Nagsimulang magsermon
si Padre Damaso sa pamamagitan ng madalang at marahan boses na nagpapahayag
ng: “At
ibinigay mo sa kanila ang iyong mabuting espiritu upang magturo sa kanila, at
hindi mo inalis ang iyong mana sa kanilang bibig at binigyan mo sila ng tubig
sa kanilang pagkauhaw!”[1]
“Mga salitang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Esdras, aklat II,
Kabanata IX, salaysay 20.” Tuminging pahanga si Padre Sibyla sa predicador;
si Padre Manuel Martin ay namutla at lumunok ng laway: iyon ay higit
kaysa kanyang binigkas.[2]
Maging sa ang gayon ay napuna ni Padre Damaso o kaya’y sa dahilang namamalat pa
nga ay umubo nang makailan at ang mga kamay ay ipinatong sa babahan ng banal
pulpito. Ang Espiritu Santo ay
nasa kanyang ulunan at bagong pinta pa lamang: maputi, malinis, at mapula ang mga paa at tuka. [3]
“Marilag na ginoo (sa alkalde), lubhang mababait na mga pari, mga Kristiyano,
mga kapatid kay Jesucristo!” Dito ay huminto nang matagal, muling inilibot ang
tingin sa mga nakikinig na nakamatyag at pagkawalang-imik ay ikinasiya ng
kanyang kalooban.
Ang unang bahagi ng sermon ay dapat
maging sa Kastila, at ang isa ay sa wikang Tagalog: Sasalitain nila ang
lahat ng wika. Ang kahulugan ay batid ng mga apostoles ang lahat ng wika
sa kanilang pangangaral.[4]
Matapos ang mga pagtukoy at ang mga hinto ay inilahad na banayad ang kamay na
kanan nang tungo sa altar samantalang tinitingnan ang alkalde; pagkatapos ay
dahan-dahang humalukipkip na walang kasali-salita, ngunit nang makaraan ang
tigil ay kumilos, inilungay sa dakong likod ang ulo, tumuro sa pintong
malaki, na mabilis na pinutol ang hangin ng kamao, bagay na inakala ng mga
sakristan na iyon ay isang utos kaya’t isinara nila ang mga pintuan;[5] ang
alperes ay naligalig at nag-alinlagan, sa kung nararapat ang umalis o maiwan,
nguni’t ang predicador ay nagsisimula na sa pagsasalita na ang tinig ay
malakas, buo at matunog: tunay ngang ang “ama” ay matalino sa
panggagamot.
“Maliwanag
at makinang ang simbahan, malapad ang pintong malaki, ang hangin ay siyang
sasakyan ng banal na salitang Diyos na lumalabas sa aking bibig, pakinggan nga
ninyo sa tulong ng tainga ng kaluluwa at ng puso upang ang mga salita ng Poong
Diyos ay huwag mahulog sa lupang mabato at kainin sila ng mga ibon sa impiyerno,
kundi ang kayo ay tumubo at lumago, na parang isang banal na binhi sa bukirin
ng ating kagalang-galang at maalindog na San Francisco! Kayo, mga
malalaking makasalanan, na nakapiit sa mga moro ng mga kaluluwa, na lumalagusaw
sa mga dagat ng buhay na walang katapusan at nangakalulan sa malalaking
sasakyan ng katawan at ng mundo, kayong nagagapos ng mga salang kalibugan at
pakiki-apid at gumagaod kayo sa mga
bangka ni Satanas na taga-impiyerno, malasin ninyo nang magalang na
pagpapakumbaba ang nanunubos ng mga kaluluwa sa kamay ng demonyo, ang mapusok
na Gedeon, ang bayaning David, ang mapagtagumpay na Roldan ng
Sangka-kristiyanuhan, ang guwardiya sibil ng langit, na matapang pa kaysa lahat
ng guwardiya sibil, kahit na pagsama-samahin,” (Ikinunot ng alperes ang noo)
“opo, ginoong alperes, lalo pang matapang at makapangyarihan, na walang baril
kundi isang krus na kahoy, at tumatalo sa walang kapagurang tulisan ng
