Ang
lalakeng dilaw ay tumupad sa kaniyang pangako: hindi isang maliit na kalo
lamang ang itinayo sa ibabaw ng hukay upang ibaba ang malaking
batong-buhay: hindi ang salagunting na inakala ni Ñor Juan na
pagsasabitan ng pulley, higit kaysa
rito: iyo’y isang makina, isang palamuti, nguni’t isang malaki at
kahanga-hangang palamuti. May mga walong metro ang taas ng mga pasikut-sikot na
palapala: apat na malalaking haligi na nakabaon sa lupa, at nangagkakabit
sa tulong ng mga pahalang, na ang mga pako ay hindi ganap na nakabaon, sa
dahilang sapagka’t iyon ay pansamantala lamang ay nang hindi lubhang mahirapan
sa pag-aalis. Malaking lubid na nangakasabit ay nagbibigay-anyong malaki
at matibay sa kabuuan, na may nakalagay sa ibabaw na mga banderitas na may
sari-saring kulay, mga palamuting pinagagalaw ng hangin at malalaking tungkos
na bulaklak at mga dahon na mainam ang pagkakatali.[1]
Sa itaas,
sa lilim ng mga haligi, ay may mga tahi-tahing bulaklak at mga banderitas, at
nakabitin sa mga lubid at mga kawit na bakal ang isang malaking kalo na may
tatlong gulong na dinadaanan ng tatlong lubid na malalaki kaysa iba, na siyang
pumipigil sa malaking bato na may hukay sa gitna upang sa pagkakadaop sa isa
pang batong nasa hukay na, ay magkaroon silang dalawa ng sukat pagkalagyan ng
kasaysayan ng kapanahunan, gaya ng mga pahayagan, mga kasulatan, mga salapi,
mga medalya, atbp., at marahil ay siyang magbabalita sa darating na panahon.[2]
Ang mga lubid na tinuran ay mula sa itaas hanggang ibaba, dumadaan sa isa pang
kalo na nasa dakong paanan at napipilipit sa isang bilog na pang-ikit na
nababaon sa lupa. Ang pang-ikit na ito, na nagpapagalaw dahil sa dalawang
pampakilos ay nagpapaibayo ng lakas dahil naman sa ilang gulong na may ngipin kahit
tunay na ang napapala sa lakas ay nawawala dahil sa kabagalan.
“Tingnan
ninyo,” ang sabi ng taong naninilaw samantalang pinagagalaw ang pampakilos, “tingnan
ninyo Ñor Juan, at sa sarili ko lamang ay napatataas at napabababa ang batong
malaki…Napakainam ang pagkakagawa, na mangyayaring sukatan ang itataas o
ibababa, kaya’t mangyayaring kahi’t iisang taong nasa ilalim ay makapaglalapat
sa dalawang bato, samantalang iniaayos ko buhat dito.[3]
Si Ñor
Juan ay humahanga sa taong iyon na may kakaibang ngiti. Ang mga nanonood
ay nagbubulung-bulungan at pinupuri ang lalaking madilaw. “Sino ang nagturo
sa inyo ng makinarya?” ang tanong sa kanya ni Ñor Juan.
Ang
aking ama, ang nasira kong ama!” ang sagot na sabay sa kanyang katangi-tanging
ngiti.
“At sa
inyong ama…?”
“Si Don
Saturnino, ang lolo ni Ginoong Crisostomo.”
“Hindi ko
alam na si Don Saturnino…”
“Ah!
Maraming nalalaman! Hindi lamang mabuting mamalo at magbilad sa araw ang
kanyang mga manggagawa; marunong din namang gumising sa mga nakakatulog at
magpatulog sa mga nagigising. Makikita rin ninyo, balang araw, ang
itinuro sa akin ng aking ama, makikita ninyo! [4]”
At ang taong madilaw ay ngumingiti, sa paraang kakaiba.
