KABANATA 38                ANG PRUSISYON

 

 

            

Kinagabihan, ang lahat ng parol sa mga bintana ay may ilaw na, isinasagawa na ang ikaapat na paglabas ng prusisyon na sabay sa tugtog ng mga kampana at ng mga paputok.  Ang Kapitan Heneral, na naglalakad na kasama ng kanyang mga ayudante, ni Kapitan Tiyago, ng alkalde, ng alperes at ni Ibara, na pinangungunahan ng guwardiya sibil at mga maykapangyarihan sa bayan na nagpapalayo sa mga tao upang magbukas ng madaraanan, ay naanyayahang panoorin ang pagdaraan ng prusisyon sa bahay ng kapitan sa bayan na nagpatayo sa harapan ng kanyang bahay ng kubol upang doon ibigkas ang isang loa sa karangalan ng Santong patron.[1]

           

Malugod sanang iniwan ni Ibarra ang pakikinig ng loante at higit sana niyang ninais pa ang panoorin na lamang ang prusisyon sa bahay ni Kapitan Tiyago, sapagkat naiwan doon si Maria Clara, na kasama ang mga kaibigang dalaga, ngunit inibig ng Heneral na mapakinggan ang papuri, kaya wala siyang nagawa kundi ang masiyahan sa pag-asang makikita ang binibini sa dulaan.

          

Nangunguna sa prusisyon ang kandelabrang pilak na dala ng tatlong sakristang may guwantes ang mga kamay; sumusunod ang mga batang mag-aaral, na kasama ang guro; pagkatapos ay ang mga batang may dalang parol na yari sa papel, na iba-iba ang ayos at kulay, na nakalagay sa dulo ng mga kawayang di-magkatulad ang sukat at napapalamutian nang alinsunod sa kagustuhan ng bata, ang mga ilaw na ito ay gugol ng kabataan ng mga nayon.[2]  Malugod silang sumusunod sa gawaing, na iniuutos ng matanda sa nayon;[3] bawat isa ay siyang nagpalano at gumagawa ng sarili nilang parol, nilalagyan ng mga sabit na palamuti at banderitas, alinsunod sa kanyang nais na disenyo at sa laman ng bulsa, at ang loob ay iniilawan ng isang mauubos nang kandila, kung may isang kaibigan o kamag-anak na sakristan, o kaya ay bumibili ng mga kandilang pula na kagamitan ng mga Insik sa kanilang mga altar.

          

Sa gitna ay dumadating at umaalis ang mga alguwasil at ang mga pinuno ng bayan, upang maingatan, na ang prusisyon ay hindi maputol, ni maipon ang mga tao sa iisang lugar lamang, at upang masunod ito ay ginagamit ang kanilang mga varas, na, ang palo na ibinibigay nang may sapat na lakas at sa kailangang sandali ay nakapagdadgdag sa kaluwalhatian at karingalan ng prusisyon upang ikahusay ng mga kaluluwa at ikaningning ng mga pagdiriwang ukol sa pananampalataya.[4] Sabay sa mga alguwasil na nagbibigay nang libreng pamamalo na nakapagbibigay-kabanalan, ang iba naman, upang maaliw o maalis ang sama ng loob ng mga napapalo, ay ang mga taong namimigay ng mga kandilang iba’t iba ang laki, na wala rin namang bayad.

           

“Ginoong Alkalde,” ang sabing marahan ni Ibarra, “ang mga pagpalo bang iyan ay bilang kaparusahan sa kasalanan, o dahil sa ibig na lamang ang mamalo?”[5]

           

“May katwiran kayo, Ginoong Ibarra,” ang sagot ng Kapitan Heneral na nakarinig sa pagtatanong, “ang ipinamamalas na iyang… ugaling-hayop ay makapagpapanibago sa mga nanggagaling sa ibang lupain.  Kailangang ipagbawal.”[6]

           

Ang unang santong lumitaw, nang hindi malaman kung bakit, ay si San Juan Bautista.  Pagkamalas sa kanya ay masasabing ang kabantugan ng pinsan ng ating Panginoong Jesucristo ay hindi mabuti ang kalagayan sa tao; tunay nga at siya ay may mga paa at hitang dalaga at mukhang anacoreta[7], ngunit nakalagay sa isang lumang andas na kahoy at nadidiliman siya ng ilang bata na may mga dalang parol na papel na walang ilaw, na di-nagpapahalatang nag-aaway-away.

           

“Sawing kapalaran!” ang bulong ng pilosopong si Tasyo na nasa daan at nanonood ng prusisyon, “walang halaga ang iyong pagiging unang tagapagbalita ng mabubuting Bagong Aral, ni ang pagkakayuko ni Jesus sa iyong harapan!  Walang halaga ang malaki mong pananalig, maging ang iyong mga pagtitipid, maging ang iyong pagkamatay nang dahil sa katotohanan at iyong mga paniniwala:  ang lahat ng iyan ay nililimot ng mga tao kapag walang taglay kundi ang pagiging makasarili!  Mabuti pa ang bumigkas ng masasamang sermon sa mga simbahan kaysa maging matatag na tinig na nangangaral sa ilang, ito ang itinuturo sa iyo ng PilipinasKung pabo sana ang iyong kinain at hindi balang, gumamit ng kasuotang sutla at hindi balat ng hayop, kung sumapi ka sa isang Corporacion…”[8] Subalit pinigil ng matanda ang kanyang sariling pasaway sapagkat dumarating ang rebulto ni San Francisco.

