Walang tiyak na
palakad-lakad
Walang hinto sa
kalilipad
Walang pahinga ni
isang iglap.
Nagtatakbo
si Sisa patungo sa kanyang bahay, na taglay
ang pagkalito na nangyayari sa tao kapag nasa gitna ng isang kasawian at
walang sukat lumingap sa atin at tinatakasan tayo ng pag-asa. Kapag
nangyayari ang gayo ay parang nagdidilim ang lahat ng bagay sa paligid natin,
at kung makakita tayo ng isang munting ilaw na nagniningning sa malayo ay
tumatakbo tayong patungo sa kanya, siya ay ating hinahabol nang di pinupuna
kung sa gitna ng daan ay may isang bangin.[1] Nais
na iligtas ng ina ang kanyang mga anak, ngunit paano? Ang mga ina
ay hindi nagtatanong ng pamamaraan kapag ang ang kanilang mga anak ay nasa
panganib.[2]
Hangos na
tumatakbo, habol ng mga pangamba at mga kakila-kilabot na kutob ng loob. Nadakip
na kaya ang anak niyang si Basilio? Saan tumakas ang anak na si
Crispin?[3]
Nang malapit na sa kanyang bahay ay nakita ang mga capacete[4] ng dalawang sundalo sa ibabaw ng
bakod ng kanyang taniman ng gulay.[5]
Hindi masabi ang dumaan sa kanyang puso; nalimot niya ang lahat. Hindi
lihim sa kanya ang kawalang galang ng mga taong iyon na hindi nagpipitagan
kahit sa mayayaman sa bayan; ano ang mangyayari sa kanya at sa kanyang mga anak
na isinuplong sa pagnanakaw? Ang mga guwardiya sibil ay hindi mga
lalaki, sila ay guwardiya sibil lamang: hindi nakikinig sa paki-usap at
sanay makakita ng luha.[6]
Napatitig si Sisa sa langit at ang langit ay nakangiting taglay ang kanyang hindi
mailarawang liwanag: ilang maninipis na mapuputing ulap ang papaalis na
nakalutang sa bughaw na langit. Huminto upang pigilin ang panginginig na
nararamdaman niya sa buo niyang katawan.
Iniwan ng
mga sundalo ang kanyang bahay at nasasalubong niyang sila lamang: walang
nadakip sa bahay kundi ang manok na inahing pinatataba ni Sisa.[7]
Huminga at lumakas-lakas ang loob. “Napakabuti ng kanilang puso!” ang
bulong na halos umiiyak sa katuwaan. Kahit pa sunugin ng mga sundalo ang
bahay, basta pabayaan lamang ang kanyang mga anak ay bibiyan niya ang mga
sundalong ito ng bendisyon. Muling
tumingin bilang pasasalamat sa langit, na nagkataon na noon ay nililiparan ng
isang kawan ng tagak, iyang matutuling ulap sa langit ng Pilipinas,[8]
at, bumalik ang pag-asa sa kanyang puso, nagpatuloy sa kanyang paglakad. Nang
malapit na sa mga nakakatakot na mga taong iyon ay nag-kunwaring walang
paki-alam, tumingin sa iba’t ibang lugar ako na nagkukunwaring hindi nakikita ang kanyang inahing manok na sumisiyap
sa paghingi ng saklolo sa kanya. Bahagya pa lamang nakararaan sa
kanyang tabi ang mga sundalo ay nagtangkang tumakbo, ngunit siya ay nagpigil.
Hindi pa siya nakalalayo nang kanyang madinig na siya ay painsultong
tinatawag. Nangilabot siya ngunit nagwalang-bahala at nagpatuloy sa
paglakad. Muli siyang tinawagan, ngunit may kasabay nang isang sigaw
at isang pagmumura.[9]
Lumingon siyang namumutla at nanginginig. Siya ay kinawayan ng isang
sibil. Biglang lumapit si Sisa, na nakakaramdam ng pang-uumid ng dila at sa takot ay nanunuyo ang kanyang lalamunan.
“Magsabi
ka sa amin ng totoo, at kung hindi ay itatali ka namin sa punong iyon at
bibigyan ka namin ng dalawang putok!”[10]
ang sabi ng isa na ang boses ay
nagbabala.
Tumanaw
ang babae sa kinaroroonan ng puno.
“Ikaw ba
ang ina ng mga magnanakaw, ha?” ang tanong ng isa.
“Ina ng
mga magnanakaw!” ang sabing pabigla ni Sisa.
“Nasaan
ang salaping iniuwi sa iyo kagabi ng iyong mga anak?”