Sa ibabaw
ng isang mesa, na natatakpan ng isang panaping gawa sa Persiya, nakalagay ang
sisidlang tingga at ang mga bagay-bagay na itatago sa baunang iyon: isang
kahang kristal na makapal ang siyang magtatago upang umabot sa mga darating na
panahon ang mga alaala ng nakaraan. Ang pilosopong si Tasyo na
nagbubulay-bulay sa mga dakong iyon ay bumubulong:
§“Marahil, balang araw,
kapag ang gusaling ito na ngayon ay sinisimulan, ay gawa na, at sa pagdating ng
panahon dahil sa katandaan, pagkatapos dumaan ang maraming kasawian ay bumagsak
at magkadurug-durog dahil sa hampas ng Kalikasan o sa mapanirang kamay ng tao,
at sa ibabaw ng mga labi/ruin ay
tumubo ang mga lumot at damo; pagkatapos, kapag pinawi na nang panahon ang
damo, ang lumot at ang mga labi at ikalat ng hangin ang kanyang mga abo at
malimutan na sa mga pahina ng Kasaysayan ang alaala tungkol sa kanya at sa mga
taong sa kanya ay gumawa, na matagal nang nalimot ng tao; marahil, kapag ang
mga lipi ay nangalibing na at nawala na kasama ng balat/crust ng lupa, ay mailalabas
sa loob ng bato ang mga lihim at talinhaga, kung matamaan ng panghukay
ng isang minero ang bato, dahil sa hindi
sinasadyang pagkakataon. Marahil, ang mga pantas ng bansa na
maninirahan sa mga pook na ito ay magsasagawa, gaya ng mga pag-uusisa ng mga relikya sa Ehipto, sa mga labi/remnant ng isang malaking kabihasnan na
namahay sa pag-aalaala ng walang katapusang buhay at hindi nahakang lalaganap
sa kanya ang isang mahabang gabi. Marahil,
ang isang matalinong guro ay magsabi sa kanyang mga tinuturuang may mga lima o
pitong taong gulang sa pamamagitan ng isang wikang ginagamit na ng Sangkatauhan,
na: “Mga ginoo![5] Sa masusing pagsisiyasat sa mga bagay-bagay na
nakuha sa ilalim ng ating lupa, matapos na ang kahulugan ng ilang letra at
maisalin sa ilang salita ay maari nating masapantaha, nang walang anumang
pangamba, na ang mga bagay-bagay na iyon ay yari sa panahong ang mga tao ay mga
wala pang muwang sa madilim na kapanahunang madalas nating tawaging panahong
maalamat[6].
At upang maisip ninyo ang pagiging huli ng ating ninuno[7] ay sukat nang sabihin ko sa inyo na ang mga
naninirahan dito ay hindi lamang kumikilala sa mga hari upang mahusay ang
kanilang mga lokal na pamamalakad ay nagtutungo pa sila sa kabilang dako ng mundo,
na tulad sa isang katawan na upang makagalaw ay kailangang sumangguni muna sa
kanyang ulo na nasa kabilang lupalop,[8]
marahil ay sa pook na natatabunan ngayon ng mga alon. Ang halos hindi
mapaniwalaang depektong ito, kahit na sa akala ninyo ay hindi mangyayari, ay
inyong paniniwalian kung pag-iisipan ang kalagayan ng mga nilalang na iyon na
bahagya nang matatawag na tao! Sa matandang panahong iyon, ang mga
nilikhang ito ay nakikipag-alam pa sa Lumalang sa kanila (o kung di man tunay ang gayon ay iyon ang kanilang pananalig)[9] sapagkat
sila ay may mga kinatawan ng Diyos, mga taong may higit na katangian kaysa sa
iba at kailanman ay ikinakabit sa kanilang pangalan ang mga misteryosong
panitik na M.R.P.Fr. (Muy Reverendo Padre Fray) na
pinagtatalunan ng ating mga pantas ang tunay na kahulugan. Ayon sa
sabi ng isang hindi naman lubhang napakapantas nating guro ng mga wika, na
walang nalalaman kundi may mga isang daang wika lamang sa mga di-wastong
pananalita noong panahong lumipas, ang M.R.P.
ay nangangahulugang Muy Rico
Proprietario (Kung tatagalugin ang mga salitang Muy Rico Proprietario
ay katimbang ng “lubhang mayamang may-ari”)[10] sapagkat
ang mga sinabing kinatawan ay tulad sa mga diyus-diyusan, mababait, mabuting
mananalumpati, marurunong, at kahit na sila ay may malaking kapangyarihan ay
pinananaligan ng tao na hindi sila nakagagawa nang kahit maliit man lamang na
pagkakasala, kahit kailan, bagay na nagpapatibay sa aking paniniwala sa
paghahakang sila’y mga taong di-kagaya ng iba.[11]
At kung ito ay hindi pa sapat upang magpatibay sa aking sabi ay mayroon pa
akong isang katwiran na hindi mapapabulaanan ng sinuman at lalong lalo pang
napagtitibay sa bawat sandali, na ang mga nasabing mga tao ay
nakapagpapababa sa lupa sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagbanggit nila ng
ilang salita na hindi maaaring masabi ng Diyos kundi sa pamamagitan ng kanilang
bibig, ang Diyos ay kanilang kinakain, iniinom nila ang dugo at malimit na
ipinakakain din naman nila sa mga taong karaniwan…”[12]
[1] Makikita ang husay sa
pagdedetalye sa kalo – parang si Rizal ay nandoon na may dalang metrong panukat
at tiniyak ang sukat at kaanyuan nito.
[2] Ang ilalagay ay
tinatawag na time capsule – isang
metal na lalagyan na anyong kapsula na
lagayan ng mga ala-ala ng kapanahunan noong itinatayo pa ang gusali.
Nilalayon nito na sa pagdating ng malayong panahon kapag ganap ng wala ang
gusali o mga henerasyon na kasabay ng gusali ay mahukay upang maunawaan ng mga
darating na panahon ang paraan ng pamumuhay ng mga tao noon.
[3] Ang taong dilaw ang
tunay na may kontrol sa bato na nakasabit sa kalo.
[4] Mula sa pananalita ng
taong dilaw ay mababakas ang kalupitan ni D. Saturnino at ang kaniyang lihim na
balakin ay mayroong motibo ng paghihiganti.
