KABANATA 39        SI DONYA CONSOLACION

 

          

 

Bakit nakasara ang mga bintana ng bahay ng alperes?  Saan naroroon, nang dumaraan ang prusisyon, ang mukhang lalake at nakasuot ng pranela - ang Medusa o Musa ng Guwardiya Sibil?  Nahalata kaya ni Donya Consolacion ang masamang ayos  ng kanyang noong nalalatagan ng malalaking ugat, na parang hindi ng dinadaan ng dugo kundi ng suka at apdo, ang malaking tabako na nagsisilbing hiyas ng kanyang labing kulay-talong at ang kanyang mainggiting paningin, at, sa pag-sunod kaya niya sa isang mabuting ng kalooban, ay pinili ang hindi iskandaluhin, sa pamamagitan ng kanyang kakila-kilabot na pagsipot, ang kasayahan ng mga tao? Ay!  Ang kabutihan ng kalooban ay lumipas na sa kanya, noon pang kapanahunang tinatawag na Siglo de Oro![1] Ang bahay ay malungkot sapagkat ang bayan ay nagsasaya, gaya  nang sabi ni Sinang; walang mga parol ni banderitas.  Kung hindi lamang mayroong  mga sundalong bantay sa harap ng pinto ay masasabing walang tao ang bahay.

           

Isang munting ilaw ang tumatanglaw sa walang kaayusang loob ng bahay at maaninag sa maruruming kapis na kinakapitan ng agiw at kinadikitan ng alikabok.  Ang señora, alinsunod sa kanyang ugali na laging walang ginagawa, ay nag-aantok sa isang mahabang upuan.  Ang kagayakan niya ay gaya ng sa araw-araw, samakatwid, masama at napakapangit; ang tanging pinakapalamuti ay isang panyong nakatali sa ulo na nilulusutan ng manipis at maiikling buhok na gusot; ang baro ay pranelang bughaw, na ang pang-ibabaw ay isa ring barong tila noong bago ay puti, at isang sayang kumupas na naglalarawan sa mga payat at tuyong hita na nagkakapatong at ikinukuyakoy nang madalas. Sa kanyang bibig ay sunud-sunod na lumalabas ang usok na payamot na ibinubuga sa dakong natitingnan kung ibinubukas ang mata.  Kung siya ay nakita nang mga sandaling iyon ni Don Francisco de Cañamaque[2] ay pinagkamalan marahil na ang babae ay isang mapaghari-harian sa bayan o mangkukulam, at hihiyasan pa marahil ang kanyang natuklas na ito ng mga opinyon sa wikang Kastilang-tindahan, na kanyang sariling likha, upang gamitin niyang mag-isa.

           

Nang umagang iyon ay hindi nagsimba ang señora, hindi sa dahilang ayaw niya, kundi, bagkus ibig pa nga niyang matanghal sa madla at makinig ng sermon; datapwat hindi pinayagan ng asawa, at gaya ng sa karaniwan, ang pagbabawal ay may kasamang dalawa o tatlong murahan, sumpa at babalang bibigyan ng ilang tadyakBatid ng alperes na ang kanyang asawa ay kakutya-kutya kung gumayak, mabilis na mahahalatang babae ng sundalo, at hindi nararapat na siya ay ilantad sa mata ng mga taga-pangulong bayan ni sa mga pistahan. Subalit ang pag-aakala ng babae ay hindi gayon.  Ang alam nito,  siya ay maganda, nakaaakit, may kilos reyna at magara pang gumayak kaysa kay Maria Clara:  ang dalaga  ay nagtatapis at siya ay hindi.  Kinailangan ng alperes na sabihin sa kanyang:  “Magtigil ka o pababalikin kita sa pamamagitan ng tadyak sa p… mong bayan!”  Si Donya Consolacion ay ayaw mabalik sa kanyang bayan sa tulong ng tadyak, nguni’t nag-isip ng paghihiganti.

           

Kailanman ay hindi nakapagbigay-tiwala sa kaninuman ang madilim na pagmumukha ng señora, kahit na kung nagkokolorete, ngunit nang umagang iyon ay nakakatakot na lubha, lalo na nang makita siyang palakad-lakad sa loob ng bahay na walang imik at parang nag-iisip nang kakila-kilabot at kalagim-lagim sa buong bahay:  ang kanyang paningin ay katulad ng sa mata ng serpiyente kung ito ay nahuhuli at papatayin:  malamig, maningning, matalas at may kadulingan, nakaririmarim, kasindak-sindak. Ang pinakamaliit na pagkakasala, ang pinamaliit na ingay ay makapagpapalabas sa kanyang mga bibig ng isang malaswa at mahalay na tungayaw na nakaririmarim; nguni’t walang sumasagot:  ang paghinging-tawad ng tawad sa kanya ay isa pa ring pagkakasala.

