bakit kaya
higit pang inaasahan
biglang suwerteng
pagtama sa sugal
magsikap lamang
magtiyaga araw-araw
tiyak namang tagumpay
ang siyang makakamtan.
(Ito ay isang pag-amin na ako nga pala ay matatakutin.)
Tula ng Bagyo
bagyong Seniang
pagkatapos ni Reming
magkasunod na linggo
silang dumating
tahimik na tahimik
bago mag-hatinggabi
iyon pala, madaling-araw
gigisingin kami
pasakalyeng hihip ng hangin
parang hilab ng tiyan
ng inang magsisilang
hilab naging hagupit
sunud-sunod
walang paknit
walang anu-ano'y
namatay ang ilaw
at sa pusikit na kadiliman
umuugong ang hangin
susun-suson
paikot ang direksiyon
nagliliparang yero
iyong maririnig
atip ng mga bahay
tila baga tinatalupan
mga puno at halaman
humahampas sa bubungan
salamat na lamang
sa radyong de-baterya
alam na alam mong
di ka nag-iisa
salamat din nang marami
sa teleponong buhay pa
at mga kaibigang gising
at natatakot din pala
nairaos ang kaba
hanggang mag-umaga na.
<< back to homepage | << back to poems archive | << September 2000 poems | >> January 2001 Poems |