§ Pansinin sanang
mabuti ang scenario na iniisip ni
Pilosopo Tasyo sa talatang ito na maaring mangyari sa darating na panahon.
Makikita ang pagiging bisyonaryo ni Rizal – dito ay makikita ang inpluwensiya
ng manunulat ng science fiction na si
Jules Verne, na ang mga sinulat
ay kinagiliwan ni Rizal.
[5] Dito ay mapapansin sa
scenario ni Pilosopo Tasyo ang mga
sumusunod: isang pandaigdigang wika
na gagamitin ng sangkatauhan at ang edad ng tinuturuan ng guro ay 5 at 6
na taon gulang lamang, ngunit mahalata kung gaano kabigat ang aralin at
kaseryoso ang talakayan sa loob ng klase at mapapansin na ang guro sa kabila ng
kabataan ng kaniyang mga mag-aaral ay nandoon ang pormal na pagbati at pagtukoy
sa kanila. Isang paaralan ng mga matatalinong bata ng kinabukasan. Ang ginamit na pagbati sa kaniyang mga guro
na 5 at 6 na taong gulang na “mga ginoo” ay isang paraan ng pagpaparamdam ni
Rizal na ang mga guro ay dapat tratuhin na may mataas na pagrespeto ang mga
mag-aaral – ang kawalan ng isang guro ng pagrespeto sa kaniyang mga mag-aaral
ang salik upang tingnan niya ang kaniyang mga tinuturuan na mahihina. Sa isang
silid-aralan na ang guro ay may respeto at pagtitiwala sa kakayahan ng kaniyang mga tinuturuan ay doon sumisibol ang
mga kabataang may malayong mararating ang kaalaman.
[6] Sa scenario ni Pilosopo Tasyo na ang
“kasalukuyan” ay makikita palaging bilang nakaraan – tandaan na ang
“kasalukuyan” sa pagdating ng panahon ay matatapuan sa malayong kahapon at ang
bukas ay palaging nagiging sa salitang “kasalukuyan.”.
[7] Ang katotohanan sa
panahon ng kolonyalismo ng Espanya ay ninais ng maraming mga prayle na tayo ay
maging huli sa kaalaman. Ipinakita nila sa ating mga ninuno na mahina tayo,
hindi natin kayang malaman ang mga komplikadong mga bagay. Ito ay dahilan sa natatakot
ang mga prayle na ang mga Pilipino ay makabasa ng mag anti-prayleng babasahin
na nakasulat sa wikang Espanyol. Sa kabilang dako, ang trahedya ng ganitong
mababang pagtrato ay nananatili pa rin sa kasalukuyan sa paniniwala ng mga guro
na mahina ang kaniyang mga mag-aaral at higit na magaling ang mga estudyante
noong unang panahon. ANG AKING
PANINIWALA AY HIGIT NA MATALINO ANG MGA MAG-AARAL SA KASALUKUYANG PANAHON, KUNG
SILA MAN AY MUKHANG HINDI AY DAHILAN SA - Umaabanse ang kaalaman ng mga bata at
naiiwan ang ating sistema ng edukasyon sa pagsulong ng panahon bunga ng kawalan
ng sapat na pondo at matinong programang makikisabay sa mabilisang pagbabago na
nanagaganap sa ating panahon.
[8] Malayo ang ulo sa katawan – kailangan pa ng pag-sang-ayon ng
nasa Espanya bago maipatupad sa Pilipinas ang ilang mga programa. Sa ating
panahon ay hindi na ganoon – dahilan sa malapit na lang ang embahada ng makapangyarihang
bansa, subalit bago magkadigma ay may ilang mga panahon na nagpupunta din
ang mga opisyal sa Washington DC, kaya nagkaroon ng konspeto ang mga Pilipino
na ang mga mahuhusay na pangulo ng Pilipinas ay iyong malapit sa presidente ng
Estados Unidos, kahit na hindi malapit sa sambayanag Pilipino.
[9] Pansinin mabuti ang bahaging ito ng sulat ni Rizal. Kayo na
ang magbigay ng kahulugan.
[10] Makikita ang galing
ni Rizal sa pang-iinsulto – sa pamamagitan ng scenario na ginagawa ni Pilosopo
Tasyo ay nagawa niyang bigyan ng iba at parunggit ang panitik na ginagamit ng
mga prayle sa harap ng kanilang pangalan. Patay Malisya pa nga si Rizal
dahilan sa ang kaniyang kunwaring ginamit na may maling pakahulugan ay isang
gurong hindi ganap na pantas pero sapol na sapol ang mga prayle dito. Ang
historikal na katotohanan ng kayamanan ordeng relihiyoso sa panahon ng
kolonyalismo ng Espanya sa bansa ay nagkakahalaga ng $7,239,000 sa mga lupain
lamang na ito ay binayaran ng
[11] Sa paraan ng
pagsasalaysay ay ipinapakita ni Rizal na ang mga prayle sa kaniyang mga
katangian ay walang pinag-iba sa mga pari ng matandang relihiyong pagano ng
Ehipto,
[12] “Kinakain at
ipinakakain ang Diyos” - kontra si Rizal sa ganitong paniniwala ng simbahan.