KABANATA 40                ANG KATWIRAN AT ANG LAKAS

 

 

Sa ika-sampu ng gabi, ang mga panghuling kuwitis ay marahan ng pumapaitaas sa madilim na langit at nagkikislapan doon, parang mga bagong bituin ang ilang lobong papel na pinataas sa tulong ng mainit na usok.[1]  Ang ilang may mga palamuting luces ay nag-aalab at nagbabanta na maaring makasunog sa lahat ng bahay; kaya may pangkat ng mga tao na may hawak na mahahabang kawayang may basahan sa dulo at may mga timba ng tubig.[2]  Ang liwanag ng paputok at luces ay namumukod sa manipis na ulap at sila ay tila mga multo na galing sa kaitaasan upang panoorin ang kasayahan ng mga tao.  Maraming mga paputok sa iba’t ibang hugis ang sinisindihan tulad ng rueda, mga kastilyo, mga toro o kalabaw na may apoy at isang malaking luces sa anyong bulkan na ang liwanag na dumaig sa ganda at kalakihan sa lahat nang nakita ng mga nmamamayan ng San Diego.[3]

           

Ngayo ay patungo ang lahat ng tao sa liwasan ng bayan upang panoorin ang huling pagtatanghal ng dula.  Sa lahat ng pook ay may mga sinisindahang luces de Bengala na tumatanglaw sa masasayang pulu-pulutong; ang mga bata ay may dalang sulo upang hanapin sa mga damuhan ang bombang hindi pumutok at iba pang labi na maari pa nilang magamit,[4] ngunit ang musiko ay tumugtog ng bilang pasimula ng pagtatanghal at iniwan ng lahat ang kabukiran.

            Ang malaking entablado ay maliwanag na maliwanag; libu-libong ilaw ang nangakalagay sa paligid, nakabitin  sa bubong at nakakalat na pulu-pulutong sa lapag.  Isang alguwasil ang nagbabantay sa kanila at kung lumalabas upang sila ay ayusin ay piniputuhan at sinisigawan ng mga tao ng:  ‘Hayan na, nariyan na!’

            Sa harap ng entablado ay naroon ang orkestra at iniaayos ang tunog ng kanilang mga instrumento, nagpapadinig ng ilang tugtugin; sa likod ng orkestra nalalagay ang pook na sinabi ng kabalitaan sa kanyang sulat.  Ang mga maykapangyarihan sa bayan, ang mga Kastila at mga mayayamang nakipamista ay nakaupo sa nakaayos na silya.  Ang bayan, ang mga taong walang mga katangian at walang katawagang kagalang-galang ay nakalagay sa ibang panig ng liwasan; ang ilan ay may dalang bangko hindi upang gawing upuan, kundi upang maging remedyo sa kanilang kakulangan sa tangkadang bagay na ito ay nagiging sanhi ng maiingay na tutol ng mga walang bangko, ang mga unang tinuran ay bumababa naman agad, ngunit di magtatagal nangag-aakyatang muli sa bangko na parang walang anumang nangyari.[5]

           

Paroon, parito, sigawan, mga bulalas na paghanga, halakhakan, isang buscapies na nasindihan, isang reventador, ay napapadagdag sa kaingayan.  Sa dako rito’y nasisiraan ng isang paa ang bangko at ang mga nakatuntong at nagbagsakan sa lupa, sa gitna ng tawanan ng karamihan, ang mga nangahulog na iyon ay ang ilan kataong nanggaling sa malayo upang manood, at sila ngayon ang pinanonood; sa dako roon nangagkakagalit at nagtatalo dahil sa kinatatayuang pook; sa daku-dako roon ay may nadinig na tunog ng mga kopa at botelyang nabasag:  ang dahilan noon ay si Andeng na may dalang alak at mga pamatid-uhaw, hawak ng dalawa niyang kamay ang bandeha, subalit nakasalubong ang kanyang nobyo at sinamantala  ang pagkakataon sa kalagayang  iyon ng dalaga.[6]

           

Ang nangangasiwa sa palabas ay ang tiniente-mayor na si Ginoong Filipo, sa dahilang ang kapitan sa bayan ay mahiligin sa monte;[7] si Ginoong Filipo ay nakikipag-usap kay Matandang Tasyo: “Ano ang gagawin ko?” anya “hindi tinanggap ng alkalde ang aking pagbibitiw sa tungkulin; ‘inaakala ba ninyong wala kayong lakas upang magampanan ang  inyong mga katungkulan?’ ang tanong sa akin.”

           

“At ano ang isinagot ninyo?”

