magmula nang mamatay si Santo Tomas de Aquino ay hindi na
sumulong kahit isang hakbang man lamang ang mundo, at mula nang iwan
niya ang San Juan de Letran ay umurong na ang Sangkatauhan.[8]
[1] Ipinapakita na ang
baril na ginagamit ng mga kuwadrilyero (lokal na pulisya ng bayan) ay
napakaluma. Isiping ang baril ay nilulusutan pa ng bala at pulbura. Samantalang
ang ginagamit na mga baril ng mga guwardiya sibil ay kinakargahan ng bala sa
pamamagitan ng pagkasa. Isang simbolismo ng arsenal ng katutubong hukbong
sandatahan.
[2] Makikita na ang bahay
pamahalaan ng isang bayan ay gumaganap
ng iba’t ibang mga gawaing panlipunan.
[3] Ang labanan ng mga
makaluma at liberal ay sa bayan-bayan lamang at hindi sa pambansang larangan
dahilan sa wala namang tunay na partido ng mga liberal sa Pilipinas (nawala
noong 1872) sa panahon ng kolonyalismo – ang buong Pilipinas ay kontrolado ng
pamahalaan at simbahan.
[4] Ang kapitan bago
magsimula ang pulong sa tribunal ay
nakikipag-usap pa sa kura paroko.
[5] Sa pagpupulong ay
nahahati ang kapulungan sa pangkat ng mga matatanda at mga batang liberal.
[6] Dito ay makikita
na ginagawang personal ng mga Pilipino ang mga pagtatalong pampulitika. Kahit
na anong ganda ng isang panukala, basta ito ay magmumula sa kalaban sa pulitika
ay hahanapan ng butas upang ito ay masira at huwag maging tanyag ang kalaban.
Ang pinaka-klasikal na ay ang naging tunggalian nina Quezon at Osmena - para sa magkaibang batas pangkalayaan na
hiniling nila mula sa Amerika. Ang layunin ni Quezon ay upang matakluban ang
katanyagan ni Osmeña.
[7] Si Don Felipo ay
kalaban ng mga matatanda at anuman ang kaniyang panukala ay tutulan ng mga ito.
Sa ganito ang
[8] Ginamit ni Rizal ang
kaisipan na nakakaapekto sa ugali ni Don Basilio, bilang paraan ng
pagpaparunggit sa mga prayle at mga matatandang guro ng Santo Tomas at San Juan
de Letran.