Ingkong Logio


In this episode, Ingkong Logio gets promoted.
 


    Ang general ay tumayo at inakit niya ang komandante Gonzales at ang Kapitan Sanfelix at sila ay pumanhik sa bahay ni General Arolas. Samantala ay lumalagda naman ako sa expediente.

    Makaraan ang mahigit kumulang sa isang oras ay nagsipanaog na sina komandante Gonzales at kapitan Sanfelix. Ako naman ay nakatapos na noon ng paglagda sa expediente. tinawag ako ni Kapitan Sanfelix at sinabing tayo ay makuuwi na. Sama sama kaming umuwi. Sa daan ay sinabi sa akin ni komandante Gonzales na sa lunes anya ay papasok ka sa tanggapan ng Detal bilang tagasulat (escribiente) sapagkat noon ay araw ng sabado.

    Mula noon ay isa na akong kabo ng Infanteria sa Regimiento de Linea Legaspi No. 68 at escribiente o tagasulat sa komandancia ng Detal ng Regimiento.

    Noong buan ng Abril ng taon ding yaon ay gumawa ng pagsasanay sa pagtudla ang mga sundalo ng Regimiento sa loob ng labinlimang araw.. Ang pagsasanay na ito ay ginanap sa lahat ng regimiento at ang lahat ng makakuha ng siam na pu at lima hanggang isang daang kabutihan sa panunudla ay sasabitan ng medalya. Ang nasasabi sa medalya ay 'Manunudla ng ________, kung ano ang pangalan ng lugar na pinagsanayan, gaya ko halimbawa sa Mindanaw, ang nasasabi sa aking medalya ay 'Tiradores de Mindanaw'. Ako ay isa sa nagkapalad na nabigyan ng medalya sa kabutihang siam na pu at pito sa isang daan ang aking nakuha.

    Nang buan ng Setyembre ng taon ding yaon (1896) ay kumalat ang lihim na balitang  ang katipunan ng mga anak ng bayan ay nagsipag himagsik na, kaya at sa Maynila at sa mga lalawigang Tagalog ay malubha na ang kaguluhan.

    Dahil sa mga balitang ito kami ni Sargento Antillon ay madalas magkausap ng lihim . Sapagkat kami ay magka kompaniya kaya kami ay laging may pagkakataon sa paguusap, hanggang sa sumapit kami sa pagkakaunawaang kami pala ay kapwa anak ng bayan. Kung gayon, ani Sargento Antillon, bilang unang hakbang ay alamain natin ang ibang mga anak ng bayan sa ating mga kasamahan, sapagkat umaasa akong hindi mawawalan. Ito ang aming pinagkasunduan.

    Nang sumunod na buwang Oktubre ay mayroon na silang mahigit na tatlong pung kaanib na ang karamihan ay talagang mga Anak ng Bayan.

    Nang mga unang araw ng Noviembre 1896 ay dumaong sa Holo ang bapor Rosario na puno halos ng mga taong deportado (itinapon) na galing sa Maynila.

    Kami ni Sargento Antillon at ilan pang mga kasama ay buong ingat na nakipag unawaan sa mga deportado. Sa mga ito ay natalos namin ang malaking pagsulong ng himagsikan, sa gayon ay binalak na namin na ganapin ang pagbabangon sa Araw ng Pasko ng Pagkabuhay o sa ika dalawang pu at lima ng Diciembre. Ito ay aming pinagtibay.

    Ako ay gumawa agad ng "klabe" sa pagsusulatan upang kung mahuli man ang sulat ay huwag maunawaan ang nilalaman.Ito ay ginawa ko sa pamamagitan ng pagbabago ng kahulugan ng mga letra o titik.

    Ang lahat ay handa na sa pagbabangon. Ang araw at oras na lamang ang hinihintay.

    Nang ika dalawang pu at dalawa ng Diciembre 1896 isang babaeng nagngangalang Maria , na asawa ng sundalong si Pedro Bustamante taga Iba, Zambales ay nagpunta sa bahay ng barbero ng general Arolas at sa asawa nito (asawa ng barbero) ay kinukuha ang plantsa ng damit na hiniram sa kanya may ilang araw na. Ang asawa ng barbero ay nakiusap na huag munang kunin ang plantsa, sapagkat marami pa siyang paplantsahin. Ngunit sa mapilit na pagkuha ni Maria ay napilitan ang asawa ng barbero  na magtanong kay Maria kung ano ang dahilan ng kanyang paghihigpit sa pagkuha ng plantsa samantalang hindi naman siya dating gayon. Dahil dito ay napilitan si Maria na magtapat sa asawa ng barbero  upang makuha ang kanyang plantsa ng damit. Sinabi niya ng pabulong sa asawa ng barbero na "Mag aalsa na ang mga sundalo sa Linggo( ika-25 ng Diciembre)." Pagkadinig nito ng asawa ng barbero ay dalidaling ibinigay ang plantsa kay Maria at siya naman ay nagbalot na rin. Noon ay araw ng Viernes.

    Kinabukasan araw ng Sabado, araw ng pagpapagupit ng general.

    Ang barbero ay nagpunta sa bahay ng general at ng kasalukuyang ginugupitan niya (ng barbero) ay sinabi nito na ibinalita ng kanyang asawa na ang mga sundalo ay mag aalsa na sa araw ng Linggo. Oras na marinig ng general ang gayong balita, ay tumayong bigla at hindi na tinapos ang pagpapagupit.
 
 
 
 


In the next episode, Ingkong Logio suffers in prison.


 


This page created with Netscape Navigator Gold