Napakahalaga ng Internet sa akin. Sa araw-araw.
Unang-una na, sa e-mail. Napakadaling makipag-ugnayan sa mga tao sa buong mundo, kahit pa nasaan sila! Kung may nais akong batiin sa anumang okasyon, nagpapadala lang ako ng virtual bouquet (http://www.virtualflorist.com).
Napakadali ring magbigay ng impormasyon sa mga ka-opisina. At kahit ang pag-aatas sa mga kasamahan ay madali ring nagagawa nang hindi na kailangan pang tumayo at abalahin kung sinuman iyon.
Sa Internet na rin ako bumabasa ng mga pahayagan. tuwing umaga. (http://www.bworld.com.ph at saka http://www.dti.gov.ph/pro/ebnstoday.htm)
Nang biglaan kong nabatid na ako ay pupunta sa Tsina, sa Internet ako agad nagsaliksik (http://www.ceoexpress.com). Doon ko na inalam ang lagay ng panahon sa Shanghai sa araw-araw upang matantiya ko kung kailan kaya makapaglululan ng bigas doon at kailan kami paliliparin mula dito, at ano ang tamang kasuotan na dapat dalhin. Kumuha rin ako ng impormasyon pati na nga mapa ng Shanghai. At nagbasa ng mga paalaala sa mga turistang pupunta sa iba’t ibang lugar sa Tsina. At doon na rin ako nag-aral ng salitang Putong Hua (http://www.travlang.com). May mga sites na pati ang pagbigkas ng mga salita ay maipadidinig sa iyo. Sa loob lamang ng dalawang araw ay nagkaroon na ako ng malaking tiwala sa sarili na kaya ko na ang lumibot sa Tsina, kahit pa nga walang sumundo sa paliparan.
Pagkabalik ko dito buhat Tsina, ang ulat ng paglalakbay na may kasamang mga retrato ng paglululan ay inilagay ko naman sa aking webpage (http://www.oocities.org/SoHo/Café/2588/tsina.html) upang makapagbigay ng impormasyon nang malawakan.
Nang bigla ko ring malaman na ako pala ay maysakit, at kailangang maoperahan, sa Internet rin ako nakakuha ng pinakahuling impormasyon tungkol sa aking dinaramdam (http://www.ceoexpress.com). At nakapag-konsulta pa ako sa mga doktor na nasa iba’t-ibang lugar sa pamamagitan ng e-mail. Ipinadala ko lamang sa kanila ang mga resulta ng aking dinaanang mga laboratory tests, at daglian din nilang naipadala ang kani-kanilang mga opinyon na lubhang nakapayapa ng aking kalooban.
Kamakailan lamang, isang kaibigan ang nangailangan ng dugo para sa anak niyang nagkasakit ng dengue. Ilang minuto lamang matapos kong ma-e-mail ang panawagan , sumagot na ang mga magbibigay ng dugo. Malaki agad ang pag-asang makaliligtas ang bata!
Paano na kaya ang aking magiging galaw sa araw-araw
na pamumuhay kung walang Internet?