           

Sa gayong ayos nakaraan ang maghapon.  Sa dahilang walang nakahahadlang (ang asawa ay nasa piging) ay nag-iipon  sa kalooban ng pakamuhi; parang ang katawan niya ay napupuno ng koryente at nagbabantang bumuga ng isang bagyo ng pagkagalit.  Lahat ng nasa paligid niya ay yumuyuko na gaya ng mga uhay sa kauna-unahang hihip ng bagyo; walang makapipigil sa kanya, wala siyang matagpuang ungos o mataas-taas na sukat pagbuntunan ng kanyang pagkamuhi:  ang mga sundalo at mga alila ay nangag-sisipangayupapa sa kanyang tabi. Upang di-marinig ang kasayahan sa daan ay iniutos na isara ang mga bintana; ipinag-utos sa bantay na huwag magparaan ng kahit sino.  Nagtali ng isang panyo sa ulo na parang upang hindi ito sumabog at kahit may araw pa ay nagpalagay ng ilaw.

           

Gaya ng nakita natin, si Sisa ay dinakip dahil sa kasalanang panggugulo at dinala sa kuwartel.  Noon ay wala ang alperes at ang kahabag-habag na babae ay magdamag na nakaupo sa isang bangko at ang tingin ay pawalang-bahala.  Nang kinabukasan ay nakita siya ng alperes, at sa pangingilag na baka kung mapaano sa mga araw na iyon na lubhang magulo, at sa kaayawang mapanood ng madla ang isang bagay na di-ikasisiyang-loob, ay ipinag-utos sa mga sundalo na bantayan, tingnang mabuti at pakanin.  Sa gayong kalagayan dinaan ng dalawang araw ang baliw.

           

Nang gabing ito, dahil sa ang pagkakalapit ng bahay ni Kapitan Tiyago ay  nakapag-parating hanggang sa pook niyang kinalalagyan ang malungkot na awit ni Maria Clara, o kaya ay may ibang tugtog na nakapagpagunita sa kanya ng kanyang matatandang awit, o maging sa papaano mang sanhi ay umawit siya ng ilang kundimang inaawit noong kanyang kabataan, sa tulong ng isang malungkot at matamis na tinig.  Napapakinggan siya ng mga sundalo ngunit hindi nangagsisimik:  ay! ang mga awit na iyon ay nakagigising ng mga alaalang lumipas, ang mga alaala noong hindi pa sila sumasama.[3]

           

Sa gitna ng pagkainip ay nadinig ni Donya Consolacion si Sisa at nabatid kung sino ang umaawit. “Paakyatin ngayon din!” ang utos, makaraan ang ilang sandaling ipinag-isip.  Isang tulad sa ngiti ang nababakassa kanyang mga yayat na labi.  Iniakyat si Sisa, na humarap nang walang pangingilag, pagtataka at  takot:  parang wala siyang nakikitang sinumang señora.  Ang bagay na ito ay nakasugat sa kapalaluan ng Musa na nag-aakalang karapat-dapat na igalang at katakutan. Ang alperesa ay umubo, hinudyatang umalis ang mga sundalo, at matapos makuha sa pagkakasabit ang latigo ng kanyang asawa ay nagsabing, ang tinig ay kakila-kilabot, sa baliw, na:  “Vamos, magkantar ikaw!” Gaya ng nararapat mangyari’y hindi naunawa ni Sisa ang kanyang sinabi, at ang di-pagkabatid na iyon ay nakapagpatindi sa kanyang kagalitan.

           

Isa sa magagandang ugali ng babaeng ito ay ang pagkukunwaring hindi nakakaalam ng wikang Tagalog o kung di man gayon ay  nagpapakunwaring hindi siya marunong ng wikang tinuran sa pamamagitan ng di-wastong pagsasalita:  sa gayon ay nagmamalaki siyang wari’y tunay na Europea, gaya ng lagi niyang sinasabi.  At mabuti nga ang kanyang ginawa sapagkat kung pinarurusahan man niya ang wikang Tagalog, ang wikang Kastila ay lalo pa mandin, hindi lamang dahil sa hindi-alinsunod sa gramatika, kundi sa pagbigkas man.[4]  At gayong ang asawa, ang mga silya at sapatos ay nagdulot ng lahat ng tulong na magagawa upang siya’y maturuan![5]

 

Isa sa mga salitang pinagkahirapan niya nang higit kaysa pagkakahirap sa mga geroglifico ni Champillion[6] ay ang salitang Filipinas. Nabalitang kinabukasan ng kanyang kasal, nang nakikipag-usap sa kanyang asawa, na noon ay kabo lamang, ay binigkas niya ang Pilipinas; inakala ng kabo[7] na nararapat siyang turuan, kayat sabay sa isang kutos ay sinabi sa kanyang“Sabihin mong Felipenas, huwag kang hayopHindi mo ba batid na gayon ang pangalan ng p… mong bayan dahil sa galing sa salitang Felipe?” 