kadiliman at sa lahat ng kampon ni Luzbel at inutas sana silang lahat, kundi
lamang walang kamatayan ang mga espiritu! Ang mga kahanga-hangang ito na
nilikha ng Diyos, itong dakilang bagay na hindi mangyayari ay ang pinagpalang
si Diego sa Alcala, na kung gagamitan ko ng pagpaparis, sapagka’t ang pamamaris
ay nakatutulong na mabuti sa pagkakaunawa ng mga bagay na hindi mawatasan, gaya
ng sinabi noong isang tao, ay sinasabi ko nga na ang dakilang banal na ito
ay isa lamang na pinakadukhang kawal, isang ranchero sa aming malaking corporacion,
na mula sa langit ay pinamamahalaan ng aming mabait na San Francisco, corporacion
na ikinararangal kong kaaniban, na bilang kabo o sarhento, sa awa ng Diyos.”[6]
Walang
nalinawan sa salaysay na iyon na wikang Kastila ang mga walang alam na Indio,
na sinabi ng kabalitaan, liban sa mga salitang guwardiya sibil, tulisan, San
Diego at San Francisco;[7] napuna
nila ang pag-asim ng mukha ng alperes, ang anyong palaban ng nagsesermon at
kanilang iniisip na kinagagalitan ni Padre Damaso ang alperes dahil sa hindi
hinuhuli ang mga tulisan. Si San Diego at si San Francisco na ang siyang
aatupag sa bagay na iyon, at lalo pang mabuti, gaya ng pinatutunayan ng isang
larawan na nasa kumbento sa Maynila, na sa pamamagitan lamang ng kanyang cordon
ay napigil ni San Francisco ang paglusob ng mga Insik noong mga unang taon
ng pagkakatuklas sa mga lupaing ito. Lubha ngang nagalak ang mga
mapanata, pinasalamatan sa Diyos ang tulong na ito dahil sa hindi sila
nag-aalinlangan sa paniniwalang kapag nawala na ang mga tulisan ay isusunod na
pupuksain naman ni
“Mga iginagalang na ginoo: Ang mga bagay na malalaki ay sadyang malaki
kahit na mapalagay sa gitna ng mga maliliit, at ang maliliit ay maliit din kahit
na tabi sa malalaki. Ito ang sabi ng Kasaysayan, nguni’t sa dahilang ang
kasaysayan ay may isang tama at siyamnapu at siyam na kamalian sa bawat isang
daang sabihin, dahilan sa ito ay gawa ng tao, at ang mga tao ay
nagkakamali: errare est hominum gaya ng sabi ni Cicero, ang
may bibig ay nagkakamali gaya ng kasabihan sa aking bayan,
ay lumalabas na mayroon pang malaking katotohanan na hindi sinasabi ng
Kasaysayan. Ang mga katotohanang ito, mga iginagalang na ginoo, ay
sinasabi ng Espiritu Divino sa kanyang dakilang karunungan na hindi
naunawaan kailanman ng pag-iisip ng tao magmula pa noong kapanahunan nina
Seneca at Aristoteles, iyang mga marurunong na kaparian ng matandang panahon,
hanggang sa ating makasalanang kapanahunan, at ang mga katotohanang ito’y hindi
iba kundi, ang mga maliliit na bagay ay hindi parating maliit, kundi, sila’y
malalaki, hindi sa piling ng maliliit, kundi, sa piling ng mga lalong malalaki
sa lupa at sa langit, at sa hangin at sa ulap, at sa tubig at sa himpapawid, at
sa kabuhayan at sa kamatayan!”
“Amen!” ang sagot ng guro ng V.O.T. at
nag-antanda.
Ibig ni Padre Damaso na pahangain ang
mga nakikinig sa mga bigkas na ito na kanyang natutuhan sa isang dakilang predicador
sa Maynila, at gayon nga ang nangyari, ang kanyang espiritu santo (tagadiktang
prayle) ay napamulala dahil sa gayon karaming katotohanan ay nangailangang
sipain ng paa upang maalaala ang kanyang tungkulin.[8]
“Nahaharap at lantad sa inyong mga
paningin!” ang sabi ng espiritu santong tagadikta ni Padre Damaso, mula sa
ibaba.
