KABANATA 37        ANG KAPITAN HENERAL

 

 

            

“Nais kong kausapin ang binatang iyan!” ang sabi ng Heneral sa isa niyang ayudante, “ginising ang aking interest.” “Ipinasundo na po, aking Heneral!  Subalit dito ay may isang binatang taga-Maynila na humihinging mapilit na makapasok.  Sinabihan naming ang inyong kamahalan ay walang panahon at hindi naparito upang tumanggap sa mga may sumbong kundi upang tingnan ang bayan at ang prusisyon, ngunit ang tugon ay palaging may panahon ang inyong kamahalan sa paglalapat ng katarungan …”[1] Ang Heneral ay tuminging pahanga sa alkalde. “Kung hindi ako nagkakamali,” sagot nito na yumuko nang bahagya, “siya ang binatang nakipag-away ngayong umaga kay Padre Damaso dahil sa sermon.”

 

“Isa pa?  Ibig ba ng prayleng iyan na guluhin ang lalawigan, o inakalang siya ang nakapangyayari rito?[2]  Sabihin ninyo sa binatang iyan na pumasok!” Ang Heneral ay namumuhing nagpalakad-lakad sa magkabilang dulo ng kabahayan.

           

Sa pook na bago pumasok sa kabahayan ay may ilang Kastila na kahalo ng mga kawal at mga maykapangyarihan sa San Diego at mga mamamayan; pulu-pulutong na nag-uusap o nagtatalo.  Naroon din ang lahat ng prayle, liban lamang kay Padre Damaso, at ibig magsipasok  upang bumati sa Heneral.

           

Ipinamamanhik po sa inyo ng marangal na Kapitan Heneral na maghintay na sandali,” sabi ng ayudante sa mga pari, “tuloy kayo, binata!”[3] Ang taga-Maynilang iyon na nagkamaling tumawag ng Griyego sa wikang Tagalog ay pumasok na namumutla at nanginginig sa kabahayan.

           

Lahat ay namamangha:  marahil ay malaki ang galit ng Heneral sapagkat nagawang paghintayin ang mga prayle.  Ang wika ni Padre Sibyla ay: “Ako ay walang anumang sasabihin sa kanya…  nag-aaksaya lamang ako dito ng panahon!”[4]

           

“Gayon din ako,” ang dugtong ng isang Agustino, “halinang umalis!”

           

“Hindi kaya lalong mabuti ang alamin natin kung ano ang kanyang desisyon?” tanong ni Padre Sybila, “maiiwasan natin ang isang gulo… at… maipaaalaala natin sa kanya… ang kanyang mga kautangan loob sa…  relihiyon…”

           

“Makapapasok po kayo, kung ibig,” ang sabi sa mga prayle ng ayudante, na inihatid ang binatang hindi marunong ng wikang Griyego, na ang mukha ay kinalalarawanan ng kasiyahan nang lumabas.

           

Si Pray Sibyla ang unang pumasok; sa likod ay kasunod si Padre Salvi, si Padre Manuel Martin at ang iba pang pari.  Pakumbabang nangagsiyuko, liban na kay Padre Sibyla na nagtaglay sa pagyuko ng isang pagkamataas; si Padre Salvi ay kaiba, halos nabaluktot ang baywang.

           

“Sino po sa inyong mga kagalang-galang si Padre Damaso?” ang biglang tanong ng Heneral na hindi sila inalok na maupo, ni hindi man itinanong ang kanilang kalagayan, at hindi sila binati ng mga salitang may papuri gaya ng nakapamihasnan ng mga gayong katataas na tao.

           

“Si Padre Damaso ay hindi po namin kasama!” ang sagot ng matigas ng pananalita ni Padre Sibyla.

           

Nahihiga po ang lingkod ng inyong kamahalan,” pakumbabang dugtong ni Padre Salvi, “matapos na magkaroon kami ng lugod na batiin kayo at mabatid ang inyong kalagayan, na gaya nang nararapat ugaliin ng sino mang mabuting lingkod ng Hari at ng mga taong may mabuting pinag-aralan, ay naririto rin kami sa ngalan ni Padre Damaso na magalang na lingkod ng inyong kamahalan na inabot ng kasawian.”

           

“Oh!” putol ng Kapitan Heneral na pinaikot ng isang paa ang isang upuan at pinipilit ang ngiti, “kung ang lahat ng lingkod ng aking kamahalan ay kagaya ng kagalang-galang na si Padre Damaso ay ibig kong ako na lang sa  aking sarili ang maglingkod sa aking kamahalan!”[5]

           

Ang mga pari na napatigil nga dahil sa nakatayo ay napatigil pa rin pati sa pag-iisip dahil sa sinabing  ito ng Heneral. “Mag-siupo kayo,” ang dugtong, matapos ang munting hinto at pinalambot nang kaunti ang pagsasalita.