 

Ang babae naman, na nangangarap pa sa pulot at gata niyang pamumuhay ay sumunod at sinabing Felepinas.  Inakala ng kabo na nalalapit-lapit na, dinagdagan pa ang mga kutos at binulyawan siya ng:  “Ngunit tao ka!  Hindi mo ba masabing FelipeHuwag mong limutin, alamin mong ang Haring Don Felipe… quinto[8]…sabihin mo ang Felipe at dagdagan mo ng nas na sa wikang Latin ay kapuluan ng mga Indio ang kahulugan, at iyan ang pangalan ng iyong kap…- p… hang bayan!”

           

Si Consolacion na manlalaba lamang nang kapanahunang iyon, matapos na madama ang pasa o ang mga pasa/bruises, ay nagsalitang mamuhi-muhi: “Fe…lipe, Felipe…nas, Felipenas; ganoon ba?”

           

Ang kabo ay napatunganga.  Bakit lumabas na Felipenas at hindi Felipinas?  Alin sa dalawa:  dapat sabihing Felipenas o nararapat sabihing Felipi?

           

Nang araw na iyon ay inakala niyang mabuti ang huwag kumibo, nilisan ang kanyang asawa at masusing sumangguni sa mga aklat na nakalimbag.  Dito siya napahanga nang lubha; pinahid ang kanyang mga mata:  “Tingnan… dahan-dahan… Filipinas ang nasasabi sa mga limbag kung iisa-isahin ang pagbasa ng mga titik:  siya at ang kanyang asawa ay kapwa wala sa katwiran. “Bakit?” ang bulong niya, “makapagbubulaan baga ang Kasaysayan?  Hindi ba sinasabi ng aklat na ito, na ito ang pangalang inilagay ni Alonso Saavedra sa lupaing ito, alang-alang sa prinsipeng si Don FelipePapaano at nabago ang pangalang ito?  Baka kaya isang Indio ang Alonso Saavedrang iyon…?”[9]



[1] Siglo de Oro – katawagan sa bahagi ng kasaysayan ng Espanya noong ika-16 na siglo, nang ang kaharian ay nasa rurok ng kaniyang kapangyarihan sa daigdig at ang lawak ng mga nasasakupang kolonya ay hindi nilulubugan ng araw. Nagtapos ang siglo de oro sa pagsisimula ng pagpanhik ng Inglatera bilang bagong pandaigdig na kapangyarihan. Sa paggamit ni Rizal ng pananalitang ito ay masasabing hindi pa ipinanganak si Donya Consolacion ay likas na walang katutubong kabutihan ang nasabing babae.

[2] Si Don Francisco de Cañamaque ay isang opisyal na Espanyol at sumulat ng ilang katha ukol sa Pilipinas. Isa sa na dito ay ang Recuerdos de Filipinas na nailathala sa Madrid noong 1877 at 1880. Ang kaniyang mga katha ay ukol sa paglalarawan na kaniyang nasaksihan sa mga naninirahang Espanyol sa Pilipinas. Ang paraan ng kaniyang paglalarawan sa mga ito ay mababaw at nakapagbigay ng katatawanan sa nangangasiwa ng pamahalaan at mga taong simbahan. Ang kaniyang mga katha ay opisyal na ipinagbawal sa Pilipinas, sa panahon ng mga Espanyol.

[3] Ang mga guwardiya sibil ay dating mga mabubuti, ngunit ang kanilang malaking kapangyarihan na hindi malabanan ng mga karaniwang mamamayan ay nagbigay daan sa kanila para magmalabis.

[4] Makikita ang lupit ni Dna. Consolacion – pati ang wikang Espanyol ay pinarusahan sa pamamagitan ng pagsasalita nito sa pamamagitan ng mali-maling gramatika at pagbigkas.

[5] Tinuturuan ng alperes si Dna. Consolacion sa pamamagitan ng paghamblos ng silya at tadyak. Ito rin ang dahilan kaya mas maraming nalalamang pagmumura ang nasabing  babae.

[6] Champillon- (Champollion) – isang Pranses na kasama ng hukbo ni Napoleon sa Ehipto na nakatuklas ng Rosetta Stone na naging susi upang maunawaan ng mga iskolar ang sulating geroglipiko ng Ehipto.

[7] Ito ay noong bagong kasal pa lamang ang alperes at ang ranggo ay kabo (coporal).

[8] Dito ay pinalabas ni Rizal na maging ang alperes na nagtuturo sa kaniyang asawa ay mangmang din maging sa kasaysayan ng kaniyang sariling bansa. Sinabi ng alperes na Felipe V ang pinagkunan ng pangalan ng bayan samantalang ang katotohanan ay Felipe II.

[9] Mapapansin na maging ang aklat na sinangguni ng alperes ay mali din – dahil ang ekspedisyon ni Villalobos ang nagbigay ng pangalang Filipinas sa ating kapuluaan at hindi ang kay ni Saavedra.