KABANATA 42        ANG MAG-ASAWANG DE ESPADAÑA

 

 

Nakalipas na ang kapistahan; at muli na namang nakita ng mga taong-bayan, na kagaya rin ng ibang nakalipas na mga taon, lalong naging higit na salat ang kanilang mga kabang- yaman, nagpagod sila, nagpatulo ng pawis at nagpuyat nang hindi naman tunay na nagsaya, hindi-nagkaroon ng mga bagong kaibigan; sa isang salita, binayaran nila ng mahal an kanilang kaguluhan at mga sakit ng ulo.  Subalit walang kailangan; sa taong darating ay gayon din ang gagawin, gayon din sa isang daang taong susunod, sapagkat ito ang kinaugalian.[1]

           

Sa bahay ni Kapitan Tiyago ay naghahari ang kalungkutan:  nakasara ang lahat ng bintana, bahagya nang marinig ang lakad ng mga tao sa sahig, at sa kusina lamang maaring mag-usap nang malakas.  Ang kaluluwa ng pamamahay, si Maria Clara, ay nakahiga; sa kanyang kalagayan ay nababakas sa mukha ng lahat, na gaya ng pagkakabakas ng mga damdaming taglay sa mukha ng isang tao.

           

“Ano sa akala mo, Isabel:  maglimos kaya ako sa krus sa Tunasan o sa Matahong?” ang tanong na marahan nang naghihinagpis na ama.  “Ang krus sa Tunasan ay lumalaki, ngunit ang sa Matahong ay nagpapawis:  alin ang inaakala mong lalong milagroso?”[2]

           

Si Tia Isabel ay nag-isip, iginalaw ang ulo at bumulong: “Lumalaki… ang paglaki ay nakakahiti kaysa sa pagpapawis:  lahat tayo ay pinapawisan ngunit hindi lahat tayo ay lumalaki.”

           

Tunay nga, Isabel, ngunit tingnan mo ang pagpapawis… pagpawisan ang isang kahoy na ginagawa sanang paa ng bangko ay hindi mumunting kababalaghan[3] Ang lalong mabuti kaya ay kapwa natin limusan ang dalawang krus, sa gayon ay hindi magselos ang isa’t isa at mapapadali ang paggaling ni Maria Clara… Ayos ba ang silid?  Batid mo nang kasama nina doktor ang isang ginoong tila kamag-anak ni Padre Damaso; dapat na walang magkulang na anuman.”

           

Sa kabilang dulo ng kainan ay naroroon ang magpinsang si Sinang at si Victoria, na naroon upang samahan ang maysakit.  Tinutulungan sila ni Andeng sa paglilinis ng mga kasangkapang pilak na kagamitan sa pag-inom ng tsa.

           

“Kilala ba ninyo si Doktor Espadaña?” ang masusing tanong kay Victoria ng kapatid sa suso ni Maria Clara. “Hindi!” ang sagot ng tinanong, “ang tanging alam ko tungkol sa kanya ay mahal kung sumingil,[4] ayon sa sabi ni Kapitan Tiyago.”

           

“Kung gayon ay dapat maging mabuti!” ang sabi ni Andeng, “ang nag-opera sa tiyan ni Aling Maria ay mahal kung sumingil, kaya marunong.”

           

“Hangal,” ang bulalas ni Sinang, “hindi ang lahat ng mahal kung sumingil ay marunong.  Tingnan mo si Doktor Guevara; matapos na hindi makapag-paanak na mabuti, at pinutol pa ang ulo ng bata, ay siningil nang limampung piso ang balo…ang nalalaman ay ang sumingil nang mahal.”[5]

           

“Ano ang malay mo?” ang tanong ng pinsan, na marahang sumiko sa kanya.