           

Si Kapitan Tiyago ay naka-prak at lumalakad nang tiyad; akay sa kamay si Maria Clara na urung-sulong na pumasok at puno ng takot.  Subalit nakagawa naman ng isang kalugud-lugod at magalang na yuko. “Anak ba ninyo ang binibining ito?” ang pahangang tanong ng Kapitan Heneral. “At ng inyo pong kamahalan, aking Heneral!” ang sagot na walang kapingas-pingas ni Kapitan Tiyago. Napadilat ang mga ayudante at ang alkalde, ngunit iniabot ng Heneral ang kamay sa dalaga at malumanay na nagwikang:  “Mapapalad ang mga magulang na may mga anak na binibining gaya ninyo!  Naibalita na kayo sa akin sa pamamagitan ng paggalang at paghanga… ninais kong makita kayo upang kayo ay pasalamatan dahil sa mabuting gawa na ipinamalas sa araw na ito.  Nalalaman kong lahat, at pagsulat ko sa Pamahalaan ng Hari ay hindi ko malilimutan ang inyong mabuting ginawa.[6]  Samantala ay ipahintulot ninyo sa akin, sa ngalan ng Hari na kinakatawan ko rito at nagnanasa sa kapayapaan at katahimikan ng kanyang matatapat na sakop, at sa sarili kong pangalan, na isang ama na may mga anak din na kasinggulang ninyo, na kayo ay handugan ko ng isang gantimpala!”

           

“Ginoo…!” ang sagot na nanginginig ni Maria Clara.

           

Nahulaan ng Heneral ang ibig niyang sabihin at tumugong:

           

“Lubhang mabuti nga ang kayo ay masiyahan na sa kasiyahan ng sariling budhi at sa paggiliw ng inyong mga kababayan; bagay na sadya ngang siyang pinakamabuting gantimpala, at hindi na tayo dapat humiling ng higit pa sa roon, ngunit huwag ninyong ipagkait sa aking samantalahin ang isang magandang pagkakataon upang ipamalas na kung ang Kapangyarihan ay marunong magparusa, ay marunong din namang magdulot ng gantimpala at hindi palaging bulag.”[7]

           

“Si Ginoong Ibarra ay nag-aantay ng utos ng inyong kamahalan!” malakas na sabi ng ayudante.

           

Si Maria Clara ay kinilabutan.

           

“Ah!” ang bulalas ng Kapitan Heneral, “ipahintulot po ninyo sa akin, binibini, na ipahayag ang hangad na makita kayong muli bago ko lisanin ang bayang ito; mayroon po akong sasabihing mahahalagang bagay sa inyo.  Ginoong Alkalde, samahan ninyo ako sa pamamasyal, na ibig kong gawing palakad, matapos ang pakikipag-usap ng  sarilinan si Ginoong Ibarra!”

           

“Ipahintulot po sa amin ng inyong kamahalan na ipaalam sa inyo,” ang sabing mapakumbaba ni Padre Salvi, “na si Ginoong Ibarra ay eskomulgado[8]

           

Pinigil siya ng Heneral na ang sabi ay: “Ikinalulugod kong walang ibang dapat na ipagdamdam kundi ang kalagayan lamang ni Padre Damaso, na nais kong tunay na gumaling nang lubusan, sapagka’t ang isang paglalakbay sa Espanya sa kanyang gulang dahil sa isang sakit ay hindi masarap.[9] Subalit ito ay kung gusto niya… at samantala ay ingatan po kayo ng Diyos!”

           

Ang isa’t isa ay nag-alisan. “At sadyang talaga kung gusto niya!” ang bulong ni Padre Salvi nang makalabas na. Tingnan natin kung sino ang unang maglalakbay!:[10] ang dugtong ng isang Pransiskano.

           

Aalis ako ngayon din!” ang sabing masama ang loob ni Padre Sibyla. “At kami’y uuwi na sa aming lalawigan,” ang sabi ng mga Agustino.[11] Hindi matiis ng isa’t isa, na dahil sa kasalanan ng isang Pransiskano ay tinanggap sila nang malamig ng Heneral.

