Ngayon ay
ikasampu ng Nobyembre, bispiras ng pista. Bumangon ang bayan mula sa kanyang
karaniwang ayos, at napaloob ito sa isang mabilis na kilusan na walang katulad; sa bahay, sa daan, sa
simbahan, sa sabungan at sa bukid: ang mga bintana ay puno ng banderitas
at mga kurtinang may sari-saring; sa lahat ng dako ay maririnig ang putukan at
musika; ang simoy ay napuno ng kasayahan.[1] Sa
ibabaw ng maliit na lamesa na nalalatagan nang maputing panapin na binurdahan,
iniaayos ng mga dalaga sa mga lalagyang kristal ang iba’t ibang minatamis na
gawa mula sa mga katutubong prutas. Sa bakuran ay sumisiyap ang mga
tandang, kumakakak ang mga inahin, umuungol ang mga baboy, na puno ng takot
dahil sa kasayahan ng tao.[2]
Akyat-panaog ang mga alila na may dalang mga kasangkapan, mga kubyertos na
pilak: sa dako rito ay may kinagagalitan dahil sa pagkabasag ng isang
pinggan, sa dako roon ay pinagtatawanan ang isang tangang babaing
tagabukid: sa lahat ng dako ay may nag-uutos, may usap-usapan,
nagsisigawan, nagpapapalitan ng palagay dahil sa nangyayari, ang bawat isa ay
nag-uutos sa paggawa, at ang lahat ay kaguluhan, ugong at kaingayan. At
ang lahat ng pagsusumakit na ito at ang lahat ng pagpapagod ay dahil sa dadalong
kakilala o di kakilala; at upang libangin ang sinumang taong marahil ay hindi
pa nakikita kundi noon lamang, ni hindi na naman makikitang muli pagkatapos,
upang ang dalo, ang taga-ibang lupa, ang kaibigan, ang kaaway, ang Pilipino,
ang Kastila, ang mahirap, ang mayaman, ay umalis na taglay ang kasiyahang-loob
at kabusugan: hindi man lamang sila hinihingan ng utang na loob, ni hindi
inaasahan silang hindi gagawan ng masama sa mapagpatuloy na mag-aanak
samantalang natutunaw sa tiyan ang kinain o matapos ang gayon! Ang mga
mayayaman, ang mga nakapagtungong minsan man lamang sa Maynila at nakakita nang
higit kaysa iba, ay nangagsibili ng serbesa, champagne, mga alak at mga
pagkaing galing sa Europa, mga bagay na bahagya na nilang matitikman o maiinom
ang isang lagok.[3]
Ang kanilang mga dulang ng pagkain ay magara ang pagkakahanda.[4]
Sa gitna
ay may waring pinya, na mabuti ang pagkakahuwad, na kinapapakuan ng mga
panghinuki, na tinabas nang lubhang mainam ng mga presidiaryo sa mga sandaling
ipinagpapahinga. May anyong pamaypay, may anyong tungkos ng bulaklak,
isang ibon, isang bulaklak, isang palaspas o mga tanikala na pawang gawa sa
isang putol na kahoy: ang gumawa ay isang naparusahan, ang kasangkapan ay
isang masamang kampit at ang nag-udyok sa paggawa ay ang tinig ng bastonero.[5]
Sa tabi ng pinyang ito, na tinatawag na palillera, ay nangakatumpok sa
mga lalagyang kristal ang matataas na bunton ng suha, lansones, atis, tsiko,
at mangga, kahit na buwan ng Nobyembre.[6]
Pagkatapos, sa malalapad na pinggan sa ibabaw ng mga papel na may mga ukit at
may pintang maiinam na kulay, ay may mga hamon na galing sa Europa, sa Tsina,
isang malaking pastel na ayos-Agnus Dei o kalapati marahil, ay
ang Espiritu Santo, mga relyenong pabo, atbp., at kasaliw ng mga tinuran ang
pang-alis-suyang mga botelya ng atsara, na may sari-saring ayos, na bulaklak ng
bunga at iba pang gulay at bungangkahoy, na mainam ang pagkakaputul-putol at
nadidikit sa mga tagiliran ng garapon sa pamamagitan ng arnibal.