           

“Hindi ko malalaman?  Ang asawa, na naglalagare ng kahoy, matapos na mawalan ng asawa ay nawalan pa ng bahay, dahil pinilit siyang magbayad ng alkalde, na kaibigan ng manggagamot… hindi ko malalaman?  Si Tatay pa ang nagpautang sa kanya ng kuwalta upang makaparoon sa Sta. Cruz. [6]           

 

Isang sasakyang huminto sa tapat ng bahay ang pumutol sa mga usapan. Patakbong pumanaog ng hagdanan si Kapitan Tiyago, kasunod si Tia Isabel upang salubungin ang mga bagong dating.  Ang mga dumating na ito ay sina Doktor Don Tiburcio de Espadaña, ang asawa na si Doktora Victorina delos Reyes de de Espadaña, at isang binatang Kastila na may mainam na tindig at pagmumukhang may mainam na anyo.  Ang suot ng babae ay isang sutlang balabal na may mga bulaklak at sumbrerong may isang malaking anyo ng loro na halos pitpit sa mga sintas/lace na pula at bughaw; tila nakadagdag sa mga kulubot ng kanyang mukha; ang alikabok sa daan na nahalo sa pulbos sa kanyang pisngi; gaya nang makita natin siya sa Maynila ay nakakapit din sa bisig niya ang kanyang pilay na asawa.[7]

           

“Ipinakikilala ko sa inyo ang aming pinsang si Don Alfonso Linares de Espadaña!” ang sinabi ni Donya Victorina, na itinuro ang binata, “sila ay inanak ng isang kamag-anak ni Padre Damaso; pribadong kalihim ng lahat ng ministro…”[8] Ang binata ay yumuko: si Kapitan Tiyago naman ay halos napahalik sa kamay ng binata.[9]   Samantalang iniaakyat ang maraming maleta at mga sacos de viaje/travelling bag, samantalang inihahatid sila ni Kapitan Tiyago sa kani-kanilang magiging silid, ay isalaysay natin ang ilang bagay tungkol sa mag-asawang ito na bahagya na nating nakilala sa mga unang kabanata.

           

Si Donya Victorina ay isang babaeng nagtataglay ng apatnapung limang Agosto, na katumbas ng tatlumpu’t dalawang Abril, ayon sa sarili niyang pagtaya sa pagbilang.[10]  Ayon sa lagi niyang sinasabi, siya’y naging maganda noong kanyang kabataan, nagkaroon ng mainam na pangangatawan, ngunit dahil sa mahilig sa pagmamalas sa sariling kagandahan ay hindi niya pinansin ang maraming Pilipinong nangibig sa kanya sapagka’t ang kanyang nais ay ang makatagpo ng ibang lahi.  Ayaw niyang ipagkaloob kaninuman ang kanyang maliit at maputing kamay, ngunit hindi dahil sa kakulangan sa pagtitiwala, sapagka’t madalas na nagkakaloob siya ng mga hiyas at mga pag-aaring mahahalaga sa ilang nagbabaka-sakaling taga-ibang lupa at tagarito[11].

           

Anim na buwan muna bago nangyari ang aming istorya sa kabanatang ito ay nakita niyang naging katotohanan ang kanyang pinakamagandang pangarap, ang pangarap niya sa kaniyang buong buhay, na siyang sanhi ng pagpapawalang-kabuluhan sa mga tamis ng kabataan at maging sa mga pangako sa pag-ibig ni Kapitan Tiyago, na ibinulong sa kanyang mga pandinig o inawit sa isang  harana.[12]  Natagalang lubos bago nangyari  ang pangarap; ngunit si Donya Victorina, na kahit na masamang mangastila, ay higit pa sa pagiging-Kastila kay Agustina de Zaragoza,[13] ay nakababatid nang salawikaing:  “mabuti na ang tumagal kaysa hindi mangyari,” at inaaliw niya ang sarili sa pagbanggit ng “walang lubos na kaligayahan sa lupa,” na isa sa kanyang mga salawikaing laging nasasabi-sabi sa sarili sapagkat ang mga salitang ito ay hindi lumalabas sa kanyang mga labi sa harap ng ibang tao.         