“Ah, ang salapi…”
“Huwag
mong ipagkaila, sasamain ka pang lalo!” dagdag ng isa. “Naparito kami
upang arestuhin ang iyong mga anak at ang pinakamalaki ay nakatakas sa amin;
saan mo itinago ang maliit?”
Nang
madinig na nakatakas ang anak, si Sisa ay nakahinga ng maluwag. “Ginoo!” ang
sagot, “mahabang araw nang hindi ko nakikita si Crispin; akala ko ay aking
makikita ngayong umaga sa kumbento nguni’t doon ay walang nasabi sa akin
kundi…”
Ang
dalawang sundalo’y nagtinginan nang may kahulugan. “Siya,” ang bulalas ng
isa sa kanila, “ibigay mo sa amin
ang salapi at pababayaan ka namin.”[11]
“Ginoo!”
ang pakiusap ng kaawa-awang babae, “ang aking mga anak ay hindi magnanakaw
kahit sila nagugutom: handa kaming magtiiis ng gutom. Walang inuwi
ni isang kuwalta sa akin si Basilio; halughugin ninyo ang buong bahay at kapag
nakakuha kayo ng sikapat (kalahating pera) man lamang ay gawin na ninyo sa amin
ang inyong gusto. Kaming mahihirap ay hindi magnanakaw na lahat!”
“Kung
gayon,” ang madalang na sabi ng sundalo na nakatingin sa mata ni Sisa, “ay
sumama ka sa amin; bahala nang lumitaw ang iyong mga anak at isauli ang
salaping ninakaw. Sumama ka sa amin!”[12]
“Ako?
Sasama sa inyo?” ang bulong ng babae na napaurong at gulat na nakatingin sa
kasuotan ng mga sundalo.
“At bakit
hindi?”
“Ah!
Maawa kayo sa akin!” pakiusap na halos paluhod. Ako ay labis na
mahirap, wala akong ginto ni hiyas na maibibigay sa inyo,[13]
ang tangi kong pag-aari ay inyo nang kinuha, ang inahing ipagbibili ko
“Lakad,
sasama ka, at pag hindi ka sumama ay tatalian ka namin.”
Si Sisa’y
humagulgol ng iyak. Ang mga taong iyon ay hindi man lamang nahabag.
“Bayaan na lamang ninyo akong mauna nang kaunti kaysa inyo!” ang pakiusap nang
maramdamang siya ay walang pakundangang sinunggaban at itinutulak.
Ang
dalawang sundalo ay naawa at mahinang nag-usap. “Siya,” sabi ng isa, “mula rito
hanggang sa sa bayan ay maari kang tumakbo, kaya pumagitna ka sa amin.
Pag nasa bayan na ay maaari kang magpauna nang mga dalawampung hakbang, ngunit
ikaw ang bahala! Huwag kang papasok sa alinmang tindahan, ni huwag kang
hihinto. Lakad, at matulin!”
Walang
nangyari sa mga pamanhik, mga pangangatwiran, mga pangako. Ang sabi ng
mga sundalo ay labis na ang pagbibigay sa kanya at sila ay nalalagay nang lubha
sa panganib.
Nang siya
ay mapagitna sa dalawa ay halos mamatay sa kahihiyan. Wala ngang
naglalakad sa daan, nguni’t ang hangin at ang liwanag ng araw? Ang tunay
na kahinhinan ay nakamamalas ng tumitingin sa lahat ng dako. Tinakpan ng panyo
ang kanyang mukha at lumakad nang hindi tinitingnan ang nilalakaran at tahimik
na lumuluha sa kanyang pagkaaba. Kilala niya ang kanyang kahirapan, batid
niyang pinababayaan siya ng lahat, pati
na nang kanyang asawa, ngunit hanggang sa mga sandaling iyon ay
ipinapalagay niyang siya ay may taglay na karangalan na dapat na lingapin:
hanggang sa mga sandaling yaon ay kinakaawaan niya ang mga babaing masasagwa
ang bihis at tinatawag ng mga taong mga kerida ng sundalo. Sa ngayon, sa
akala niya ay parang bumaba pa ang kalagayan niya kaysa mga babaing nasabi.[14]
Nadinig niya
ang yabag ng mga kabayo; iyon ay mga nagdadala ng isda sa mga bayan-bayang nasa
loob. Naglalakbay sila na magkakasabay ang mga lalake at babae, na
nakasakay sa di mabuting kabayo, sa pagitan ng dalawang batulang na nakasabit
sa mga tagiliran ng hayop. Ilan sa kanila, sa pagdaan sa harap ng kanyang
kubo ay nakiinom sa kanya at siya ay binibigyan ng ilang isda. Ngayon, sa
pagdaraan sa kanyang tabi na parang sa palagay niya, siya ang sinasagasa at
niyuyurakan at ang mga tinging paawa o pawalang-bahala ay lumulusot sa kanyang
panyo at pumapako sa kanyang mukha. Nakaraan din ang mga naglalakbay at si Sisa
ay nagbuntung-hininga. Inilayo sandali ang panyo upang tingnan kung
sila’y malayo na sa bayan. Ilang poste pa ng telegrapo ang nalalabi
bago niya marating ang bantayan.[15]
Sa pagkakataong iyon ang layo sa pagitan ng mga posteng iyon ay naging
napakahabang lakarin.
