KABANATA 30     SA SIMBAHAN

 

 

  Sa magkabilang dulo ay puno ng mga tao ang kamalig na tinatawag ng mga tao na Bahay ng Lumalang sa lahat ng nilikha.” Nagtutulakan, nagkakasiksikan, makakarinig ng maraming aray ang kakaunting papalabas at ang maraming papasok.  Malayo pa ay iniuunat na ang bisig upang basain ng agua bendita ang mga daliri, datapwa’t darating na walang anu-ano ang isang bugso ng mga tao at napapalayo ang kamay:  kung magkagayon ay naririnig ang isang ungol.  Isang babaeng napagtapakan ay nagmumura, subalit patuloy pa rin ang tulakan.  Ang ilang matandang nakasawsaw ng daliri sa tubig na iyon, na kulay-burak na, na pinaghinawan ng buong bayan, bukod pa sa mga dayo, ay nagpapahid ng buong pananampalataya ng tubig na iyon, kahiman lubhang mahirap, sa kanyang batok, tuktok, noo, ilong, baba, at sa pusod, na taglay ang pananalig na sa gayong paraan ay nalilinis sa kasalanan ang lahat ng dakong tinuran at hindi siya magkakasakit ng torticollis (sakit na rayuma sa batok, sa leeg, sa likod o sa balikat), ni sakit ng ulo, ni pagkatuyo, ni di-pagkatunaw ng kinain.[1]  Ang mga kabinataan, marahil ay sapagka’t di-lubhang masasaktin o kaya ay dahil sa di-naniniwala sa banal na lunas na iyon, ay bahagya nang basain ang dulo ng daliri (upang walang masabi ang mapanata) at kunwari’y isasayad ang noo, ngunit gaya ng mahihinala ay hindi ito idinidikit.  “Banal na tubig nga, at sabihin na ang masasabi,” ang marahil ay iniisip ng ilang binibini, “nguni’t may kulay na![2]

           

Bahagya nang makahinga doon; mainit at amoy-katawang tao; nguni’t higit sa lahat ng kapinsalaang iyon ang halaga ng magsesermon:  ang kanyang sermon ay nagkahalaga sa bayan ng dalawang daa’t limampung piso.  Ang sabi ni Matandang Tasyo ay: “Dalawang daan at limampung piso sa isang sermon!  Sa iisang tao, at isang beses!  Ang ikatlong bahagi ng upa sa mga komedyante na lalabas sa loob ng tatlong gabi…!  Dapat nga silang maging mayayaman!”[3]

           

“Ano ang pakialam ng bagay na iyan sa komedya?” ang sagot na nayayamot ng maestro ng kapatiran sa V.O.T., “dahil sa komedya ay napupunta sa impiyerno ang mga kaluluwa, at sa sermon ay sa langit!  Isang libo man ang hiningi ay nasasayahan din kami at may utang na loob pa kami…”

           

“May katwiran kayo!” ang sagot ng pilosopo, “para sa akin ay nasisiyahan pa ako sa sermon kaysa komedya.”

       

“Sa ganang akin, ni ang komedya!” ang sigaw na galit na galit ng isa.

           

Marahil nga, dahil  iisa ang pagkakaunawa ninyo sa dalawang bagay na iyan…!”[4]

           

At ang matandang walang pananalig ay lumayong hindi pinuna ang mga tungayaw at mga kakila-kilabot na sumpa na kanyang sasapitin mula sa magagaliting maestro ng kapatiran.

           

Samantalang hinihintay ang alkalde,[5] ang mga tao ay pinapawisan at naghihikab:  nagpapahangin ang mga pamaypay, sumbrero at panyo; nagsisigawan at nag-iiyakan ang mga bata, bagay na nagiging malaking gawain ng mga sakristan upang sila ay mapalabas sa simbahan. Ang bagay na ito ay nakapagdulot ng kuru-kuro sa malumanay na guro ng Cofradia ng Santisimo Rosario.

           

“Bayaan ninyong ang mga bata ay lumapit sa akin,” ang tunay ngang sabi ng Poong si Jesucristo, nguni’t maiisip na ang ibig sabihin niyon ay mga batang hindi umiiyak![6]

           

Isang matandang babaeng nakasuot ng ginggon, si Hermana Pute, ang sabi naman sa kanyang apong  batang babaeng may anim na taon, na nakaluhod sa kanyang tabi: “Dimonyo ka!  Huwag kang palilinga-linga sapagkat makakarinig ka ng isang semon na katulad ng sa Biernes Santo!” At kinurot upang gisingin ang pananampalataya sa kalooban ng bata na napapangiwi, inihaba ang nguso at ikinunot ang noo.

