KABANATA 29                KINAUMAGAHAN

 

 

           

Sa pagsikat pa lamang ng unang liwanag ng umaga, ang mga banda ng musiko ay nangagsitugtog ng tugtuging at ginising, sa pamamagitan ng masasayang tugtugin, ang mga pagod na mamamayan.  Nagbalik na muli ang buhay at kasiglahan, ang mga kampana ay muling nagripeke at nagsimula ang mga putukan. Iyon ang huling araw ng  pista, ang tunay na araw ng kapistahan.  Maasahan makakakita ng lalong maraming kasayahan sa araw na iyon, higit kaysa nagdaang mga araw.  Ang mga kapatid sa V.O.T. ay higit ang dami kaysa mga kapatid sa Santisimo Rosario, at ang mga kasapi roon ay nangagngingitian dahil sa natitiyak nang hihigitan ang kanilang mga karibal sa kabanalan.  Bumili sila ng lalong maraming kandila:  ang mga Insik na magkakandila ay kumita ng malaki, at upang makaganti ng utang na loob ay nag-iisip na na magpabinyag, kahit na pinatutunayan ng ilan na hindi ang pananampalataya sa Katolisismo, kundi sa pagnanais na makapag-asawa.[1]  Ngunit ang bagay na ito ay sinasagot ng mga mababait na babae: Kahit na magkagayon ang pag-aasawang sabay-sabay ng gayong karaming Insik ay hindi mangyayaring hindi isang kababalaghan, at saka bahala na silang mapagbagong-isip ng kanilang mga asawa[2].

           

Isinuot ng mga tao ang kanilang pinakamahusay na kagayakan; lumabas sa tataguan ang lahat ng hiyas.  Ang mga mamumuhunan sa sugal at pati ang mga mamumusta ay nangakabarong binurdahan, may mga butones na malalaking brilyante, mabibigat na kadenang ginto at mapuputing sumbrerong hipi-hapa.  Ang matandang pilosopo lamang ang patuloy na gaya rin ng dati:  nakabarong sinamay na may guhit na abuhin, na nakabutones hanggang leeg, saping maluluwag at malapad na sumbrerong piyeltrong kulay-abo.

           

“Malungkot kayo ngayon kaysa dati!” ang sabi sa kanya ng tinyente-mayor, “ayaw ba ninyong kami ay magsayang paminsan-minsan, at pagkatapos nito ay marami kaming iluluha at iiiyak?”

           

“Ang magsaya ay hindi nangangahulugan ng paggawa ng kahangalan!” ang sagot ng matanda, “iyan din ang kahangalan ng pagtatapon sa taun-taon!  At dahil sa ano?  Itapon ang salapi, gayong maraming kasalatan at pangangailangan?[3]  Ah, batid ko na!  Ang Kapistahan ay isang orgia, ang bacanal upang lunurin ang hinagpis nating lahat.”[4]

           

“Alam naman ninyong kasang-ayon ako sa inyong mga paniniwala,” ang sagot ni Don Filipo na nakangiting kung papaano, “aking ipinagtanggol nguni’t ano ang magagawa ko sa kura at sa kapitan?”

           

“Magbitiw sa tungkulin!” ang sagot ng pilosopo, at lumayo na.

           

Si Don Filipo ay napatanga, na sinundan ng tingin ang matanda.

           

“Magbitiw!” ang bulong niya, samantalang papunta sa simbahan, “magbitiw!   Oo nga!  Kung ang katungkulan sanang ito ay isang karangalan at hindi isang pasanin, ay oo na, ako ay magbibitiw![5]

           

