KABANATA 34                ANG PANANGHALIAN 

 

 

            Doon, sa ilalim ng nagagayakang kiosko, ang mga kinikilalang tao ng lalawigan ay nagsisikain. Ang alkalde ay nakaupo ay isang dulo ng hapag; si Ibarra ang katapat.  Sa kanan ng binata ay nakaupo si Maria Clara, at sa kaliwa ang eskribano.  Si Kapitan Tiyago, ang alperes, ang kapitan sa bayan, ang mga prayle, ang mga kawani, at ang ilang binibining nalalabi ay nakaupo nang hindi ayon sa kanilang tungkulin kung saan nila naibigan. Sa kalagitnaan ng pagkain ay dumating ang isang kawani sa telegrapo na may dalang telegrama at hinahanap si Kapitan Tiyago.  Nagpasintabi si Kapitan Tiyago upang basahin ang sulat, at gaya nang maaantay ay isinamo sa kanya na sundin ang pagbasa. Ikinunot muna ng ating kapitan ang kilay, pagkatapos ay tumindig:  namutla ang mukha, lumiwanag at matapos na matiklop na bigla ang papel at makatindig, ay: “Mga ginoo,” ang nasabing naguguluhan, “darating mamayang hapon ang Heneral at magiging bisita sa aking tahanan!” At nagtatakbong dala ang sulat at ang servilleta/cloth napkin, kahit walang sumbrero, na habol ng mga paghanga at tanungan. Kahit ang balita mang papasok ang mga tulisan ay hindi makapagbibigay nang gayong kaguluhan. “Teka, hintay kayo!  Kailan darating ang Heneral?  Isalaysay ninyo sa amin!   Si Kapitan Tiyago ay malayo na.

           

“Darating ang Heneral at tutuloy sa bahay ni Kapitan Tiyago!” ang bulalas ng ilan na hindi na inalintana na naroroon ang anak at ang mamanugangin.

           

“Mabuti ang pagkakapili ng bahay!”

           

Ang mga prayle ay nagkatinginan; ang ibig sabihin sa tingin ay:  “Pinaglalaruan tayo ng Heneral, iniinsulto tayo, dapat sanang sa kumbento tumuloy.[1]”  Ngunit dahilan sa ito ang nasa isip ng mga prayle ay hindi sila umimik at walang nagsabi ng inaakala.

           

“Nasabi na sa akin kahapon ang bagay na iyan,” sabi ng alkalde, “ngunit hindi pa lubos ang loob ng Heneral kung tutuloy.”

           

“Alam po ba ng inyong kamahalan, Ginoong Alkalde, kung gaano ang itatagal dito ng Kapitan Heneral?” ang tanong ng alperes na di-mapalagay.[2]

       

“Hindi ko matiyak; maibigin ang Heneral sa mga  surpresa.

       

“Narito pa ang ibang pabalita!”

       

Ang mga telegramang iyon ay ukol sa alkalde, sa alperes, at sa kapitan sa bayan na ang sinasabi ay gaya rin nang sa una:  napupuna ng mga prayle na ang kura ay walang tinatanggap.[3]

           

“Ang Heneral ay darating sa ikaapat ng hapon, mga ginoo!” sabi ng alkalde, “maaaring makakain tayong mahinahon!” Si Leonidas, nang nasa Termopilas, ay hindi nakabanggit ng mga salitang bubuti pa kaysa roon:[4]  “Ngayong gabi ay maghahapunan tayong kasalo ni Pluton![5]         

 

Ang salitaan ay nauwi sa dati. “Napupuna kong wala rito ang ating dakilang tagapangaral!” ang sabing nangungunti ng isang kawani, na anyong mabait, na hindi pa nangungusap kundi nang kumakain na lamang at iyon ang kanyang unang bigkas sapul sa umaga.

           

Lahat ng nakaaalam ng naganap sa ama ni Crisostomo ay nagkilusan at kumindat, na ibig sabihin ay:  “Ang taong ito!  Unang tanong pa lamang ay mali na![6]

       

Nguni’t ang ilang may pagkamaawain ay sumagot na:

           

“Marahil ay napapagud-pagod.”

           

“Marahil ay pagod na pagod?” ang bulalas ng alperes, “patang-pata marahil kung susundin ang karaniwang kasabihan dito.  Naku, ang sermong iyon!”[7]

           

“Isang sermong dakila, mahusay!” sabi ng eskribano.

           

“Mainam, malalim!” ang dugtong ng tagapagbalita ng pahayagan.

           

Upang makapagsalita nang gayong kahaba ay kailangang magkaroon ng isang matibay na baga na kagaya ng sa kanya,” sabi ni Padre Manuel Martin.[8] Ang tanging minamahalaga ng Agustino ay ang baga ng nagtalumpati.

           

At ang kahusayang bumigkas,” ang dugtong ni Padre Salvi.

           

“Alam ba ninyong ang tagapagluto ni Ginoong Ibarra ay siyang pinakamabuti sa lalawigan?” ang sabi ng alkalde na pumutol sa salitaan.