Nililinis ang mga globong kristal na nagkasalin-salin sa mga magkakaanak;[7]
pinakikintab ang mga kagamitang tanso; inaalisan ng takip ang mga lamparang
gas, na nakabalot sa cavass na pula
na pinagtataguan sa buong santaon, sa langaw at lamok, na nakasisira sa kanila;
ang mga almendras at palawit na kristal na may tapyas ay naggagalawan,
mataginting na nag-uumpugan, umaawit, na parang nakikisabay sa kapistahan,
nasasayahan at nagbibigay ng liwanag sa
pagtatapon sa mga dingding ng sari-saring kulay ng bahaghari. Ang mga bata
ay naglalaro, nagsasaya, hinahabol ang mga kulay, natatalisod, nakababasag ng
mga tubo, ngunit ang bagay na ito ay hindi nakapipigil sa kasayahan ng
pista: kung sa ibang araw lamang nangyari iyon ay iba sanang bagay ang
ibabayad na luha ng kanilang mabibilog na mata.[8]
Kagaya ng
mga iginagalang na mga lamparang iyon, ay nailalabas din sa tataguan ang mga
gawain ng mga dalaga: mga takip na gawa sa gantsilyo, mga maliliit na
alpombra, mga bulaklak na papel;[9]
lumalabas ang lumang bandehang kristal na ang ilalim ay may nakapintang isang
munting lawa na may maliliit na isda, buwaya, kabibe, lumot, at talampas na
bubog na may mariringal na kulay. Ang bandehadong ito ay pinupuno ng
tabako, sigarilyo at maliliit na hitso na pinilipit ng mga makikinis na kamay
ng mga binibini. Ang sahig ng bahay ay makintab na parang salamin; mga
kurtinang pinya o husi sa mga pintuan; sa mga bintana ay nakasabit ang mga
parol na salamin o papel na kulay-rosas, bughaw, luntian at saga: ang
bahay ay puno ng bulaklak at mga pasong nalalagay sa mga pedestal na
galing sa Tsina;[10]
pati na ang mga santo ay hinihiyasan, ang mga larawan at mga reliquia ay
nag- -aanyong pista, inaalisan sila ng alikabok, nililinis ang mga salamin, at
nilalagyan ng bulaklak ang kanilang mga sisidlan.[11]
Sa mga lansangan, may mumunting patlang na may mga nakatayong maiinam na arkong
kawayan na iba’t iba ang pagkakagawa, na nalilibiran ng kaluskos, na sa
pagkakita sa kanila ay nagpapasaya sa puso ng mga bata. Sa paligid ng patio
ng simbahan naroroon ang malaki at mamahaling tolda, na ang tukod ay
mga kawayan, upang madaanan ng prusisyon. Sa ilalim ng toldang ito ay
naglalaro ang mga bata, nagtatakbuhan, nag-aakyatan sa kawayan, naglulundagan
at napupunit ang mga bagong baro na dapat sanang isuot sa araw ng pista.[12]
Sa liwasan itinayo ang ang tanghalang kawayan, pawid at kahoy: doon
magtatanghal ng kahanga-hanga ang kompanya ng Tundo[13]
at makikipag-agawan sa mga diyos sa
kababalaghang walang katotohanan;[14]
doon aawit at magsasayaw sina Marianito, Chananay, Balbino, Ratia, Carvajal,
Yeyeng, Liceria, atbp.[15]
Ang mga Pilipino ay mahilig sa mga dulaan at malugod na nanonood ng mga dula:[16]
tahimik na nakikig sa mga awit, humahanga sa sayaw at kilos, hindi sumisipol,
ngunit hindi rin naman pumapalakpak. Kung hindi maibigan ang palabas ay
nginunguya ang kanyang hitso o kaya ay umaalis nang hindi nakabubulahaw sa
ibang marahil ay nagigiliw sa palabas. Maminsan-minsan lamang umuungol
ang mga dukhang taong-bayan, kung hinahagkan o niyayakap ng mga artistang
lalaki ang mga artistang babae,[17]
ngunit hindi na humiigit sa gayon. Dati ang mga drama lamang ang
