KABANATA 27        PAGTATAKIPSILIM

 

 

 

        Sa bahay man ni Kapitan Tiyago ay malaki rin ang ginawang paghahanda.  Kilala ang may-ari ng bahay sa pagiging pagkamarangya at sa kanyang pagmamalaki, dahil sa siya ay taga-Maynila ay dapat niyang mahigitan sa karingalan ang mga probinsiya.  At may isa pang sanhing pumipilit sa kanyang higitan ang iba; kasama niya ang kanyang anak na si Maria Clara, at naroroon ang kanyang mamanugangin na siyang paksa ng usapan ng lahat.

           

At tunay nga:  ang isa sa mga lalong iginagalang na pahayagan sa Maynila ay naglalathala ng isang patungkol sa kanya, sa unang mukha, na ang pamagat ay Huwaran ninyo siya! na pinag-ukulan siya ng  parangal at pinaglaanan ng ilang papuri. Pinanganlan siyang bihasang binata at mayamang mamumuhunan; sa ikatlong talata naman ay ang dakilang pilantropo; sa susunod na salaysay ay “ang nag-aaral kay Minerva na tumungo sa Inang-Bayan upang batiin ang tunay na lupain ng mga arte at ciencia,”[1] at sa ibaba pa nang kaunti angKastilang Pilipino,[2] atbp.  Si Kapitan Tiyago ay nagkaroon ng labis na mabuting hangad na makapantay doon at iniisip nang siya man ay dapat ding magtayo ng isang kumbento sa sarili niyang gastos.[3]

           

Bago sumapit ang kapistahan ay dumating sa bahay na tinitirhan ni Maria Clara at ni Tia Isabel ang maraming sisidlang puno ng makakain at mga alak-Europa, mga malalaking salamin, mga kuwadro at piyano ng dalaga.

           

Si Kapitan Tiyago ay dumating nang bispiras ng pista:  nang humalik sa kanya ng kamay ang kanyang anak ay hinandugan niya ng isang magandang agnos,[4] na may esmeralda at brilyante, na may lamang isang maliit na piraso ng bangka ni San Pedro, sa dakong inupan ng ating Panginoong Hesukristo noong sila ay nangingisda.[5]

           

Ang pakikipagkita sa magiging manugang ay lubhang nakakainggit; gaya nang maasahan ay napag-usapan ang paaralan.  Ang ibig ni Kapitan Tiyago ay panganlang paaralan ni San Francisco.[6]

           

“Maniwala kayo sa akin,” anya, “si San Francisco ay  mabuting pintakasi!  Kung panganganlan ninyong Instruccion Primaria ay wala kayong mahihita.  Sino ba si Instruccion Primaria?[7]

           

Nagdatingan ang ilang kaibigan ni Maria Clara at niyaya itong maglakad-lakad.

           

“Datapwat umuwi ka agad,” sabi ni Kapitan Tiyago sa kanyang anak nang ito ay humihingi ng pahintulot, “alam mong dito kakain ng hapunan sa atin mamaya si Padre Damaso na kararating pa lamang.”

           

At nilingon si Ibarra na nagbubulay-bulay at nagpatuloy:

           

Kayo man ay makisalo na sa amin; kayo’y mag-iisa sa inyong bahay.”

           

“Ibig ko nga sana, nguni’t dapat akong lumagi sa bahay dahil baka may dumating na panauhin,” ang sagot na pabulong ng binata na iniwasan ang tingin ni Maria Clara.

           

“Isama ninyo ang inyong mga kaibigan,” ang sagot na walang nakangani-ngani/hesitation ni Kapitan Tiyago, “sa bahay ko’y maraming pagkain kahit kailan… At saka ibig kong kayo ni Padre Damaso ay magkaunawaan…”

           

“May panahon pa sa bagay na iyan!” sagot na nakangiting pilit ni Ibarra at umayos na samahan ang mga dalaga.

           

Sila ay nagsipanaog.

           

Si Maria Clara ay nakapagitna kay Victoria at kay Iday, si Tia Isabel ay sumusunod.

           

Ang mga tao ay magalang na lumalayo upang sila ay makaraan.  Si Maria Clara ay kahanga-hanga sa ganda:  ang kanyang pamumutla ay nawala, at kahit ang kanyang paningin ay malamlam din, ang bibig naman niya ay parang walang alam kundi ang ngumiti.  Taglay ang pagkamasuyo ng isang mapalad na binibini ay binabati niya ang kanyang mga kakilala noong siya ay bata pa, na ngayon ay pawang humahanga sa kanyang maligayang pagdadalaga.  Wala pang labinlimang araw at nabalik ang dati niyang tapat na kapalagayang-loob, iyong pananalitang bata na waring natulog sa loob ng mga pader ng beateryo; masasabing nang maiwan ng paruparo ang supot ay nakilala na niya ang lahat ng bulaklak; naging sukat na ang lumipad nang kaunti at magpainit sa kulay-gintong sinag ng araw, upang maalis ang pamamanhid ng katawan sa loob ng kinasuputan.[8] Ang bagong buhay ay namamalas sa buong pagkatao ng  dalaga:  ang lahat ng bagay ay mabuti at mainam sa kanyang malas; inihahayag ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng malinis na anyo, na, sa dahilang wala siyang kilala kundi mga walang dungis na pag-aakala ay hindi nila alam kung ano at kailangan ang mga balatkayong pagkahiya. [9]  Gayunman, ay tinatakpan ng pamaypay ang kanyang mukha kapag siya ay sinasabihan ng masayang biro, nguni’t kung magkagayon ay ang kanyang paningin ang ngumingiti at isang pangingilabot ang lumalaganap sa kanyang katawan.