           

Ilang lalakeng nakatingkayad ay nangag-aantukan sa tabi ng mga kumpisalan[7].  Inakala ng ating manang na bumubulong ng dasal at pinalalakad ang kamay sa butil ng kuwintas, na ang pagyuyukayok ng isang matandang lalake ay siyang lalong magalang na pagsunod sa utos ng kalangitan, kayat unti-unti niyang ginayahan.[8]

       

Si Ibarra ay nasa isang sulok; si Maria Clara ay nakaluhod sa malapit sa altar-mayor sa isang pook na inireserba ng kura sa pamamagitan ng mga sakristan[9].  Si Kapitan Tiyago na naka-tuxedo ay umupo sa luklukang ukol sa mga maykapangyarihan kayat inakala ng mga bata na siya ang kapitan sa bayan, kung kaya natatakot sila na siya ay lapitan.

           

Dumating ang alkalde na galing sa sakristiya, kasama ang kanyang mga ayudante, at umupo sa isang mainam na upuan na nakapatong sa isang alpombra.  Ang alkalde ay gayak na gayak, at taglay sa dibdib ang medalya ni Carlos III at apat o lima pang palatandaan ng katangian.

            

Hindi siya nakilala ng bayan.[10]

           

Aba!” ang bulalas ng isang mananaka “isang sibil na suot-komedyante!”

          

“Hangal!” ang sagot ng isang kalapit na siniko ang nagsalita, “iyan ang prinsipe Villardo na nakita natin kagabi sa dulaan!”[11] Ang alkalde ay lalong napataas sa mata ng bayan, naging prinsipeng engkantado na dumaig sa mga higante.[12]

 



[1] Pinuna ni Rizal ang agua bendita - ang labis nitong karumihan dahilan sa sawsawan ng napakaraming mga tao at nagbababalana maari itong maging sanhi ng sakit na tuberculosis.

[2] Kulay burak at nakakadiri – isang pagpuna ni Rizal sa hindi panghahawak ng simbahan sa kasabihang “ang kalinisan ay sumusunod sa kabanalan

[3] Nalalakihan ng sobra-sobra si Pilosopo Tasyo sa bayad sa paring magmimisa. Nagtanong sa kaniyang sarili kung dapat na magpayaman ang mga pari dahilan sa isa sa kanilang mga panata ay ang maging mahirap.

[4] Iisa lang ang komedya at sermon – pareho lang sila, na ang gamit ay pansamantalang makalimot ang bayan sa kaniyang kahirapan at kaapihan. Sa komedya ay para maaliw sila at malimutan pansamantala ang kahirapan at sa sermon ay para ipako ang kaniyang pag-asa sa walang hanggang gantimpala sa kalangitan.

[5] Hinintay ang Alcalde ng lalawigan, higit na pinahahalagahan ang kaniyang pagdating kaysa sa maisagawa ang misa sa tamang oras. Ang pagiging huling dumating kaysa sa itinakda ay hindi katutubong kalikasan ng mga Pilipino – ito ay namana lang natin sa mga mananakop na ang pagdating ng huli sa oras ay isa sa palatandaan ng pagiging “importante.”

[6] Pinagtatalunan ng mga mapanata kung tama ang ginawang pagpapalabas sa mga batang umiiyak ng malakas sa loob ng simbahan. Sabi ni Cristo ay palapitin ang mga bata sa kaniya at ang sabi naman ng isa “sinabi iyon ni Cristo pero hindi iyong mga batang umiiyak.”

[7] Inantok ang lalaki sa kapaguran sa kapistahan hindi mawari kung ito ay dahilan sa kaabalahan, kasayahan, o sugalan

[8] Talagang makikita ang pagkainis ni Rizal sa mga taong nanggagaya ng kabanalan.

[9] Mapapansin na mayroong reserbasyon sa dakong unahang bangko sa simbahan si Maria Clara, mula sa kagandahang loob ni Padre Salvi.

[10] Hindi kilala ng tao ang alkalde - Ito ay dahil palaging nasa kapitolyo ng lalawigan at bihirang pumunta sa  mga bayan-bayan, maliban kung may kapistahan.

[11] Dahilan sa magarang kasuotan ng alcalde ay napagkamalang artista sa entablado.

[12] Isang malupit na pagpapatawa – pero mula sa pananalita ay maaring basahin na ang pinuno ng bayan ay higit na malaki sa paningin ng mga tao – kaysa sa tunay niyang nagagawa para sa mga ito