KABANATA 24        SA KAGUBATAN

 

 

            

Maagang  tinapos ni Padre Salvi ang kanyang misa at ilang sandali lamang ang ginamit niya sa paglilinis ng isang dosenang maruruming kaluluwa, bagay na hindi niya ugali. Waring sa pagkabasa ng ilang sulat na dumating, na mabuti ang pagkakalagay ng selyo at alakre,[1] ay nawalan ng ganang kumain ang kura, dahil sa pinabayaang lumamig na ganap ang kaniyang sikulate.

           

“Ang pari ay may sakit,” sabi ng tagaluto samantalang naghahanda ng panibagong ng tasa, “ilang araw nang hindi kumakain; sa anim na pinggang ulam na aking inilalagay sa lamesa ay dalawa ang hindi niya kinibo:[2]`

           

“Maaaring hindi makatulog na mabuti!” sagot ng alila sa kusinero, “binabangungot na madalas sapul nang mag-iba ng silid na tulugan. [3]  Ang kanyang mga mata ay unti-unting nanlalalim, namamayat sa araw-araw at naninilaw na lubha.”

           

Siya nga naman, nakaaawa si Padre Salvi kung makikita.  Ni hindi rin ginagalaw ang pangalawang tasang sikulate, ni hindi tinikman ang mga tinapay na galing sa Cebu; nagpapalakad-lakad na nag-iisip sa maluwang na salas, na nilulukot ng kamay niyang kulubot ang ilang sulat na sandali lamang binabasa.  Sa kahuli-hulihan ay ipinahanda ang kanyang sasakyan, nag-ayos at ipinag-utos na siya’y ihatid sa kagubatang kinaroroonan ng nakapangingilabot na puno ng baliti, sa lugar na malapit sa pinagdarausan ng kasayahang pambukid. Nang dumating sa pook na iyon ay pinaalis ni Padre Salvi ang sasakyan at nag-isang pumasok sa kagubatan.[4]

           

§Isang mapanglaw na landas ang bahagya nang madaanan sa gitna ng mga dawag at patungo sa isang batis na dinadaluyan ng mainit na bukal, na tulad ng maraming batis na nasa paanan ng Makiling.  Nakapalamuti sa mga pampang ang maraming bulaklak-parang, na ang marami sa kanila ay hindi pa nagkakaroon ng pangalan sa wikang Latin, datapwat kilala na sila ng mga insektong kulay-ginintuan, ng mga paruparong sarisari ang laki at kulay-bughaw at ginto, puti at itim, batik-batik, makikintab, abuhin, na may dalang mga rubi at esmeralda sa kanilang mga pakpak, at ng libu-libong mga salagintong ang katawan ay parang sinabugan ng ginto.  Ang haging ng mumunting hayop na ito, ang huni na mga kuliglig na nag-iingay sa gabi at araw, ang awit ng ibon, o ang walang ugong na kalabog ng bulok na sangang nahuhulog at sumasabit sa lahat ng dako ang tanging nakabubulahaw sa katahimikan ng mahiwagang pook na iyon.[5]

           

Matagal-tagal din siyang nagpalakad-lakad sa pagitan ng masisinsing dawag,[6] na iniiwasan ang mga tinik na pumipigil sa kanyang abitong ginggon, na parang ibig na siya ay pahintuin, ang mga ugat na nakalabas sa lupa na laging nagpapatalisod sa kanyang paang di-sanay na maglakad.[7]  Bigla siyang huminto:  masasayang halakhakan at mga sariwang tinig ang kanyang narinig at ang tinig at halakhakang iyon ay nanggagaling sa batisan at unti-unting lumapit.

           

Titingnan ko kung ako ay makakakita ng isang pugad,” ang sabi ng isang maganda at matamis na tinig na kilala ng kura, “ibig ko siyang makita nang hindi niya ako nakikita, masundan ko siya saanman pumaroon.[8]

           

Si Padre Salvi ay nagtago sa likod ng isang malaking puno at nakinig.

           

“Kung gayon ay ibig mong gawin sa kanya ang ginagawa sa iyo ng kura, na palagi kang minamatyagan saan ka man pumaroon,” ang sagot ng isang masayang boses, “kaiingat ka ang selos ay nakapag-papapayat at nagpapalalim ng mata!” [9]

           

Hindi naman dahil sa ako ay nagseselos, kundi ibig ko lamang siyang palaging makita!”[10] putol ng mataginting na boses, samantalang inuulit ng tinig na masaya ang:  ‘iyon nga, selos, selos!’ –  at humalakhak.

           

Kung ako ay nagseselos ay siya ang iibigin kong huwag makita ng kahit sino at hindi ako, upang sa gayon ay walang makakita sa kanya.”[11]

           

“Pero kahit ikaw ay hindi mo rin siya makikita, na hindi dapat mangyari.  Ang mabuti, sakaling matagpuan natin ang pugad ay ibigay natin sa kura, upang maari kang bantayan niya nang hindi kailangang  siya ay makita natin, ano?[12]

           

“Hindi ako naniniwala sa pugad ng mga tagak,” ang sagot ng isa pang boses, “subalit kung ako ay magseselos ay bahala na akong manubok nang hindi ako makikita…”[13]

           

“At paano, at paano?  Kagaya ba ni Sor Escucha?”[14]

           

Naghatid ng halakhakan ang pagkaalaalang ito sa kapanahunan ng pagka-kolehiyala. “Alam mo na kung papaano dayain si Sor Escucha!”[15]

           

Mula sa kaniyang pinagtataguan ay nakita ni Padre Salvi si Maria Clara, si Victoria at si Sinang na naglalakad-lakad sa ilog.  Silang tatlo ay lumalakad na lahat ay nakatingin sa tubig at hinahanap ang makababalaghang pugad ng tagak:  Ang tapis ng kanilang sayang pampaligo ang mga kaakit-akit na pagkakahugis ng kanilang mga hita sa kanilang suot.  Lugay ang kanilang mga buhok at lilis ang mga manggas at ang nakatatakip sa kanilang dibdib ay mga barong may malalapad na guhit at masasaya ang kulay.  Samantalang naghahanap ng bagay na imposible ang tatlong dalaga ay nagsisipamulot ng mga bulaklak at mga gulay na tumutubo sa mga pampang.

