(Ang bawa’t isa’y ibinabalita ang perya nang
alinsunod sa kanyang pagkakita).
Dahil sa wala namang naiibang bagay na naganap sa mga tao sa istoryang ito sa
gabi ng bisperas at sa sumunod na araw ay malugod na sana naming ikukuwento ang
ibang araw hanggang sa huling araw ng pista kung hindi lamang namin iniisip na
marahil ay may taga-ibang bansa na mambabasa na may pagnanais na malaman kung
papaano isinasagawa ng mga Pilipino ang kanilang mga kapistahan.[1]
Upang magawa ito ay sisipiin naming buung-buo ang ilang sulat na ang isa sa
kanila ay tagapagbalita ng isang bantog na pahayagan sa Maynila na iginagalang
dahil sa kanyang katayuan at pagiging seryoso. Bahala nang iwasto ng
aming mga mambabasa ang ilang maunti at sadyang kamalian.
Ang sulat
ng karapat-dapat na tagapagbalita ng kilalang pahayagan ay ito:
“Ginoong Namamahala…”
“Itinatangi
kong kaibigan: Hindi pa ako nakakakita, at hindi ko inaasahang makakita
sa mga lalawigan ng isang kapistahang sa pananampalataya na kasindakila,
kasing-husay at kaakit-akit na gaya ng idinaraos sa bayang ito na pinamumunuan
ng mga lubhang kagalang-galang at mababait na paring Pransiskano.”
“Ang taong
dumalo ay naparami: nagkapalad
akong mabati ang halos lahat ng mga Kastilang naninirahan sa lalawigan,[2]
ang tatlong kagalang-galang na paring Agustino, ang galing sa lalawigang
Batangas, ang dalawang kagalang-galang na paring Dominicano na ang isa sa
kanila ay ang kagalang-galang na si Pray Hernando de la Sibyla na ang pagdalo
ay nagbigay-dangal sa bayang ito, bagay na hindi dapat malimot ng mabubuting
tagarito. Nakita ko rin ang maraming bantog na ginoong taga-Cavite, Pampanga,
maraming mayamang taga-Maynila, at maraming banda ng musiko na kasama ang sa
Pagsajan, na pag-aari ng eskribano na si Ginoong Miguel Guevara. Lubhang
maraming mga Insik at mga Indio, ang una ay dahilan sa pagiging mausisa
at ang huli ay dahil sa labis na pananampalataya at hinihintay ang araw ng
pagdaraos ng dakilang kapistahan upang manood ng dulang comico–mimico-lirico-coreografico-dramatico,
na ipinagtayo ng isang malaki at maluwang na tanghalan sa gitna ng liwasan.”
“Ikasiyam
ng gabi ng ikasampu ng buwan, bispiras ng pista, matapos ang masarap na hapunang
idinulot sa amin ng Hermano Mayor, ay nakapukaw sa aming mga Kastila at
mga prayleng nasa kumbento ang tugtugan ng dalawang banda ng musiko na
sinasabayan ng maraming tao at tunog ng mga kuwitis at bombang malalaki,
at pinangunahan ng mga maykapangayrihan sa bayan, ay tumungo sa kumbento
upang kami ay kaunin at dalhin sa pook na inihanda at inilaan sa amin upang
panoorin ang pagtatanghal.”[3]
“Napilitan
kaming paunlakan ang mainam handog kahit na higit ko pang nais ang magpahinga sa mga bisig ni Morfeo[4]
at ipahinga ang pananakit ng aking katawan, dahil sa makalog na sasakyang
pinagamit sa amin ng kapitan sa bayang B.” “Kami nga ay
pumanaog, at pinaroonan naming hinanap ang mga kasamang naghapunan sa bahay
dito ng mahabagin at mayamang si Ginoong
“Ang kura
sa bayan, ang marangal na paring si Pray Bernardo Salvi at ang kagalang-galang
na si Pray Damaso Verdolagas, na sa awa ng Poong Diyos ay magaling na sa mga
sakit niyang dinaramdam, dahilan sa kagagawan ng isang lapastangang kamay,[5]
na kasama ng kagalang-galang na si Pray Hernando de la Sibyla, ang mabait na
kura sa Tanawan at iba pang Kastila, ay mga panauhin sa bahay ng Kresong[6]
Pilipino. Doon ay nagkapalad kaming humanga, hindi lamang sa maringal at
katalinuhan sa paghahanda ng mga may-ari ng bahay, bagay na hindi karaniwan sa ugali ng mga tagarito,[7]
kundi pati sa marilag, napakaganda at mayamang anak na nagpakilalang isa sa mga
lalong matalinong nag-aral ng arte ni Sta. Cecilia sa pagtugtog sa
kanyang mainam na piyano (dahil sa kahusayan ay naala-ala namin si Galvez)[8]
ng pinakamabuting tugtuging Aleman at Italyano. Sayang at ang binibini ay
naging lubhang mahinhin na inililihim ang kanyang mga katalinuhan sa mga
kalipunan na ang idinudulot sa kanya ay puro paghanga.”[9]
[1] Makikita dito na ang
isa sa mga balakin kung bakit isinulat ni Rizal ang Noli Me Tangere ay para mabasa ng mga taga-ibang bansa.
[2] Ang kapistahan ay
pagkikita-kita ng mga Espanyol na naninirahan sa isang lalawigan – ang mga
taong bayan ang gumagastos at nag-aabala para sa kanila.
[3] Makikita dito ang
laki ng paggalang ng mga Pilipino sa mga dayuhang pari at mga Espanyol sa
kanilang mga kapistahan.
[4] Morfeo – sa mitolohiyang Griego ay diyos ng panaginip – anak siya
ni Hypnos na diyos naman ng pagtulog. Mula sa salitang ito hinango ang
terminong morpina na katawagan sa
gamot na pamatay ng kirot ng katawan.
[5] Makikita na
pinagbuhatan ng kamay si Pray Damaso at ang pananakit ay ibinibintang kay
Elias.
[6] Croessus –huling hari ng
[7] Talagang hindi
karaniwan dahilan sa mayaman si Kapitan
Tiyago at mahihirap ang maraming Pilipino.
[8] Tinutukoy dito si
Dna. Buenaventura Galvez y Mijares-Reyes na nagtapos sa konsebartoryo ng musika
sa
[9] Pagpapakita ni Rizal
ng kahusayan ng mga babae ng Pilipinas, ngunit sa kaniyang kapanahunan ay hindi
nabibigyan ng pansin dahilan sa ang mga lalaki ang palaging nasa bungaran ng
anumang kahusayan.