           

“Iyan nga ang sabi ko, nguni’t ang magandang kapiling ni Ginoong Ibarra ay ayaw magpaunlak sa pagkain dahilan sa bahagya nang sumubo,” ang sagot ng isang kawani. Si Maria Clara ay namula.  “Napasasalamat ako sa ginoo… pinag-aabalahan ninyo akong lubha,” ang mahinang sabi, “ngunit…”

           

Nguni’t lubos na ninyong pinararangalan ang piging sa pakikiharap man lamang sa amin,” ang sabi ng mapagpuring alkalde, at nang makalingon kay Padre Salvi ay: “Padre Kura,” ang dugtong na malakas ang salita, “napupuna kong sa maghapon ay wala kayong imik at nag-iisip…”

           

“Ang ginoong alkalde ay lubhang magaling magmasid!” ang bulalas ni Padre Salvi sa pamamagitan ng isang pagbigkas na katangi-tangi.  “Iyan ang ugali ko,” ang bulong ng Pransiskano, “ibig ko pa ang makinig kaysa magsalita.

           

Kailanman ay hangad ninyo ang manalo at hindi matalo!” ang sabing pabiro ng alperes. Hindi inaring biro ni Padre Salvi ang gayon:  Kumislap sandali ang mata at sumagot: “Alam na mabuti ng ginoong alperes na sa mga araw na ito ay hindi ako ang lalong nananalo o natatalo kaya!”[9] Sa pamamagitan ng isang ngiti ay pinagtakpan ng alperes ang sundot at inaring hindi sa kanya patama ang salitang iyon.

           

“Subalit mga ginoo, hindi ko malaman kung bakit ang pananalo at pagkatalo ang pag-uusapan,” ang hadlang ng alkalde, “ano na lamang ang masasabi sa atin ng mga may magagandang-loob at mabibining dalagang nagpaparangal sa atin?  Sa ganang akin, ang mga dalaga ay waring mga arpas eolicas (uri ng instrumentong musikal) sa gitna ng gabi; dapat silang pakinggan at matyagang mabuti, upang ang kanilang kaiga-igayang tinig na nagdadala sa kaluluwa sa langit ng mga pangarap…”

           

“Nagiging makata yata ang inyong karilagan,” masayang sabi ng eskribano, at silang dalawa ay tumungga.

           

“Hindi mangyayaring hindi magkagayon,” ang sabi ng alkalde, samantalang nagpapahid ng labi, “ang pagkakataon, kahit hindi palaging nagbibigay-daan upang ang isang tao ay maging magnanakaw, ay nagiging sanhi naman upang maging makata. Ako ay nakagawa rin ng tula noong aking kabataan, at hindi naman lubhang kasamaan.[10]   

 



[1] Ang pagtigil ng KH sa bahay ni Kapitan Tiyago ay isang insulto para sa mga prayle. Nais nilang sa kumbento tumigil ang KHat hindi sa bahay ng isang indio na katulad ni Kapitan  Tiyago.

[2] Hindi mapakali ang alperes sa magiging pagtigil ng KH dahilan sa baka maungkat ang pagtanggap niya ng malaking suhol mula sa pasugalan.

[3] Ang hindi pagpapadala ng telegrama para sa kura ay isang malaking insulto. Nagpapakita ito na ang KH ay hindi tau-tauhan ng mga prayle.

[4] Si Leonidas ay hari ng Sparta na noong 480 BC ay sumama sa alyansa ng mga Grigeo para labanan ang hukbo ng mga Persiano na nagbabalak na sakupin ang Gresya. Ang kaniyang maliit na hukbo na binubuo ng 300 katao ay pinigil sa masikip na paso ng Thermopylae ang mga na Persiano na umaabot sa libo-libong katao at napigilan ang pagpasok nito sa loob ng dalawang araw. Sa labanang ito, si Leonidas at ang kaniyang mga tauhang taga Sparta ay nasawi.

[5] Pluton – ang diyos ng kamatayan, sinasabi sa mga alamat na sa gabi bago maganap ang kamatayan ng 300 Spartan sa paso ng Thermopylae ay nakasabay nilang maghapunan si Pluton.

Batis: http://oocities.com/hispanofilipino/Noli/notas3135.html

Hindi kaya ang pagsasabing ito ni Rizal ay ang simbolismo na nagpapaala-ala sa mga maykapangyarihan noon sa mga pinuno at tauhan ng kolonyal na pamahalaan at mga alagad ng simbahan, sa maari nilang maging kalagayan sa pagdating ng himagsikan? Ang katotohanan ng hinalang ito ay mapapatunayan sa mga pag-uusap sa nagaganap na tanghaliang sa kabanatang ito.

[6] Paglalarawan ni Rizal ng kaugalian ng mga taong walang pakundangan sa pagsasalita. Itinuturo dito na ang isang tao ay dapat na maging maingat sa pagbubukas ng anumang paksang pag-uusapan.

[7] Naasar ng labis ang alperes sa haba ng sermon ni Padre Damaso.

[8] Mapapansin sa ang kalaban ni Pray Damaso sa pahusayan ng sermon – na ang kaniyang hinahangaan sa kaniyang karibal sa kabanalan ay ang malaking baga ni Pray  Damaso.

[9] Parunggit ni Padre Salvi sa alperes dahilan sa malaking nakukuha nitong suhol sa sugalan.

[10]ang pagkakataon, kahit hindi palaging nagbibigay-daan upang ang isang tao ay maging magnanakaw, ay nagiging sanhi naman upang maging makata. Ako ay nakagawa rin ng tula noong aking kabataan, at hindi naman lubhang kasamaan” –  mapapansin na hindi na ang alcalde ay hindi kahusayan sa pagiging makata, kung ganoon ang mahusay siya sa pagnanakaw.

Isang magandang pagkakataon na angkop na angkop sa mga opisyal ng pamahalaang kolonyal. – mayroong malawak na kapangyarihan,  walang sistema ng pag-tutuwid ng pagmamalabis; walang maayos na sistema ng pagtutuos ng gastusin ng pamahalaan.