           

Si Donya Victorina na dumaan sa una, pangalawa, pangatlo, at pang-apat niyang kabataan, na hawak ang lambat upang mabingwit sa lawak ng mundo ang dahilan ng kanyang mga pagpupuyat, ay napilitang umayon sa ipinagkaloob sa kanya ng kapalaran.  Kung sa halip ng tatlumpu’t dalawang Abril ay naging tatlumpu’t isa lamang ang kanyang dalahin (bagay na sa kanyang aritmetika ay isang malaking agwat),[14] ay isinauli sana niya ang huli na ipinagkaloob ni Kapalaran, upang mag-antay ng ibang huli na lalong kapit sa kanyang hangad.  Ngunit sa dahilang nasa tao ang pagbabalak, ay nasa kagipitan naman ang pagpapasya,[15] siyang nangangailangang lubha ng isang asawa at napilitang masiyahan sa isang lalake na ibinuga ng Extremadura,[16] at matapos na makalaboy ng anim o pitong taon sa mundo, na prang bagong Ulises, ay nakatagpo rin sa pulo ng Luzon ng matutuluyan, salapi at isang tuyot na Calipso[17], ang kanyang kabiyak na dalandan… ay! at ang dalandang ito ay maasim.  Ang pangalan ng  kahabag-habag na ito ay Tiburcio Espadaña at kahit may tatlumpu’t limang taon at mukhang matanda ay bata kay Donya Victorina na may tatlumpu’t  dalawa.[18]  Ang sanhi nito ay madaling mahinala, ngunit mapanganib sabihin.[19]

           

Siya ay nagtungo sa Pilipinas na oficial quinto[20] sa Aduana[21] nguni’t sa sama ng palad, bukod sa nahilo at nabalian ng isang paa sa paglalayag. Makaraan ang labinlimang araw ng pagtatrabaho at nang wala na ni isang beles,[22] ay inalis sa katungkulan at inuutos na pauwiin sakay ng bapor  Salvadora.[23]

           

Dahilan sa masamang karanasan sa dagat ay ayaw ng bumalik sa Espanya nang hindi nakakakita ng kapalaran, at binalak niya ang maghanap.  Ang karangalan niya sa pagka-Kastila ay hindi magpahintulot na siya ay magbatak ng buto;[24] inibig nga sana niya ang gumawa upang mabuhay nang mabuti, nguni’t hindi siya pahintulutan ng kadakilaan ng mga Kastila, at ang kadakilaang ito ay hindi naman makapagligtas sa kanya sa mga pangangailangan.

           

Sa pasimula ay nabuhay siya sa gastos ng ilang kababayang Kastila, subalit si Tiburcio ay taong may kahihiyan, nagiging mapait sa kanya ang kinakain, kaya hindi tumataba kundi lalo pa ngang namayat.  Sa dahilang wala siyang nalalamang karunungan, ni salapi, ni rekomendasyon maiharap kahit kanino upang mapasok sa isang kawanihan ay pinagpayuhan siya ng ilang kababayan, upang siya’y mapalayo sa kanila, na tumungo sa lalawigan at doon ay magpakilalang parang doktor.[25]  Ayaw sanang pumayag sa gayon ang ating lalake sapagkat kahit na siya naging utusan sa pagamutan ng San Carlos ay hindi naman siya nakapag-aral ng anuman tungkol sa panggagamot:  ang kanyang tungkulin ay ang magpalis ng alikabok ng mga upuan, lagyan ng apoy ang mga darangan[26], at ito ay sa sandaling panahon lamang.

           

Datapwat sa dahilang lalong nauuwi sa kagipitan ay pinakinggan din niya ang payo, nagtungo siya sa lalawigan at sinimulan ang pagdalaw sa ilang maysakit na sinisingil niya nang mura, alinsunod sa idinidikta ng kanyang konsensiya.  Nguni’t gaya noong binatang pilosopo na sinasabi ni Samaniego[27] ay nagtapos sa pagsingil nang malaki at tinaasan ang sinisingil sa kanyang pagdalaw sa mga maysakit; dahil dito ay ipinalagay na siya ay mabuting manggagamot at marahil ay yumaman sana siya kundi nabalitaan ng protomedicato[28] sa Maynila ang kanyang malaking pagsingil at pakikiagaw sa panggagamot sa iba.