           

Bago pumasok sa kabahayan ay nakatagpo nila si Ibarra, ang may mga ilang oras lamang ang nakaraan ay nagpakain sa kanila.  Hindi nagbatian at nagtapunan ng tingin na may maraming sinasabi.[12] Ngunit ang alkalde ay kaiba, nang wala na ang mga prayle ay binati si Ibarra at masuyong kinamayan ito[13], subalit ang pagdating ng ayudante na hinahanap ang binata ay hindi nagbigay-panahon upang makapag-usap silang dalawa. Sa pinto ay nasalubong si Maria Clara:  ang mga tingin nilang dalawa ay nagpahayag din ng maraming bagay, na labis na kakaiba sa ipinahayag ng mga mata ng mga prayle kanina.

           

 



[1] Mababakas ang pagiging mapagparaya ng Kapitan Heneral at kahandaan na duminig ng reklamo ng karaniwang tao. Malaking kaibahan sa karanasan ni Rizal noong nag-aaral pa sa UST,  minsang ay pinalo siya ng espada sa likod ng isang opisyal hukbong Espanyol at ito ay kaniyang isinumbong sa GH ngunit si Rizal ay hindi pinakiharapan nito.

[2] Mahahalata na may taglay na pagka-asar ang KH kay Pray  Damaso - ang katunayan ay kaniyang pinakinggan ang sumbong ng estudyante na nakabuntalan ng huli.

[3] Mapapansin na pinaghintay pa ang mga prayle at inunang kausapin pa ang estudyanteng nagsusumbong laban kay Pray  Damaso. Ang paghintayin ang mga prayle sa panahong ng mga Espanyol ay isang malaking insulto sa mga kaparian – paghintayin ang mga kahalili ni Jesucristo sa lupa at unahin pa ang isang estudyante.

[4] Nararamdaman ni Padre Sybila ang pagkakainsulto sa kanila ng sila ay pag-hintayin.

[5] Parunggit sa mga prayle – mas mabuti pa na wala sila sa pamahalaang kolonyal.

[6] Binabanggit ng KH ay ang kaniyang isusulat na memorias – isang kabuuang ulat na isusumite sa pamahalaan ng Espanya na naglalaman ng mga kaganapan sa panahon ng kaniyang panunungkulan sa Pilipinas.

[7] Ang KH ay isang liberal at repormista na nagbabalak na magpakita ng bagong mukha ng kolonyal na pamahalaan sa harapan ng mga mamamayan ng Pilipinas.

[8] Isang pagpapa-alala ni Padre Salvi na si Ibarra ay hindi dapat na kausapin ng KH. Mapupuna dito na ang paalala ni Padre Salvi ay mayroong bahid ng pansariling takot - ito ay baka mabanggit ang ukol kay Sisa at sa mga anak nito. Totoo na ang mga prayle noon ay labis na tiwala sa panahon na ang KH sa Pilipinas ay kanilang tau-tauhan. Sa kabilang dako, sa kasong ito, ang GH ay liberal at kritikal sa mga prayle. Ipinapakita ni Rizal sa mga makakabasang KH noon na ang kailangan lamang nila ay ang political will. Naging kalakaran ng mga taong simbahan na ang kung ang isang pinuno ng bansa ay hindi nila makokontrol ay sisiraan nila sa pupito, ilalarawang demonyo sa harapan ng mga panatikong Katoliko, at pailalim na alisin sa kapangyarihan. Kapag ang pinuno naman ng bansa ay kanilang kabig, kahit na anumang mga katiwalian at kalaswaan ang gawin at pagsasamantala sa bayan ay hindi sila kumikibo.

[9] Magalang na pag-papaunawa ng pagnanais ng KH na si Padre Damaso ay pauuwiin sa Espanya.

[10] Mapapansin natin sa mapagmalaking salita na ito ng isang paring Pransiskano ang kakayahan ng mga korporasyon ng mga prayle na magpa-alis ng isang punong ehekutibo na hindi nila gusto. Ginagawan nila ng masamang usap (rumor) at di paborableng ulat sa kanilang tanggapan sa Madrid.

[11] Ang pagmamataas at katigasan ng ulo ng mga prayle ay dinadaan pag-boycott sa pinakamataas na pinuno ng pamahalaang kolonyal.

[12] Dahilan sa eskumulgasyon ay kinalilimutan ng mga prayle na mayroon silang utang na loob kay Ibarra. Pagkatapos na pakainin, titingnan pa ng tingin na may mga kahulugan, kung hindi man pabulong na sumpa laban sa binata.

[13] Makikita sa ikinilos na ito ng alcalde na siya man ay may lihim na pagka-asar sa mga prayle – ito ay dahilan sa ang mga pinunong sibil kahit na hindi niya masabi ay naiinis sa mga prayle na naghahari-harian sa  lalawigan.