           

“Ginoong Alkalde,” ang sagot ko, “ang lakas ng isang tiniente-mayor, kahit na walang kakabu-kabuluhan, ay katulad din ng sa kahit sinong maykapangyarihan:  ito ay nanggagaling sa nasa itaas.  Ang haring hari na ay tumatanggap ng lakas sa bayan, at ang bayan naman ay sa Diyos.[8]  Ang bagay pa namang ito ang wala sa akin, Ginoong Alkalde!  Subalit ayaw makinig sa akin ng alkalde at sinabi sa aking saka na namin pag-usapan ang bagay na ito, matapos ang pista.”

 

“Kung gayo’y tulungan nawa kayo ng Diyos!” ang sabi ng matanda at tumangkang umalis.

           

“Ayaw ba ninyong panoorin ang palabas?”

           

“Salamat! Upang mangarap at gumawa ng kaululan ay sapat na ako sa aking sarili,” ang sagot ng pilosopo na ang tawa ay pakutya,[9] “nguni’t maalaala ko pala, hindi ba ninyo napupuna ang ugali ng ating bayan?  Mapayapa ngunit mahilig sa mga panoorin tungkol sa digmaan, sa mga madugong labanan; nangagarap ng pagkakapantay-pantay at humahanga sa mga emperador, mga hari at mga prinsipe; walang pananampalataya at naghihirap para sa pagdaraos ng maringal na pistang-pansimbahan; ang ating mga kababaihan ay may matamis na ugali at tuwang-tuwa kapag may isang prinsesa na nagpapaikot ng sibat… batid baga ninyo kung saan nagbubuhat ito?  Sa…”[10]



[1] Ang tinutukoy ay ang mga maliliit na hot-air balloon na gawa sa papel na ang panggatong ay nasa ilalim ng isang latang batya na idinisenyo ayon sa laki ng lobo. Pinakakawalan ng sabay-sabay ang mga  mainit na lobong ito sa gabi ng kapistahan at mula sa malayo ay natatanaw ng mga tao na parang mga bituin. Ang huli kong nakitang may ganitong uri ng pailaw ay nasaksihan ko ng mapadaan ako noong 1980’s sa bayan ng Tanza, Cavite – ngunit ang pailaw na ito ay pinipigilan na ngayon dahilan sa ang himpapawid ng nasabing bayan ay nasa daanan ng eroplano.

[2] Sa panahon ni Rizal ay organisado na ang mga brigada ng pamatay sunog sa mga bayan-bayan.

[3] Ang mga Pilipino ay may labis na pagkahumaling sa paputok bilang bahagi ng kasayahan.

[4] Ang pamumulot ng mga batang Pilipino sa mga hindi pumutok na rebentador at mga natirang pulbura ay matanda ng kaugalian sa ating bayan. Sa ganitong mga pamumulot maraming mga bata ang nadidisgrasya.

[5] Hindi pinatawad ni Rizal pati ang pag-tayo sa bangko ng mga manonood, lalo na sa lugar na malayo sa entablado. Isang kaugalian na makikita pa rin ngayon sa mga programa sa paaralan.

[6] Sa pagkakataong ito ay hindi na pinatawad ni Rizal si Andeng - Inilarawan ni Rizal ang ang kapilyuhan ng nobyo ni Andeng. Isipin na lamang ninyo na ang dalawang kamay ni Andeng ay may hawak na tray at nakasalubong nobyo at imbis na kumuha ng mga kopita ay iba ang dinampot. Pakiramdaman dito ang higit na kapilyuhang nais na ipakita ni Rizal sa kaniyang mga mambabasa.

[7] Iniwan ng kapitan ng bayan ang isang tungkulin para maiparaos ang kaniyang bisyo.

[8] Itinuturo dito ni Rizal na ang kapangyarihan ng hari ay galing sa taong bayan – at ang kapangyarihan ng bayan ay sa mula sa Diyos. Isang pagtutol ni Rizal sa despotismo na naniniwala sa absolute na kapangyarihan ng hari dahilan sa ito ay galing sa Diyos. Kung sa ating panahon, ang lakas ng pinakamataas na pinuno ng bansa ay galing sa mga mamamayan at hindi sa mga dayuhan, sa mga tagalabas na mamumuhunan, at hindi rin sa mga usurerong bangko na bumabangkarote ng ating kabang yaman.

[9] Bakit tumatawa ng pakutya si Pilosopo Tasyo?  - sabihin ba naman niyang “Upang mangarap at gumawa ng kaululan ay sapat na ako sa aking sarili – hindi siya katulad ni Padre Salvi, na nagtago pa sa mga puno para panoorin si Maria Clara  upang makagawa ng kaululan.

[10] Ipinpakita ang kontradiksiyon ng mga ugaling Pilipino. Ang tanong na iniwan ni Pilosopo Tasyo ay walang kasagutan. Nais ni Rizal na ang kaniyang mga mambabasa ang gumawa ng kasagutan.