itinatanghal; ang makata sa bayan ay gumagawa ng isang dula na may labanan sa
bawa’t sandali,[18]
isang magpapatawa at mga kababalaghang kasindak-sindak. [19]
Nguni’t sapul nang ang mga artista sa Tundo ay nangaglalaban sa bawa’t
labinlimang segundo, nagkaroon ng dalawang tagapagpatawa at nagpapamalas ng
salamangka na lalo pang di-mapaniniwalaan, ay nakamatay sa mga kahanap-buhay
nilang tagalalawigan. Ang kapitan sa bayan ay malulugdin sa gayon, at ang
napili, matapos magkasundo sila ng kura,[20]
ay ang komedyang “Ang Principe Villardo
o Ang
mga Pakong Binunot sa Karumal-dumal na Yungib,” dulang may
mahika at paputok.[21]
Makaraan
ang bawat sandali ay masayang nirerepike ang mga kampana, iyon ding mga
§ Sa kabanatang ito nailarawan ang hindi karaniwang sigla
ng isang bayan sa panahon ng kapistahan. Ang sinumang mambabasa dahilan sa
mahusay na detalye sa paglalarawan ni Rizal ay parang naandoon siya sa nasabing
kapistahan.
[1] Sa kapanahunan ng
kapistahan ay nagiging mabilis ang aktibidad ng mga tao kahit na sa isang
liblib na bayan. Ang bayan na sinasabihang tamad sa loob ng isang linggong
pagdiriwang ay dadayuhin ng mga tao at bibilis ang pagkilos ng mga tao at ang
pag-kot ng gulong ng komersiyo.
[2] Ipinapakita na ang
kasiyahan ng mga tao ay nakapangingilabot sa mga hayop.
[3] Sa panahon ng
kapistahan ay handang iapakin at ipatikim ng mga Pilipino sa kanilang mga
bisista ang mga pagakin at inumin na bihira o hindi man lamang nila natitikman,
sa araw-araw na buhay..
[4] Hindi lamang ang
kasayahan, maging ang kasaganaan ng pagkaing idinudulot ng mga tao sa
kapistahan.
[5] Maging ang mga
bilanggo ay mayroong angking pagka-malikhain at kahusayan sa sining. Mga
kasanayan, na maaring natutuklasan at nagagawa lamang ng mga bilanggo sa
panahon na sila ay nasa kulungan at hindi nila nasisiyasat na taglay noong sila
ay malaya pa o abala sa mga aktibidad na labag sa umiiral na batas.
[6] Pagpapakita ni Rizal
ng kakayahan ng mga Pilipino na makapagbunga ng mga prutas kahit wala sa
panahon. Ang kamahalan ng mga prutas sa buwan ng Nobyembre na idinidikta ng
malaking kahilingan (demand), ang susi sa pagtuklas ng mga Pilipino ng mga
pamamaraan para magawa ang mga mahihirap na bagay.
[7] Isa sa ipinapamana
ang globong kristal – ipinapakita ang kamahalan at kahalagahan ng kasangkapang
ito.
[8] Nagiging mapagbigay
at mapagpasensiya ng mga tao sa panahon ng kapistahan.
[9] Paglalarawan sa kahusayan
ng mga kababaihan sa gawaing kamay at ang kapistahan ay isang panahon na
kanilang naipapakita sa maraming tao ang kanilang mga husay sa mga sining na
ginagamitan ng kamay.
[10] Ang kalinisan ng
bahay ay pinag-iibayo sa araw ng kapistahan. Mapapansin na noon pa man, ang mga
palayok na gawa sa Tsina ay isa na sa mga paboritong gamit ng mga Pilipino sa
kanilang mga bahay.
[11] Makikita na
pana-panahon lamang ang debosyon ng mga Pilipino sa rebulto ng kanilang mga santo/santa
– hinahayaan nila ito sa isang lugar na inaalikabok sa loob ng isang taon at
inilalabas lamang sa panahon ng kapistahan. Isang anyo ng debosyon na pakitang
tao lamang.
[12] Ipinapakita ni Rizal
ang pagiging masayahin at likas na kalikutan ng mga batang Pilipino.