           

Namagitan at ipinagtanggol siya ng ilang katao at mga guro, “Kayo naman!” sabi nila sa naiinggit na si Dr. C., “bayaan na ninyong kumita nang kaunti, at kumita iyan ng mga anim o pitong libong piso ay makababalik na iyan sa kanyang bayan at mamumuhay doon nang payapa.[29]  Ano na lamang ang mawawala sa inyo?  Dahil sa inulol niya ang mga walang muwang na Indio?  Sila ang mag-ingat.  Iyan ay isang kaawa-awa; huwag ninyong alisan ng tinapay sa bibig; kahabagan ang kapwa Kastila!”[30]

           

Ang doktor ay may paglingap sa pagka-Kastila at pumayag na sumang-ayon sa ganitong pananaw; ngunit ang balita ay nakarating sa mga taong-bayan, ay unti-unting nawalan sa kanya ng tiwala, at sa kaunting panahon lamang ay naubos na ang nagpagamot kay Don Tiburcio Espadaña, at muli na namang halos siya ay magpalimos ng kakainin para sa araw-araw.  Nang panahong iyon nabalitaan mula sa isang kaibigan, na naging matalik na kaibigan naman ni Donya Victorina, ang kagipitang kinalalagyan ng babaeng ito, pati na ang kanyang pag-ibig sa Espanya at kagandahang-puso ng babae.  Doon ay nakabakas si Don Tiburcio ng munting bahagi ng langit at hiniling siya ay ipakilala.

           

Si Donya Victorina at si Don Tiburcio ay nagkita.  buto na lamang ang natitira sa mga taong nahuhuli sa handaan  ang naibulalas niya marahil kung siya’y marunong ng Latin!  Ang babae ay hindi na labis lamang sa pagkahinog, laos na; ang kanyang makapal na buhok ay naging isang munting pusod na lamang, na ayon sa sabi ng alilang babae ay kasinlaki ng isang ulo ng bawang;[31] ang mga mata niya’y nagdamdam na rin nang malaki; kailangan niyang madalas na ipikit nang kaunti upang makakita nang malayu-layo:  ang ugali na lamang niya ang tanging nalalabi.

           

Nang makaraan ang kalahating oras na pag-uusap ay pakiramdaman sila at nagkamabutihan.  Ang gusto sana ng babae ay isang Kastilang hindi pilay, hindi utal, hindi panot, hindi pingot, hindi natalsik ang laway kung nagsasalita at  mayroong ng kaunti pang isip at mataas na katungkulan, na gaya nang sinasabi-sabi;[32] ngunit ang mga Kastilang ganito ay hindi nakitungo sa kanya kailanman upang hingin ang kanyang kamay.  Hindi miminsan niyang nadinig ang sabing:  ang pagkakataon ay panot kung ilarawan at inakala niyang buung-buo na si Don Tiburcio ay siya nang tunay na pagkakataon[33] sapagkat dahil sa mga malulungkot na gabing dinanas ay nagtaglay na ng maagang pagkapanot.  Sinong babaeng may tatlumput dalawang taon ang hindi maingat?

        



[1] Ipinapaalam ni Rizal na wala naman talagang natatamo ang bayan sa pagdaraos ng kapistahan. Ang totoo, kasalatan ang iniiwan nito sa mga mamamayan ng bayan. Mapansin ang sinabi ni Rizal na “sa sandaang taon na susunod ay ganito ang gagawin nila, sapagkat ito ang nakaugalian.”

[2] Sa panahong iyon ay laganap ang paniniwala sa milagro para magbigay daan sa paggaling ng isang maysakit.

[3] Naipakita ni Rizal ang kaniyang kahusayan sa pagkutya sa panatisismo – ipinapaalam ni Rizal na ang krus na kahoy ay ginawa sanang upuang bangko, ngunit ang mapalad na kahoy ay naging krus na niluluhuran at pinagdadasalan ng tao samantalang ang kaputol nito ay ginagawang upuan at maaring minamamalas na nakakatanggap ng di kananais na amoy na ipinagkakaloob sa kaniya ng kaniyang pinagmagandahang loob na paupuin. Iisang kahoy na pinagmulan, nagkaroon ng ibang pagtingin at pagpapahalaga ayon sa pagkakagawa sa kanya.

