In this episode, Ingkong Logio goes back to military service.
Nang sumunod na buwan ng Agosto ay nagkita kami ng pinsan kong si Faustino Rotas, sapagkat siya ay nagpunta sa aming talyer at nagpagawa ng baina ng revolver. Sabihin pa, gayon na lamang ang aming katuwaan. At pagkatapos ng aming magiliw na balitaan sa aming pinagdaanan sa himagsikan sa kastila ay sinabi sa akin ni Faustino na kahit anong inam ng iyong kalagayan dito sa talyer ay hindi mo maitatanghal ang karangalan ng iyong pagkabayani, na siyang dakila at tanging kayamanang matataglay ng tao sa kanyang libingan, kaya kailangang sumama ka sa akin sa Malabon anya at ihaharap kita sa kuartel general upang makapaglingkod ka sa ating hukbo.
Ang sagot ko ay may katwiran ka ngunit bigyan mo muna ako ng pagkakataong makipagayos sa may ari nitong talyer, sapagkat malaki ang utang na loob ko sa kanya (kay D. Pastor).
Kung gayon anya ay babalik ako rito sa unang araw ng Setyembre. Ang sagot ko ay ayos kita, ibig kong sabihin ay sangayon ako.
Kami ay nagkasalo sa pananghalian ng araw na yaon sa aking bahay. Ipinakilala ko sa kanya ang aking asawa.
Pagkatapos naming mananghali ay nagpunta na kami sa talyer at pagkakuha niya ng baina ng revolver ay nagpaalam sa akin.
Kinabukasan ay sinabi ko kay Don Pastor na ako ay tinatawagan na ng Hukbo. Pinahaharap ako sa unang araw ng Setyembre sa kuartel general ng Malabon, dinaramdam ko po Don Pastor, ang sabi ko.
Kung sa bagay, ang sabi niya, ay ilang araw na lamang at sasarhan na natin ang talyer na ito sapagkat ako ay may nabiling dulceria sa Escolta. Naniniwala akong lalong malakas iyon kaysa rito sa talyer ngunit hindi ko ibig sabihin na ikaw ay mahihiwalay sa akin sapagkat ang balak ko ay ikaw ang gagawing katiwala sa tindahan at baka ang sasahurin mo ay mahigit pa sa sinasahod mo ngayon. Ngunit kung tinatawag ka na sa paglilingkod sa hukbo ay wala katang magagawa. Gayon man ay hinihintay kita sa lahat ng oras, anya pa.
Ang sagot ko ay marami pong salamat D. Pastor, hanggang sa huling sandali ay pinauutang pa rin ninyo ako ng magandang kalooban.
"Walang ano man iyon anya, sinabi ko at iyon ang katotohanan."
Nang unang araw ng Setyembre ay pinuntahan ako ni Faustino sa aming talyer ngunit nakasara na ang talyer, kaya sa bahay na niya ako pinuntahan.
Makapananghali kami ng araw ding yaon ay nagpunta kami sa Malabon. Nagtuloy kami sa Kuartel General na pinamumunuan ni Komandante Guevarra. Ipinakilala ako ni Faustino sa komandante, sinabi niyang nais kong magpatuloy ng paglilingkod sa Hukbo. Sinabi niya ang aking mga karanasan at katangian sa pagka militar o pagka sundalo, naging sargento siya sa hukbong kastila at naging unang teniente sa ating hukbo, tungkuling tinamo niya sa paghihimagsik laban sa mga kastila sa Iligan, Mindanaw.
Sa gayong narinig ng komandante ay nagsabi ito ng "Ikinagagalak ko anya na makasama sa aking batallon ang isang pinunong gaya ni Teniente Villa, ngunit ang dinaramdam ko ay wala akong bakante ngayon para sa tungkuling iyan.Ang tanging bakante ko rito anya ay sa pangalawang teniente na taga turo ng karunungang hukbo (taktika militar). Kung ito ay mamarapatin ninyong tanggapin Teniente Villa ay sa ngalan ng hukbo at ng aking sarili ay buong puso ko kayong tatanggapin sapagkat iyan ang tunay kong kailangan."
Ako ay sumagot at sinabi kong, "Ipinagtatapat ko po sa inyo komandante na sa pagharap ko sa inyo ay wala po akong ibang nais kundi ang maglingkod sa ating hukbo at sa ating bayan at hindi sa hamak na hangaring magkaroon lamang ng mataas na tungkulin."
"Kung gayon anya ay maghintay lamang kayo sandali." Nagpunta sa kanyang lamesang susulatan, kumuha ng papel at sumulat. Pagkatapos ay lumapit sa akin at nagsabing "Ibigay ninyo ito (sabay abot ng sulat) sa Kapitan Contreras sa Kuartel sa Kalookan, at bukas ay magsimula na kayo ng pagtuturo sa mga sundalo ng tactica militar." "Opo komandante", ang sagot ko.
Tumayo si Teniente Faustino at nagsabi, "Kung wala na pong ibang ipaguutos ang komandante ay kami ay paalam na." "Wala na, kundi kayo Teniente Villa ay magbigay alam sa akin ng inyong nagawa tuwing Sabado.
Kinabukasan ikalawang araw ng buwan ng Setyembre, 1898 ay nagturo na ako ng tactica militar sa mga sundalo, sa Kampamento ng Kalookan.
