KABANATA 33                MALAYANG KAISIPANª

 

 

        Habang tinatapos  ni Ibarra  ang pag-aayos sa kaniyang bagong kasuotan ay pumasok ang isang alila na nagsabing may isang taga-bukid na nais makipagkita sa kanya.  Sa pag-aakalang marahil ay isa sa kanyang mga manggagawa ay ipinag-utos na papasukin sa kanyang tanggapan o silid na aralan, aklatan at gawaan na tuloy ng gamot.[1] Nguni’t gaano ang ipinagtaka niya nang makaharap ang matigas at mahiwagang anyo ni Elias.

       

“Iniligtas ninyo ang aking buhay,” ang sabi nito sa wikang Tagalog dahil sa nahulaan ang ibig sabihin ng pagdulog ni Ibarra, “nagbayad ako ng pagkakautang sa inyo at ito ay hindi pa lubos, kaya  wala kayong dapat na ipagpasalamat sa akin, kundi bagkos pa ngang ako ang dapat magpasalamat.[2]  Naparito ako upang pakiutangan kayo ng loob…”

       

“Sabihin ninyo!” wika ng binata sa wika ring Tagalog, at napapataka siya sa ayos ng taga-bukid.

       

Tinitigang sandali ni Elias si Ibarra at nagwikang:

       

Kapag tinangka ng mga maykapangyarihan na inbestigahan ang hiwagang ito ay ipinapakiusap ko sa inyong ipaglihim ang babala na ibinigay ko sa inyo sa simbahan.”

       

“Wala kayong dapat na ikabahala,” sagot ng binata na may di-kasiyahang loob, “batid kong kayo ay pinag-hahanap, nguni’t hindi ako manunuplong.”

       

“O, hindi dahil sa akin,!” ang bulalas agad, at may pagmamataas ni Elias, “dahil din sa inyo; wala akong kinatatakutan sa mga tao.”[3]

       

Ang pagtataka ng ating binata ay humigit pa:  ang bigkas ng pananalita ng taga-bukid na iyon, na naging piloto, ay bago at waring hindi angkop sa kanyang taglay na kalagayan ng pamumuhay.

       

“Ano ang ibig ninyong sabihin?” ang siyasat na tinanong sa tingin ang mahiwagang taong iyon.

       

“Hindi ako nagsasabi ng malabo, tinitiyak kong malinaw ang aking sinasabi.  Upang kayo ay maligtas ay kailangang akalain ng inyong mga kalaban na kayo’y hindi handa.”

       

Si Ibarra ay napaurong. “Ang aking mga kalaban?  Mayroon akong kalaban?”

           

Lahat tayo ay may kalaban, mula sa pinakamaliit na kulisap hanggang sa tao, mula sa pinaka-mahirap o maging ang lalong mayaman at makapangyarihan!  Ang tunggalian ay batas ng buhay!

           

Tahimik na napatingin si Ibarra kay Elias. “Kayo ay hindi piloto, ni hindi taga-bukid…” [4]

           

“Mayroon kayong kalaban sa itaas at sa ibaba,” patuloy ni Elias na hindi napuna ang mga salita ng binata, “nagbabalak kayo ng isang malaking gawain, nagkaroon kayo ng nakaraan, ang inyong ama, ang inyong mga ninuno ay nagkaroon ng mga kaaway, sapagkat nagtataglay ng init ng kalooban, at sa buhay na ito ay hindi ang mga kriminal ang lalong kinamumuhian kundi ang mga taong may malilinis na kalooban.”[5]

           

“Kilala baga ninyo ang aking mga kalaban?”

        

Hindi agad sumagot si Elias at nag-isip. “Nakilala ko ang isa, ang namatay,” ang tugon, “kagabi ay nalaman kong may nais gawing masana sa inyo dahil sa pakikipag-usap niya sa isang di ko kilala, na nawala sa dami ng tao[6]Ito ay hindi kakanin ng isda na gaya ng kanyang ama:  makikita ninyo bukas,’ ang sabi.  Ang mga salitang ito ay nakakuha ng aking atensiyon, hindi lamang dahil sa kahulugan kundi dahil sa ang nagsalitang iyon, ay nagprisinta sa namamahala ng paggawa, na ang hangad ay ang mga gawain tungkol sa paglalagay ng panulukang bato, hindi humingi ng malaking sahod at nagparangalan pa ng kanyang mga alam.[7]  Ako ay walang sapat na dahilang para mag-akalang siya ay may masamang balak, ngunit may pumaosk sa aking isipan na nagsasabing ang aking mga hinala ay totoo. Pinili kong ipaalam sa inyo ito sa loob ng simbahan, pagkat iyon ay isang pagkakataon upang kayo ay babalaan pa at hindi na makapagtanong.[8] Ang iba pang bagay ay nakita na ninyo.”