[4] Ang katanyagan ni Dr. Espadaña ay hindi sa kahusayan sa panggagamot (hindi naman ito manggagamot) kundi sa kamahalan ng kaniyang paniningil.

[5] Isang pagkutya at pagkondena sa mga mangaggamot na nakagawa ng malpratice sa propesyon.

[6] Ang kuwento ay hango sa katotohanan dahilan sa may katulad itong kaganapan sa Calamba.

[7] Maaring isipin na bakit inilarawan ni Rizal ang mag-asawang de Espadaňa na laging nakakapit/akay ni Donya Victorina si Don Tiburcio. Isang paglalarawan ng maraming mga mag-asawang Espanyol at Pilipina. Ang katotohanan ay pasanin ng mga asawang babae (na mayayaman) ang kanilang asawang Espanyol, na karamihan kung hindi man lahat ay hampas lupa lamang sa Espanya. Kaya ang mga lalaking Espanyol na ito ay nagtungo sa Pilipinas ay para maghanap ng mga mayayaman o mga tagapagmanang mapapangasawa.

[8] Pribadong kalihin ng lahat ng ministro – sa paraan pa lang ng pagpapakilala ni Dna.Victorina ay makikita na ang labis na kayabangan. Una ang isang ministro sa kagawaran ay marami ng gampanin  - tapos ipakikilalang pribadong kalihim ng lahat ng ministro. Ipinapakita ni Rizal kung papaano ipinakikila ng mga Espanyol ang kanilang sarili mga bagong dating na kamag-anak sa Pilipinas. Pinalalaki ang sarili para hangaan ng mga Pilipinong tubo sa bansa.

[9] Ang inugali ni Kapitan Tiyago ay katulad lamang sa ngayon ng bulag na paghanga sa isang tao.

[10] 45 anyos si Dna Victorina, ngunit ang pagpapakilala ay 32 pa lang.

[11] Sumososyo sa mga mamumuhunan – ito ang pinagmumulan ng kaniyang salapi.

[12] Naging manliligaw ni Dna. Victorina si Kapitan  Tiyago –noong ito ay biyudo na.

[13] Agustina de Zaragoza - isang bayaning babae ng Espanya na nakilala dahilan sa kaniyang katapangan sa pakikipaglaban sa panahon na ang kanilang lunsod ay palibutan ng mga mananakop na Pranses noong 1808-09.

[14] Habang tumatanda ay nagpapabata ng edad si Dna. Victorina.

[15] Binago ni Rizal ang talata ng Biblia na “Datapwa’t sa dahilang nasa tao ang pagbabalak, ay nasa Diyos naman ang pagpapasya  at pinalitan ng isang kaayusan na “ang tao ay nagpaplano sa mga maayos na panahon, ngunit nagpapasiya sa panahon ng biglaang kagipitan.”

[16] Extramadura - isang rehiyon sa Timog-kanluran ng Espanya na katatagpuan ng probinsiya ng Badajoz at Caceres. dito nagmula si Don Tiburcio de Espadaña.

[17] Napakalupit talaga ni Rizal sa pagamit ng mga salita – inilarawan si Donya Victorina sa isang tuyot na Calypso. Si Calypso ay hango sa mitolohiyang Griego - isang maganda at sariwang nimpa ng dagat na anak ni Atlas. Si Calypso ay nabuhay na mag-isa sa isang maalamat na pulo ng Ogygia sa dagat Ionia, kung saan ang bayaning Griego na si Ulises (aka Odysseus) ay napadpad mula sa lumubog na barko. Umibig si Calypso kay Ulises/Odysseus at naging bihag niya ang lalaki sa loob ng pitong taon. Pinangakuan ng babae ang lalaki ng kawalang kamatayan at habang panahong kabataan kung ito ay mamalagi sa kaniyang piling - ngunit ang pangakong iyon ay hindi nakapawi sa paghahangad ng lalaki na makauwi ng kaniyang tahanan. Sa panghihimasok ng Diyos na si Zeus ay pinagkalooban niya ng mga kagamitan ang lalaki para makagawa ng sasakyan paalis ng pulo. Si Calypso ay namatay dahil sa kalungkutan, pagkatapos na umalis ni Odysseus.