Puno na ng mga tao ang patyo ng simbahan:  mga babae at lalake, bata at matanda, na nakabihis ng kanilang pinakamainam na kasuotanay magkakahalong labas-masok sa makipot na pinto.[6]  Nangangamoy ang pulbura, bulaklak, kamanyang, pabango; ang mga bomba, kuwitis at buscapies[7] ay dahilan sa kakatakutan ay nagpapatakbo  at nagpapasigaw sa mga babae, at nakapagpapatawa sa mga bata.  Isang banda ng musiko ang tumutugtog sa tapat ng kumbento, ang isa naman ay naghahatid sa mga maykapangyarihan sa bayan, ang ilan ay lumilibot sa mga lansangan na kinalalaylayan at niwawagaywayan ng mga banderitas.  Liwanag at matitingkad na kulay ang nakalilito sa mata, tugtugan at dagundong sa tainga.  Ang mga kampana ay walang tigil sa pag-ripeke; salu-salubong ang mga karwahe at kalesa[8], ang mga kabayo ay minsan ay nagugulat, nangagdadambahan, sumisipang nakatayo ang mga unahang paa, bagay na kahit wala sa palatuntunan ng kapistahan ay nagiging isang libreng panoorin at isa na lalong kahanga-hanga.    Ang Hermano Mayor sa araw na ito ay nagpalakad ng mga utusan upang humanap ng mga panauhin sa lansangan, gaya noong nagpiging na sinabi sa Ebanghelyo.  Inaanyayahang halos sapilitan ang lahat, upang tumikim ng sikulate, kape, tsa, matamis, atbp.  Hindi miminsang ang pag-aanyaya ay nagkaroon na tuloy ng anyong away. Gagawin na ang misa-mayor, ang misang tinatawag na de dalmatica,[9] gaya ng sa kahapon na binanggit ng tagapagbalita, ngunit ang ikinaiba lamang ngayon ay sa dahilang si Padre Salvi ang magmimisa at sa mga taong magsisimba ay kabilang ang alkalde sa lalawigan, na kasama ang maraming Kastila at mga matatalinong tao upang pakinggan si Padre Damaso na lubhang bantog sa lalawigan.  Ang alperes man, na bagot na bagot na sa pakikinig ng mga sermon ni Padre Salvi, ay naroroon din upang ipakita ang kanyang mabuting kalooban at makaganti, kung mangyayari, sa mga masasamang sandali na ipinadanas sa kanya ng kura.  Napakatanyag ang kabantugan ni Padre Damaso kaya hindi pa man nagsesermon ay isinulat na ng tagapagbalita sa namamahala ng pahayagan ang ganito: [10]

 

            “Gaya ng aking sinabi sa inyo, sa aking masasamang hanay na talata kahapon, ay gayon nga ang nangyari.  Nagkaroon kami ng dakilang kapalaran na mapakinggan ang kagalang-galang na si Padre Damaso Verdolagas, na dating kura rito at nalipat sa ibang bayang lalong malaki, bilang gantimpala sa kanyang mabuting paglilingkod.[11]  Lumagay sa luklukan ng Espiritu Santo ang dakilang mananalumpati tungkol sa pananampalataya, at bumigkas ng isang mainam at makahulugang sermon na nakaakit at nakapagpahanga sa lahat ng nagsisimba na nangag-aantay na makitang lumabas sa kanyang mga labi ang malunas na batis ng buhay na walang hanggan.  Kadakilaan sa mga banggit, kapangahasan sa mga haka, kabaguhan sa mga salita, karingalan sa pagsasaysay, kaayusan sa kilos, kainamang mangusap, kakisigan sa mga tungo, ang mga hiyas nitong Bossuet na Kastila, na karapat-dapat nga sa kabantugan niyang hayag, di lamang sa matatalinong Kastila, kundi sampu sa mga walang pitagang Indio at  mga tusong Insik.”

 

           Gayunman, kamuntik nang napilitan ang tiwalang tagapagbalita na baguhin ang lahat ng naisulat.  Nagpahiwatig si Padre Damaso na siya ay namamalat nang kaunti dahil sa nadapuan siya ng sipon nang gabing nakaraan:  matapos na makaawit ng ilang masasayang awitin ay kumain siya ng tatlong kopang sorbetes at nanood sandali ng palabas.[12]  Dahil dito ay inisip na huwag na siya ang maghatid ng salita ng Diyos sa mga tao, ngunit sa dahilang walang matagpuang iba na nakapag-aral ng kabuhayan at mga milagro ni San Diego, tunay nga at ang kura ay nakaaalam noon, ngunit magmimisa naman, ay pinagkaisahan ng lahat ng pari na mabuting lubos ang tunog ng boses ni Padre Damaso at kahina-hinayang kung hindi bibigkas ang gayong kainam na sermong nasulat at napag-aralan na.  Kaya ipinaghanda siya ng ama de llaves ng mga limonada, pinahiran ng mga unguento at langis ang kanyang dibdib at leeg, binalot siya nang makakapal na kumot, hinilot, at iba’t iba pa.[13]  Si Padre Damaso ay uminom ng ilang itlog na hilaw, na inihalo sa alak, at sa buong umaga ay hindi nag-agahan; bahagya nang uminom ng isang basong gatas, isang tasang sikulate at mga labindalawang biskotso[14] at buong tapang na iniwan ang kanyang piniritong manok at kalahating kesong Laguna na kinakain sa tuwing umaga, sapagkat alinsunod sa sabi ng “ama” ay may asin at mantika raw ang manok at ang keso, at nakapagpapatindi ng ubo. Ang lahat ng iyon ay ginawa niya upang matamo natin ang kalangitan at tayo ay mapabuti ang kalagayan!” ang sabing halos napapaiyak ng mga babaeng kapatid sa V.O.T. nang mabatid ang gayong mga pagtitiis.