[1] Paglalarawan sa
kalooban at pananaw ng taong naguguluhan ng isipan at nawawalan ng pag-asa.
Mapapansin sa bahaging ito na ang kakayahan ni Rizal sa mahusay na paglalarawan
ng emosyon ng isang tao ay katulad ng kakayahan ng isang propesyonal na
sikolohista.
[2] Gagawin ng isang ina
ang lahat ng bagay para sa kaligtasan ng kaniyang anak, nagagawa ang mga bagay
na hindi niya akalain na kaya niyang magawa.
[3] Sa bahaging ito ng
kuwento ay naniniwala pa si Sisa na buhay pa si Crispin at nakatakas lamang sa
kumbento.
[4] capacete – kasuotan sa ulo ng guwardia sibil.
[5] Ibig sabihin
may ninanakaw ang mga guwardiya sibil sa halamanan ni Sisa.
[6] Ang mga guwardiya
sibil ay hindi lalaki – tunay na lalaki ay dumidinig ng pakiusap at lumalamig
ang galit sa harap ng luha.
[7] Kaya iniwan ang mga capacete sa bakod ay abala sila sa
pag-aresto sa mailap na manok.
[8] Mabilis na ulap sa Pilipinas
- ang tagak ay mabilis ang lipad at puti ang kulay na katulad ng ulap.
[9] Ipinapakita lamang ni
Rizal ang pag-uugali ng mga guawardiya sibil – makikita dito na hindi na
nila kailangang pang turuan ng Mabuting Pag-uugali at Wastong Pamamaraan – dahil
sa masasayang lamang.
[10]
[11] Ang mga guardia sibil
na ito ang ninuno ng ilang mga tiwaling miyembro ng ating kasalukuyang kapulisan
– pababayaan nila si Sisa basta mapunta sa kanila ang pera inaakala nilang
ninakaw.
[12] Pagpapakita ng
paglabag ng karapatang pantao sa Pilipinas sa kapanahunang iyon. Sa mga bansang
Europeo at maging sa mga kolonya nito ay hindi dinadakip ang magulang dahilan
sa akusasyon laban sa kaniyang anak. Ipinakikita dito ni Rizal ang kalagayan sa
Pilipinas ay kontra sa noon ay nagsisimulang maging pandaigdig na prinsipiyo ng
katarungan na ang napagbibintangan ay hindi ituturing na may kasalanan hanggang
hindi napapatunayan ng hukuman – sa kaso ng magkapatid na Basilio at Crispin ay
ipinapakita dito ang pagbibintang ay halos parang isang kahatulan na.
[13] Kung si Sisa ay mayroong
salapi ay maaring niyang aregluhin ang bintang sa kaniyang mga anak.
Pagpapakita ni Rizal na ang mga guardia sibil sa kaniyang kapanahunan ay
maaring tapalan ng salapi.
[14] Nagawang
mailarawan ni Rizal ang kahihiyan na inabot ni Sisa sa paglalakad tungo sa
kabayanan na may kasabay na sundalo sa dahilang ang kaniyang sariling ina ay
dumanas nang ganitong nakakahiyang pangyayari – isa ring kabalintunaan na Sisa
ay mayroong dalawang anak na lalaki na katulad ni Dna. Teodora.
[15] Poste ng telegrapo – sa mga bayan-bayan sa Pilipinas noong
panahon ng Espanya ay mayroon ng mga poste na nasa tabi ng mga pangunahing
bayan na hindi para sa koryente kundi para sa kawad ng telegrama. Katunayan
nito ay ang bayaw ni Rizal na si Silvestre Ubaldo (asawa ni Olympia Rizal) ay
nagtrabaho bilang operator ng
telegrapo. Makikita na sa kapanahunan ni Rizal na hindi naman nahuli ang
Pilipinas sa larangan ng telekomunikasyon.