[13] Ang Tondo ay
nagsisilbing lugar ng mga mahuhusay na artista sa tanghalan. Maging si Andres
Bonifacio ay naging artista sa entablado, noong panahon ng kaniyang kabataan. Sino ang magsasabi na ang mga artistang
pulitiko ay ngayon lang – si Bonifacio ang una sa kanila.
[14] Ang isa sa mga orihinal na layunin ng pagtatanghal ay sa entablado ay
isang pang-aliw na itinatakas ang isipan
ng mga tao sa malagim na realidad ng buhay at ng kanilang lipunan, kaagaw ng mga diyos
tinutukoy ang mga pamahiin at kuwento
ukol sa mga himala ng santo at santa ng simbahan ay kakalabanin ng mga
kababalaghan sa aksiyon at drama na itatanghal sa entablado.
[15] Tinutukoy ni Rizal
dito ay ang mga sikat na artista sa entablado noong kaniyang kapanahunan.
Dahilan sa wala pa ang cinema, ang
mga artista ay dumadayo upang magtanghal sa iba’t ibang lugar na mayroong
kapistahan. Mga kilalang artista sa
tanghalan sa kapanahunang iyon. Ito ang isinasaad ng Glosaryo:
Si Ratia ay artistang Pilipino na
sumali sa maraming pagtatanghal ng sarsuwela sa Maynila at nakapagtanghal din
sa teatro Felipe sa Espanya noong taong 1877-1878.
Si Jose Carvajal ay isang mestisong
Espanyol na napabantog bilang komedyante.
Si Yeyeng na ang buong pangalan ay
Praxedes Fernandez ay isang artistang lalong bantog at kinalugdan ng madla,
maging ng mga Pilipino at mga Espanyol. Tinuruan siya ng isang artistang
babaeng Espanyola na nagngangalang Elisea Raguer nang ang huli ay dumating sa
Maynila noong 1880. Nagsimula si Yeyeng ng pag-aartista sa edad na labing-anim.
Siya ay artistang matalino, kaakit-akit kumilos, maganda ang tindig, at magaang
ang katawan sa tanghalan sa tuwing lalabas ay nakakabighani sa lahat.
Si Chananay ay pangalang pandulaan ng
isang babaing Pilipina na ang tunay na pangalan ay Valeriana Mauricio. Siya ay
maganda, kalugod-lugod, ang mukha ay kayumanggi at lubhang kinawiwilihan ng
bayan ang kaniyang pagtatanghal.
[16] Isang likas na
kaugalian ng mga Pilipino ang ipinapakita dito ni Rizal. Ang tanghalan ay
paboritong libangan at aliwan. Ang popularidad ng kahiligan ng mga Pilipino sa
tanghalan ay nanatili sa ibang medium at
makikita sa pagsubaybay natin sa panonood ng pagkahahabang telenovela.
[17] Ang paghalik at
yapusan ng mga artista sa pagtatanghal ay hindi isang bagong bagay sa
tanghalang Pilipino.
[18] Labis ang pagkahilig
ng mga Pilipino sa palabas na mayroong aksiyon, na atin ding minana sa
kasalukuyang panahon.
[19] Katatawanan at mahika
ay kinahihiligan ng mga Pilipino sa kapanahunan ni Rizal. Ang kahiligan kaya ng
mga Pilipino sa katatawanan at mahika ay isang hindi halatang paraan ng
panandalian nilang paglisan sa kanilang paniniwalang pang-relihiyon na
nakasentro sa milagro at pagpapakita ng pagiging seryoso.
[20] Isang hanay ng
pananalitang ipinahahalata ni Rizal na ang sensura ay nasa kamay ng mga prayle noon sa Pilipinas. Pinipili
ang mga pagtatanghal na walang anumang linya na laban sa simbahan
[21]. Pero bakit ganon ang pamagat? “Ang mga Pakong Binunot sa Karumal-dumal na Yungib” may
mahika pa (kailangan ng bilis ng kamay) at paputok. Talagang ito si Rizal, pamagat
lang ng dula pag-iisipin ka pa ng maaring iba pang kahulugan.