Ang Aking Buhay at Karanasan


Sinulat ni EULOGIO VILLA URBINA
 


    Bagaman at walang angking katangian ang kasaysayan at karanasan ng aking abang buhay,  ay pinag-inutan ko ring sinulat ito bilang alaala sa aking maluwalhating lumipas at maging libangan man lamang na pangsarili ng aking angkan: ako’y hindi manunulat, kaya isinasamo kong ipagpaumanhin  ng sino mang makababasa nito na sakaling hubad man  sa magaganda at maaayos na pangungusap na gaya ng gawa ng isang tunay na manunulat, sinabi ko na nga sa itaas na ito ay pangsarili lamang.
 

                                                                                      EULOGIO VILLA URBINA
 


      Ako ay ipinanganak noong ika labing isa (11) ng buan ng Marzo nang taong isang libo walong daan at pitong pu at dalawang taon (1872) sa bayan ng Pantabangan, lalawigan ng Nueva Ecija, Kapuluang Filipinas, anak na tunay ng mag-asawang Guillermo Villa at Barcelo (alias Kabesang Imong) at Hospicia Urbina at Villaflor, na mga tubo rin sa Pantabangan, Nueva Ecija. Ang aking ingkong at impo sa aking ama ay Esteban Villa at Regina Barcelo at sa aking ina naman ay Segundo Urbina at Alejandra Villaflor (maraming taong nagturo sa paaralan ng bayang ito.)

     Ako ay ipinanganak at lumaki sa bahay ng aking ingkong sa ama, na ang palayaw sa bayan ay Kapitan Teban, kaya ako ay nagkaroon ng pagkakataong lumaki halos sa kanyang kandungan at pagmamahal. Ako ay kanyang kinausap mula sa pagkabata ng wikang kastila, marahil ginawa niya ito hindi sa pagtatakwil sa wikang tagalog kundi manapa  ay maihanda ako sa pag-aaral  ng wikang ito, sapagka’t noong mga panahong yaon ay ang mga kastila ang namamahala sa Kapuluang Filipinas.

     Nang ako ay mayroon nang anim na taong gulang ay ipinagkatiwala ako sa isang maestrong Normalista (ibig sabihin ay nag-aral sa Escuela Normal sa Maynila) na ang pangalan ay Francisco S. Juan.

     Noong taong 1881 ay namatay ang aking ingkong (Esteban Villa alias Kapitan Teban) : nang taon ding yaon ay naalis na rin ang aking meastrong Francisco San Juan, kaya’t ako ay nauwi na sa aking mga magulang.

     Ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa bagong guro (maestro) at marunong na si G. Jose Villajuan, na taga Pantabangan din na nag-aral sa lunsod ng Maynila at siya ay isang filosofo. Sa ilalim ng kanyang matalinong pagtuturo ay nakatapos ako sa unang baytang ng pag-aaral noong panahong yaon na ang katumbas ngayon ay Primaria at Intermedia.

     Noong taong 1884, buan nang Diciembre, ang Cura (pare) sa Pantabangan ay natawag sa Maynila sa  convento ng mga San Franciscano upang maging Rector (Guro ng mga curista). Isang araw ang pare ay nagpunta sa eskuelahan o paaralan at humahanap ng isang batang maaari niyang isama sa Maynila, at lalong mabuti raw kung marunong ng wikang kastila sapagka’t ang pare ay hindi pa marunong magsalita ng wikang tagalog sapagka’t bagong galing pa lamang sa Espana. Sa buong paaralan ay walang natagpuang bata ang pare na marunong magsalita ng wikang kastila, nguni’t sinabi ng maestro sa pare na isang bata dito sa Pantabangan ang marunong ng wikang kastila at sinabi raw ang pangalan ko at itinuro pa ang aming bahay. Ang pare ay nagpunta sa aming bahay at ako ay kinausap at inakit na sumama sa Maynila, ang isinagot ko ay sabihin niya sa aking mga magulang. Sa gayon ay kinausap ng pare ang aking mga magulang, nguni’t ito sila ay nagsitanggi nang buong higpit; gayon man ay nagmungkahi ako sa pare, sinabi kong kung ako’y papayagang magpatuloy ng aking pag-aaral ay ako ay sasama. Ang pare ay buong tuwang sumagot nang “oo, mag-aaral ka”. Sa gayon ay kami nang dalawa ng pare ang nakiusap sa aking mga magulang, na gumugol kami ng apat o limang araw bago namin sila napa sang-ayon.

     Ilang araw lamang ang nakaraan ay iniwan ko na ang bayang Pantabangan at ang aking mga magulang sa gitna ng lubos na kalungkutan . Sila ay tumatangis at ako ay lumuluha rin nang ako ay humalik ng kamay, at kundi sa aming nasanlang pangungusap sa pare, marahil ay ako ay hindi natuloy na umalis. Ang pangalan ng pareng sinamahan ko ay Pablo Rojo, San Franciscano.

 Schooling in San Juan de Letran



 


This page created with Netscape Navigator Gold