Nang ika apat na araw ng buwan ng Febrero 1899 na nagsimula ang digmaang Amerikano-Filipino ay naglingkod ako bilang isa sa mga katulong (ayudante) ng komandante Guevarra, hanggang sa buwan ng Marzo ng nasabing taon 1899 sapagkat ako ay kinuha ni Koronel Jorge Recato upang maglingkod sa tanggapan ng Informacion Politica Filipina na nakatatag sa arrabal ng Sampalok, Maynila na pinangunguluhan ni Don Leon Graciano. Sa pagkakataong ito ay itinaas ako sa tungkuling Primer Teniente (unang teniente).
Ang kagawarang ito ng pamahalaang Filipino ay gumaganap ng kanyang tungkulin sa pamamag-itan ng buong sikap na paglilihim ng kanyang mga kilos at gawain, sapagkat nasa loob ng lupang sakop ng mga Amerikano.
Ang mga tungkuling ginaganap ng mga tauhan ng kagawarang ito ay ang magbigay alam sa Pamahalaan ng Hukbong Filipino ng lahat ng mga kapasiyahan at kilos ng mga Amerikano, at higit sa lahat ay ang paglikom ng mga baril at punlo sa loob ng mga hotel, convento at bahay ng mga kastila, sa halagang dalawang pu at limang piso (P25.00) ang bawat baril at ang punlo ay sampung sentimos ang bawat isa (P0.10) pagkatapos ay dinadala namin sa mga larangan ng digma at sa alin mang pangkat na nangangailangan. Sa aking sarili lamang sa pagtupad ng tungkulin ay nakapagdala ako ng maraming baril at bala kay General Kailles sa Laguna, kay General Mojica sa Bisayas at kay General Malvar sa Kabite, tangi sa mga ulat ng tanggapan ng Informacion Politica at iba pa.
Ang pagtupad sa mga tungkuling ito sa kagawaran ng Informacion ay totoong mapanganib na sukat ang isipin lamang ay nakapangingilabot sapagkat ang mga tiktik ng mga Amerikano ay marami at masisipag palibhasa ay malalaki ang sinasahod.
Noong buwan ng Oktubre ng taon ding yaon 1899 ang General Artemio Ricarte at Vibora ay nagtatag ng isang Regimiento na pinamagatang Regimiento Vencedor de Vibora at isa ako sa mga napiling maging isa sa mga kapitan ng kompaniya ng Regimientong ito. Ang namahala sa Regimientong ito ay si Koronel Lucio Lukas, at ang namuno sa aking batallon ay ang Komandante Mariano Barroga.
Ang Regimientong ito ay makalawang tumanggap ng utos na salakayin ang lunsod ng Maynila. Ang una ay napigil ni Don Alejandro Paterno at ang ikalawa ay napigil din dahilan sa pagkahuli ng dinamitang ihinagis ni Kapitan Francisco Hernandez sa kuartel ng mga Amerikano sa calle Jolo (ngayon ay Juan Luna) na tumama sa tangke ng sakate kaya hindi nagputok at nakita tuloy ng amerikanong naglilinis ng sakate.
Noong Noviembre 1899 ako ay nataas sa tungkuling komandante bilang kahalili ng Komandante Mariano Barroga na tumutupad ng pagka Komandante Jefe del Detal sa Gefatura sa Pandacan, sapagkat ito ay nataas sa tungkuling Teniente Koronel.
Isang araw ng buwan ng Diciembre na ako ay nasa Gefatura sa Pandacan sa bahay ni Maestrang Petang (Perpetua Martinez) ay tumanggap ako ng isang sulat ni Komandante Trias sa Cavite na humihiling sa aking ipakibigay ko kay komandante Clemente na kanyang bayaw ang dalawang pu at limang pisong kalakip ng sulat.
Si Komandante Clemente ay nasa Hospital ng San Juan de Dios sapagkat tinamaan ng bala sa lalamunan ng mapalaban siya sa mga exploradores na Amerikano sa Cavite.
Kinabukasan ng araw ng linggo ako ay dumalaw sa Hospital ng San Juan de Dios. Nakita ko si Komandante Clemente na may tubong kristal sa lalamunan. Ako ay naupo sa kanyang kama. Ipinakita ko ang sulat ni Komandante Trias at ibinigay ko ang dalawang pu at limang piso. Pagkatapos, kami ay nagusap. Ibinalita niya sa akin ang nangyari sa labanan nila ng mga Amerikano sa napakarahan at mahirap ng pangungusap. Nang mayroon nang isang oras ang aming paguusap, walang anu-ano ay dumating ang dalawang sandatahang sundalong Amerikano at sukat sa turo ng isang tao ay hinuli na ako ng mga sundalong yaon at dinala ako sa Preboste (tanggapan ng Hukbo).
Bagaman at ang taong nagturo sa akin ay ibig niyang ikubli ang kanyang mukha ay nakilala ko rin. Siya ay si Mariano Valencia, ang taong ilinigtas ko sa Bapor Rosario nang siya ay ihuhulog na lamang ng mga sundalong Filipino dahilan sa siya ay isang masugid na tiktik ng mga kastila at lubhang marami ang ipinahamak. Iyan ang ganti sa akin.
In the next episode, Ingkong
Logio is imprisoned again.