ª Sa kabanatang ito ay magaganap ang unang pagseryosong -uusap sa pagitan ng creole na si Ibarra at ng katutubong si Elias.

[1] Hindi sinasabi sa nobela kung ano ang natapos na pinag-aralan ni Ibarra – ngunit sa kaayusan ng kaniyang tanggapan at laboratoryo ay masasabing mayroon siyang kaalaman sa paggawa ng gamot. Walang katiyakan ngunit maaring mahulaan na nasa linya ng parmasyutika o kemistriya. Noong mga unang panahon at maging sa nakalipas na mga dekada na hindi pa masyadong maraming mga produktong gamot, ang parmasyutiko ang siyang direktang nagtitimpla ng mga gamot ayon sa reseta ng manggagamot. Ito ang dahilan kung bakit noong mga naunang dekada ay pangunahing kasangkapan ng mga parmasyutiko ay dikdikan/mortar at timbangan.

[2] Ang pagmamalasakit ni Elias kay Ibarra ay dahilan sa utang na loob – iniligtas siya ni Ibarra sa buwaya. Ang pagpapasalamat ni Elias kay Ibarra ay dahilan sa nakabayad siya ng utang na loob.

[3] Ang pakiusap ni Elias na huwag isumbong ay hindi para sa kaniya kundi para na rin sa kabutihan ni Ibarra. Hindi natatakot si Elias na isuplong siya ng mga tao. Sa kapanahunan ni Rizal ay tinutugis ng batas ang mga tulisan dahilan sa kanilang pandarambong sa mga bayan-bayan at panliligalig sa kapayapaan. Ang pagmamahal ng karaniwang tao kay Elias ay indikasyon ito ay hindi isang mandarambong – may likas na pagmamahal ang mga tao sa kaniya, nakakagalaw siya ng malaya, dahilan sa kailangan siya ng bayan upang ang kaniyang kakaibang lakas, talino, at katangian ay kailangan ng mga naaping tao sa bayan. Ang paglitaw ng kalipunan ng mga taong nagtataglay ng katangian ni Elias ay isang indikasyon na may lakas ang bayan mula sa kanilang kauri.

[4] Nararamdaman ni Ibarra na edukado ang kausap dahilan sa mayroong kabuluhan ang mga sinasabi ni Elias. Sapagkat ang binabanggit ni ni Elias ay ang isang anyo ng pilosopiyang panlipunan – ang tunggalian ay batas ng kalikasan.

[5] Ito ang mga dahilan kung bakit mayroong kagalit si Ibarra – ang kaniyang proyekto, ang kalupitan ng kaniyang lolo (tandaan na ang taong dilaw ay anak ng trabahador ni Don Saturnino) ;ang kaniyang ama naman ay kalaban ni Padre Damaso; at siya mismo ay nakabangga si Padre Salvi.

[6] Lumalabas na hindi mag-isang binalak ng taong dilaw ang tangkang pagpatay kay Ibarra.

[7] Pansinin - alam ni Elias ang  nagaganap sa konstruksiyon ng paaralan. May pakikipag-ugnayan si Elias sa mga manggagawa sa paaralan – para siyang labor organizer sa ating panahon?

[8] Makikita ang talino ni Elias. Una sa pagkuha ng inpormasyon sa loob ng bakuran ng mga kaaway; at pangalawa, sa pagsasabi niya kay Ibarra sa balakin ng taong dilaw. sa loob ng simbahan at dahilan sa hindi makapagtatanong si Ibarra, ang magagawa na lamang nito ay ang mag-ingat ng labis dahilan sa isang babala na wala siyang nalalaman sa puno at dulo.