“Patente
(Nahaharap) at lantad sa iyong mga mata ang katunayang tiyak, at hindi
mababali, ng kupas na katotohanang ito! Patente rin iyang araw na
kabaitan, at sinabi kong araw at hindi buwan sapagka’t walang malaking
kabuluhan ang pagkinang ng buwan sa gabi; sa bayan ng mga bulag, ang pisak ang
isang mata’y siyang hari:[9]
sa gabi ay maaring kuminang ang isang ilaw, ang isang munting bituin: ang
lalong may malaking kabuluhan ay ang mangyayaring kuminang sa umaga na gaya ng
ginagawa ng araw: gayon ang kinang ng kapatid na Diego, kahit nasa gitna
ng lalong malalaking santo! Nariyang nakaharap at lantad sa inyong
hindi-pananalig ang lalong wastong yari ng Lumikha upang halayin ang mga
malalaki sa lupa, oo, mga kapatid ko, patente, patente sa lahat, patente!”
Ang isang tao ay tumindig na namumutla at nanginginig at nagtago sa isang
pakumpisalan. Siya ay nagbibili ng alak na nakatulog at napanaginip na
hinihingan siya ng patente ng mga karabinero, at siya ay wala noon.
May nagsasabing ang taong ito ay hindi lumabas sa kanyang pinagtaguan
samantalang may sermon. [10]
[1] Maging sa pagpili ni
Rizal sa talata ng Biblia para sa sermon n Pray Damaso ay hindi mai-aalis ang
pagiging satiriko. “At ibinigay mo sa kanila ang iyong mabuting espiritu
upang magturo sa kanila, at hindi mo inalis ang iyong mana sa kanilang bibig at
binigyan mo sila ng tubig sa kanilang pagkauhaw” – kumakain ang mga prayle
mula sa pagtuturo ng salita ng Diyos. Kaya
nga lamang ay labis-labis, kaysa sa kailangan ang kanilang pagkain at
napapakakaunti naman sa kabanalan na kanilang naibibigay sa mga tao.
[2] Nakakaramdam ng insecurity si Padre Martin dahil sa
bungad pa lamang ng sermon ay nadama na niya na higit na mahusay sa kaniya si
Pray Damaso. Nilunok ang laway – kinain
ang pride.
[3] Siguro ay natatawa si Rizal habang sinusulat niya ito – ang
presensiya ng Espiritu Santo ay isang ispiritwal na pagsama ng diwa ng Diyos sa
isang mangangaral, pero ang satirikal na paglalarawan ni Rizal na ang Espiritu
Santo ay hindi ispiritwal kundi isang imahe lamang – para
bang pinilit na ilagay ang presensiya ng Espiritu Santo sa pulpito ng simbahan,
dahilan sa ito ay imahe lamang sa ayaw at gusto nito ay nakalagay siya doon.
Tandaan na hindi na kailangan ng imahe, sa isang pananambahan na dinadalaw at
nadadama ang presensiya ng espiritu santo sa ispiritwal na pamamaraan.
[4] Sa sinulat ni
Girioniere na isang dating manggagamot
na Hukbong Nabal ng Pransiya na naglingkod sa pamahalaan ng Espanya sa Pilipinas noong 1820-1840, ay nagsabi tungkol
kay Padre Miguel Francisco na isang kura paroko:
“I can only reproach
him with one thing to be regretted, which is that he did not preach
sufficiently to his flock. He gave only one sermon annually, and then his
discroure was always the same, and divided into two parts; the first was in
Spanish, for the edification, and the second in Tagaloc (sic) for the Indians.”
[5] Gumawa lamang ng
senyas na pa krus sa hangin si P.Damaso, sa akala ng mga na sakristan ay
pinasasara sa kanila ang pintuan ng simbahan.
[6] Tandaan na kapistahan
ni
St. Didacus [Spanish =
Lay brother of the Order of Friars Minor,
birth uncertain; died
Batis: www.newadvent.org
[7] Ipinapakita ni Rizal
na ang mga Pilipino ay nagsisimba kahit na hindi nila naiintindihan ang sermon
dahilan sa ito ay sa wikang Espanyol o kaya ay sa Latin.
[8] Sinisipa ni Pray
Damaso ang tagadiktang pari upang hindi siya maubusan ng sasabihin.
[9] Nagsisimula ng patama
kay Ibarra – parang nais na palabasin na sa lipunan ng mga mangmang ay nagiging
makapangyarihan ang mga nagtataglay ng kaunting kaalaman.
[10] Ang patente noon ay tumutukoy sa lisensiya
sa pagtitinda sa ngayon. Inaakala ng nagsisimba na ang sinasabi ni Pray Damasong patente ay ang lisensiya ng tindahan