 



[1] Ang mga Intsik ay nagpapabinyag dahilan sa  nakikita nila ang posibilidad ng kaunlaran ng kanilang mga sariling negosyo sa pamamagitan ng pagbabago ng relihiyon  at ang pagnanais na makapag-asawa ng mga babaing Katolico.

[2] Ang mga babaing Katoliko na nag-aasawa  ng mga Intsik sa kabilang dako ay nakahanda na sila na ang magpaliwanag sa kanilang mga magiging asawa ukol sa mga usapin ng pananamapalataya.

[3] Ipinakikita ni Tasyo na ang kapistahan ay hindi dapat na maging kahangalan -  ang malaking gastusin sa kabila ng kasalatan ng bayan. Halimbawa ay mangungutang para mayroong maihanda sa mga darating na bisita. Tandaan natin ang isang matandang kasabihan – ang salapi ay agad nawawala sa kamay ng isang taong hangal.

[4] Itinulad ni Pilosopo Tasyo ang kapistahan sa orgy kung saan malayang nakapagtatalik ang mga lalaki at babae at ang bacanalia na isang kapistahang pagano para sa karangalan ni Baco na diyos ng alak. Pinag-iisip tayo dito ni Pilosopo Tasyo – bakit sa mga kapistahan na ang pinararangalan ay mga santo – samantalang ang pagbibili ng laman, at lasingan ay magkasama. Walang anumang bahagyang kabanalan sa isang kapistahan na ang hinahanap ay ang espiritu ng alak at hindi ang ispiritwalidad na hinahanap ng mga kaluluwang uhaw sa pagkalinga ng isang tunay na Diyos.

Ipinadadama ni Rizal sa kaniyang mga mambabasa na ang kapistahan ay isinasagawa ng mga Pilipino upang lunurin ang ating mga hinagpis. Katulad ito ng matandang kaugalian sa Roma, na sa panahon na may diskontento ang mga tao ay nagdaraos ng mga circus at iba pang anyo ng mga pagtatanghal na maaring makalimot sa karaingan ng bayan.

[5] Napagtatanto ni Don Felipo na ang kaniyang tungkulin ay higit na pasanin dahilan sa wala naman itong tunay na kapangyarihan, kundi ang maging sunud-sunuran lamang sa kagustuhan ng mga tunay na nakakataas.Makikita dito na pailalim na mungkahi ni Rizal noon pa man ang tinatawag nating autonomy  para sa mga pinuno ng pamahalaang lokal.

[6] Pagsambang walang kaayusan! - May lumalabas at pumapasok sa loob ng simbahan.

[7] Paputok na dikit-dikit at kapag sinidihan ay puputok ng sunod-sunod – tinatawag ito ngayon na sinturon ni Judas.

[8] Mapupuna na noon pa mang kapanahunang ng Espanya ay nagkakaroon na nang pagsisikip ng trapiko sa panahon ng kapistahan.

[9] Damit ng nagmimisa na mahabang kola, maluwang ang mga manggas, at nagwawaring isang krus kung nakabuka.

[10] Gawa na ang balita ay hindi pa nagaganap ang kaniyang iniuulat. Mauugat dito ang ugali ng mga Press Release ng pamahalaanhabang isinasaplano pa lamang ang proyekto ay nakahanda na ang papuri at magandang balita ukol dito.

[11] Sa ulat si Pray Damaso na inalis sa bayan ng San Diego para sa promosyon – itinatago ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkaka-alis sa San Diego.

[12] Ikaw man ang magkakanta, kumain ng maraming ice cream at magpalamig ka pa sa labas ng bahay – ewan lang kung hindi ka sipunin at malatin.

[13] Ipinapakita rito ang isang matandang paraan sa paggagamot ng ubo sa Pilipinas.

[14] Talagang napakatalas magpatawa ni Rizal – naghalo ng ilang itlog sa alak at bahagya nang uminom ng isang basong gatas, isang tasang sikulate at mga labindalawang biskotso - sa lagay palang iyon ay hindi pa nag-almusal si Pray Damaso.