[18] Si Don Tiburcio ay 32 taon samantalang si Dna. Victorina ay 45 – matanda si Dna. Victorina ng 10 taon sa asawa. Sa magkaibang kuwenta 35 si Don Tiburcio at si Dna. Victorina ay 32 (sa pagpapakilala niya) kung ganoon – matanda si Tiburcio ng 2 taon kay Donya Victorina. Ito dahilan sa kahit bata si Don. Tiburcio kay Dna. Victorina ay mukha siyang matanda kaysa sa babae – ang dahilan sa kunsumisyon sa buhay.

[19] Ibig sabihin ay tumanda si Don Tiburcio sa labis na problema sa kaniyang asawa.

[20] Mababang opisyal sa kawanihan ng pamahalaan.

[21] Aduana - tanggapan na sumisiyasat ng mga kalakal na pumapasok sa bansa para patawan ng kaukulang buwis.

[22] Si Tiburcio ay naitalaga sa aduana – ngunit wala siyang naging pera. Siguro, ang mga makakabasa nito sa kasalukuyang panahon na nagtatrabaho sa aduana ay matatawa sa “katangahan” ni Tiburcio.

[23] Salvadora - barkong sinakyan ni Rizal noong unang umalis sa Pilipinas (1882) patungo ng Singapore.

[24] Ikinahihiya ng mga Espanyol na nagtutungo sa Pilipinas ang gawaing kamay. Ang mga  Pilipino ay mahawa sa kanilang kahangalan – ito ay nagbunga ng ating pagtuturing na ang gawaing kamay ay isang “mababang uri ng trabaho.”

[25] Isa sa personal na karanasan ni Jose Rizal ay nang  siya ay nag-aaral sa Unibersidad Central de Madrid ay nakatagpo niya ang dati niyang propesor sa Medisina sa UST na ang pangalan ay Dr. Franco. Sa panahon na si Rizal ay nag-aaral sa UST, ang nasabing propesor ay walang ginawa kundi takutin ang kaniyang mga estudyante na ibabagsak sa kaniyang itinuturong aralin. Laking pagtataka ni Rizal, dahilan sa ang kaniyang propesor ay naging kamag-aral niya sa isang aralin sa Medisina sa Unibersidad Central, at ang kaniyang propesor na naging kaeskuwela ay bumagsak sa aralin na kapwa nila kinukuha.

[26]Isang metal na  kagamitan na ginagamit sa labas ng bahay kung saan sinusunog ang karbon o uling para magamit sa paluluto o pampainit ng mga tao sa panahon ng taglamig

[27] Samaniego – may-akda ng isang aklat ng pabula na nakasulat sa Espanyol at ginagamit noon sa mga paaralan.

[28] Lupon ng mga manggagamot  na nagtatakda ng alituntunin sa paggagamot at sa pagsingil

[29] Pansinin na ipinagtatanggol ng mga Espanyol ang kanilang mga kapwa Espanyol – ang katulad nito sa ating panahon ay ipinagtatanggol ng mga kakampi sa pulitika ang pagkakasala ng kanilang mga kasama sa partido.

[30] Walang pagmamalasakit ang lupon ng mga manggagamot sa mga Pilipino. Pinalusot ang katiwalian o iregularidad ni Tiburcio dahilan sa ito ay Espanyol o kakampi nila. Nakakahabag ang mga walang muwang na Pilipino na nagiging guinea pig ng mga walang pakundangang manggagamot.

[31] Nauubos ang buhok, ito ang dahilan kung bakit gumamit ng peluka na pula ng kulay ng buhok..

[32] Dito ay makikita ang istilo ni Rizal sa panunudyo – hindi niya direktang sinabi kung ano ang hitsura ni Don Tiburcio, ngunit ipinakita niya ito sa pagsasabi ng mga kapangitan na malayo sa tunay na gusto ni Dna. Victorina.

[33] Si Don Tiburcio ay panot at ito na ang pagkakataon ni Dna. Victorina.