           

“Ano ang sabi ko?” ang patuloy na tumatawang pakutya, “ito ay nasa karo at… anong karo, Diyos ko!  Anong daming ilaw at anong daming parol na kristal!  Kailanman ay hindi kita nakitang napalibutan ng ganyan karaming ilaw, Giovani Bernardone (tunay na pangalan ni San Francisco)!  At anong musika!  Ibang mga tugtugin ang ipinadinig ng iyong mga anak pagkatapos mong mamatay!  Ngunit kagalang-galang at mapakumbabang nagtatag, kung muli kang mabubuhay ngayon ay wala kang makikita kundi mga Elias de Crotona[9] na naging mahalay sa pamumuhay, at kung makilala ka ng iyong mga anak ay ikukulong ka, at marahil ay magaya ka sa nangyari kay Cesario de Speyer!”

 



[1] Ang loa ay isang patulang papuri na binibigkas para sa karangalan ng mga santong patron.

[2] Mamamalas ang pang-sibikong damdamin ng mga bata sa Pilipinas – dahilan sa sarili nilang gastos at abala ng kanilang pakikibahagi sa prusisyon ng bayan.

[3] Isang taong iginagalang sa sa nayon. Maaring hindi siya ang cabesa de barangay ngunit ang kaniyang inpluwensiya ay napakalakas sa buhay at desisyon ng mga taga nayon. Maging sa pag-aaral ng tulisanismo bago sumapit ang kalagitnaan ng ika-18 siglo, mayroong mga matatanda sa nayon na napasama sa kilusang armado, laban sa pamahalaang kolonyal. Batis: Glorias Nacionale: Los Sucesos de 1872 sinulat ni Manuel Artigas y Cuerva na isinalin sa ingles ni Onofre D. Corpuz.

[4] Gumagamit ng pamalo sa mga tao para maging maayos ang prusisyon at patingkarin ang pagdiriwang na pangkabanalan.  Ang pamamalo sa mga nagkakagulong tao sa pamamagitan ng pamalong yantok ay bahagi noon ng pamamaraan ng pagpapatahimik ng tao sa maramihang pagkakatipon. Sa kasalukuyan ang ganitong eksena ng pamamalo sa maraming tao na nagkakatipon ay nakikita sa tinatawag na crowd control and dispersal sa mga demonstrasyon.

[5] Parang isang katanungan ni Rizal sa sistema ng pamamalo sa crowd control and dispersal – dapat bang saktan ang mga demonstrador na nagpaparating ng kanilang mga karaingan sa pamahalaan.

Maari ding maging tanong sa sistemang torture  – sa isang lipunan na walang paggalang sa karapatang pantao, ang pananakit ay isinasagawa sa isang nahuling pinaghihinalaan. Dahilan sa mayroong hukuman na lilitis ng pagkakaroon o kawalan ng kasalanan, ang ginawang pananakit ay nagiging isang anyo ng paunang kaparusahan sa mapapatunayang may kasalanan, at walang katwirang pagpapahirap sa mapapatunayang walang kasalanan.

[6] Hindi kaayon ang  KH ng pananakit. Maninibago ang mga taong mula sa ibang bansa na makakikita nito– isang paraan ng pagpapakita ni Rizal sa mga GH sa kaniyang kapanahunan ng pangangailangan na gumalang sa karapatan ng tao. Sa ating kasalukuyang kasaysayan ay makikita ang isang kabalintunaan – ang mga pamahalaan na naluklok sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos ng sambayanan (tinatawag na People’s Power) ay iyon ding mga pamahalaan na hindi nag-aatubili na ipagbawal at gumamit ng mga mararahas at madugong pamamaraan sa mga taong kolektibong kumikilos para maiparating ang kanilang lehitimong karaingan sa pamahalaan na minsan nilang sinuportahan.

[7] Katawagan sa mga sinaunang ermitanyong Kristiyano na naninirahan sa liblib na pook at nabubuhay sa pananalangin at pagpepenitensiya, sa kanila  nagsimula ang unang kilusang ng monastisismo ng simbahan.

[8] Nagpapakita ng panghihinayang si Pilosopo. Tasyo sa pangangaral, paghihirap  at kamatayan ni San Juan Bautista. Isang mapanudyong panukala ni P.Tasyo na sana si Juan Bautista ay sumapi na lamang sa religious order ng mga prayle upang hindi kumain ng balang (kinakain ni Juan Bautista) kundi matataba at masarap na pabo, nakapagsuot ng abitong sutla at hindi kasuotang gawa sa balat ng hayop,  at sana ay hindi pinatay – isang matalim na anyo ng panlilibak ni Rizal sa pagpapayaman ng mga prayle, samantalang naghirap ng labis ang mga sinaunang tagapagtatag ng Kristiyanismo.

[9] Si Elias de Crotona ay isa sa mga sinaunang prayle ng Orden Pransiskano at yumapos sa panata ng kahirapan – ang karamihan sa mga prayleng Pransiskano sa panahon ng mga Espanyol ay naging mahalay – nagpayaman. At maaring pati sa imoralidad. Tinawag ni Rizal ang mga Pransiskano sa kaniyang  kapanahunan na naging mahalay na Elias de Crotona.