 



[1] Ang mga diyaryo sa Maynila ay ipinagyayabang ang Espanya. “tunay na tahanan ng ciencia at artes.” Sa kapanahunang iyon, ang Espanya ay nalalampasan na nang malaki ng mga bansa sa Kanluraning Europa sa mga nabanggit na larangan. Kaya nga si Rizal ay sa Pransiya at Alemanya kumuha ng espesyalisasyon sa optalmolohiya. Mapapansin dito ang isang patagong pag-insulto ni Rizal sa kayabangan ng mga Espanyol sa Pilipinas na ipinagyayabang ang huwad na kadakilaan ng Espanya.

[2] Ugali ng Espanyol noon sa bansa na maliitin ang mga creole dahilan sa sila kahit na mga dugong Espanyol ay hindi puro at ipinanganak sa Pilipinas. Subalit kapag ang creole ay napabantog ay inaangkin nila ito at pilit na ipinakikilala ang pagiging dugong Espanyol. Si Ibarra ay ikatlong henerasyon na lamang, ang kaniyang lolong si Pedro Eibramendia at ang kaniyang mga lola ay mga mestisong Tsino o katutubo at ang ina ni Ibarra ay mula sa lahi ng taal na taga-rito. (Ongoco)

[3] Makikita dito ang kayarian ng isipan ng isang Pilipinong panatiko sa relihiyon – ang kaniyang salapi ay handang gastusin sa simbahan. Samantalang si Ibarra sa kabila ng pagiging relihiyoso ay binigyan niya ng pansin ang panlupang pangangailangan ng kaniyang mga kababayan.

[4] Ang agnos na ito ni Maria Clara ay magkakaroon ng malayong mararating, ang katotohanan ito ay muling susulpot sa nobelang El Filibusterismo.

[5] Ang kuwento ng mga mag-aalahas na ang tinitindang alahas ay mayroong relikyang kahoy ng bangka ni San Pedro sa dakong inupuan ni Cristo – ito ay salestalk sa Pilipinas upang mabili agad ng higit na mahal ang kanilang inilalakong alahas. Inilantad ni Desiderius Eramus na isang humanist mula sa hilagang Europa na ang ganitong mga salestalk sa Europa noong Gitnang Panahong (marami sa mga nagbibili ay pari) at sa dami ng naipagbiling alahas na may nakalagay na kahoy ng bangka ni San Pedro ay naging biruan ng mga taong malalayang palaisip ay nagsabi na “kung pagsasama-samahin ang mga kahoy ng bangka ni San Pedro na nakalagay sa mga naipagbiling alahas ay sapat na para makagawa ng isang malaking barko.”

[6] Ang nais ni Kapitan  Tiyago na pangalan ng paaralan San Francisco (St. Francis) ay isang lihim at mahapding pagpapatawa ni Rizal. Maaring hindi nalalaman ng marami na isinulat ni Rizal sa kaniyang munting aklat na Ang Bisyon ni Fray Rodriguez  na si “San Francisco de Asisi ay isang hangal na santo. Maaring itanong ng mambabasa kung bakit. Tandaan na ang payo ni Cristo sa kaniyang mga alagad ay ipangaral ang salita sa mga tao, si San Francisco sa kaniyang kahangalan ay pinangaralan ang mga ibon at hayop.

[7] Ayaw ni Kapitan Tiyago ng Instruccion Primaria para maging pangalan ng paaralan, dahilan sa hindi naman santo at sino iyon?. Makikita dito ang katunggakan ni Kapitan  Tiyago hindi niya alam ang literal na kahulugan niyon. Makikita din dito na nilisan na ni Ibarra (ang iba hanggang ngayon ay hindi pa) na itulad ang kanilang paaralan sa pangalan ng mga santo. (Paumanhin sa mga paaralan na may pangalang San Francisco)

[8] Talagang dito natin maaring hangaan si Rizal – May kinalaman kaya sa pagbabago ni Maria Clara ang magandang paglalarawan ni Rizal sa Kabanata 22.

[9] Pagpapakita ng pagpuna ni Rizal sa paaralan na ekslusibo sa kababaihan.