           

Minamasdang mulat na mulat at walang tinag ng paring Acteon[16] ang mahinhing Diyanang iyon; ang kanyang mga mata ay kumikinang sa maiitim na bilog na hindi nagsasawang tumingin sa mapuputi at mabibilog na bisig na iyon, sa magandang leeg na kasama ang bungad ng dibdib; ang mga maliliit at mamula-mulang paa ay nagbibigay sa kanyang abang katawan ng mga di-kilalang damdamin at nakapagbibigay-pangarap sa kanyang kumukulong utak ng mga bagong imahinasyon.[17]

           

Sa likod ng isang liko ng ilog na puno ng makapal na kawayanan ay nawala ang mga maririkit na katawang iyon at hindi na naririnig ang kanilang mahahapding banggit.  Lito, pasura-sury at pawisan na umalis si Padre Salvi sa kanyang pinagtataguan at tumatana-tanaw, na ang mata ay paikot-ikot, sa kanyang paligid.[18]  Huminto, nag-alinlangan; humakbang ng ilang hakbang na parang nais pang sundan ang mga dalaga,[19] subalit bumalik at dumaan sa mga tabi ng ilog at hinanap ang kinaroronan ng karamihan.



[1] Alakre – wax seal na upang tiyakin na ang sulat ay hindi nabuksan ng iba.

[2] Sa anim na pinggang inihain, dalawa ang hindi kinibo – sa lagay na iyon wala pang gana at may sakit si Padre Salvi.

[3] Bakit binabangungot si Padre Salvi at hindi na natutulog sa dati niyang silid buhat ng gabing mawala si Crispin? Ito ay dahilan sa binabagabag siya ng kaniyang konsensiya.

[4] Bakit, hindi nagpahatid hanggang sa gubat at gusto pa na mag-isa na lamang si Padre Salvi?

§ paglalarawan sa mga makikita sa  damuhan at interaksiyon ng mga kulisap na namamahay doon

[5] Inilagay ni Rizal ang bahaging ito upang akitin ang interes ng mga banyagang siyentipiko ng mundo sa mga bagay na maari nilang makita sa Pilipinas. Akitin silang pumunta dito, magsagawa ng pag-aaral sa layunin niyang makapasok sa bansa diwa ng adbanseng siyensiya. Ang katotohanan ng pagsusuring ito ay ang ginawang pagpupunaygi ni Rizal na itayo sa Europa ang isang samahan ng mga siyentipiko na mag-aral ukol sa Pilipinas.

[6] Mapapansin na si Padre Salvi ay nagpunta sa batisan sa pamamagitan ng landas na hindi sa malimit na daanan, kundi bihirang daanan ng mga tao – mayroong siyang pananais na makarating sa batisan sa palihim na paraan.

[7] Makikita na pati ang kalikasan ay humahadlang sa kaniyang nais na puntahan o gawin.

[8] Nais ni Maria Clara na magkaroon ng pugad ng tagak para magkaroon ng kapangyarihan na makita niya si Ibarra ng hindi naman siya nakikita nito?

[9] Nahahalata ng mga kasamahang dalaga ni Maria Clara na nagseselos si Padre Salvi dahilan sa pangangayayat at paglalim ng mata ng pari. – sa mga seloso at selosa, binabalaan kayo ni Rizal sa health risk nang pagiging isa.

[10] Napaka-pilya nitong si Maria Clara – kaya niya gustong makita palagi si Ibarra ay hindi dahilan sa nagseselos, kundi gustong gusto lang niyang makita – na hindi siya nakikita. – kapag ang isang tao ay hindi mo naman pinagseselosan, pero gusto mong makita ng hindi ka nakikita –Hindi ba iyon ay isang anyo ng panunubok.

[11] Kung ganoon hindi talagang selos, ang dahilan ni Maria Clara – talagang pilya lang siya.

[12] Parunggit ng mga dalaga laban kay Padre Salvi,  hindi nila alam na pinapanood sila habang nasa batisan.

[13] Isang hindi sinasadyang pasaring kay Padre Salvi – na noon ay nagkataong nanunubok sa mga dalaga.

[14] Madreng ang gawain ay manubok o makinig sa usapan ng mga babaeng mag-aaral sa kolehiyo.

[15] Pagpapadama ni Rizal na ang mga madreng tagasubaybay ay nagagawaan ng mga kolehiyala ng pamamaraan upang maligtasan ang mahigpit na panunubok.

[16] Acteon – sa mitolohiyang Griyego ay isang pari na naninilip habang naliligo ang diyosang si Diana – at ang kaparusahan ay ginawang isang usa.

[17] Nagkakaroon ng makamundong damdamin si Padre Salvi habang nanunubok kay Maria Clara.

[18] Bakit ganoon ang ayos ni Padre Salvi noong siya ay lumabas ng kaniyang pinagtataguan. Siguro halos mamatay sa katatawa si Rizal habang iniisip niya ang hitsura ni Padre Salvi habang sinusulat niya ang bahaging ito ng nobela.

[19] Gusto pa ni Padre Salvi na maka-isa pa… gusto pang sundan ang mga dalaga.