In this episode, Ingkong Logio gets another writing assignment.
Isang araw ay napunta sa kuarto ng sargento ang kanilang teniente abanderado. Sila pala ay magpinsan. Samantalang sila ay nag uusap, ako naman ay sumusulat. Madalas tumingin ang teniente sa aking sinusulat at walang ano ano ay sinabi sa kanyang pinsan (ang sargento) kaming mga oficial (pinuno) anya ay pinagagawa ng kasaysayan ng aming paglilingkod (hoja de servicio) kaya humahanap ako ng makasusulat. Ayon, anang sarento, sabay turo sa akin. Iyan anya ay marunong ng wikang kastila kaya magkakaunawaan kayong mabuti. Kung gayon, anang teniente, ay hihiramin ko muna siya ng mga ilang araw. Babalik ako bukas, anya, at nagpaalam.
Kinabukasan ay nagbalik ang teniente at ako ay inakit sa kanyang bahay sa kaalaman ng sargento. Pagdating namin sa kanyang bahay ay ipinakita sa akin ang nararapat kong gawin at sinabi pang kung ito ay matatapos na ay bibigyan kita ng kuarta. Ang sagot ko naman ay hindi na po kailangan. Sukat na pong nakapaglingkod ako sa inyo. Maraming salamat, anya, at sinabi pang "dito ka sa bahay kakain at dito ka rin matutulog". Ang sagot ko naman ay Maraming salamat po.
Sinimulan ko ang paggawa ng kanyang kasaysayan sa paglilingkod.
Sa loob ng limang araw ay natapos ko ang kanyang kasaysayan at sabihin pa inubos ko ang lahat kong kaya sa paggawa noon.
Sa hapon ng ikalimang araw ng dumating ang tenienteng galing sa kuartel ay ipinakita ko ang ginawa kong kasaysayan na kanyang kinuha at binasa.
Makaraan ang mahigit na isang oras ay ako ay tinawag.
Pagdating sa akin tiningnan ko at binasa ko ang ginawa mo. Ako anya ay walang masasabi kundi marahil ay bihira ang makagagawa noon. Iba iba ang mga titik (letra) at husto sa ortografia. Dumukot ng limang piso sa bulsa ang teniente at nagsabing tanggapin mo anya ito bagamat hindi katapat ng iyong pagod , kundi bilang isang maliit kong alaala. Wika ko naman ay nasabi ko na po sa inyo na mapaglingkuran ko po lamang kayo ay sukat na sa akin. Iba ang palagay ko, wika ng teniente. "Kaya ayaw mong tanggapin ay masiyadong maliit". Kung gayon po, ang wika ko naman, ay tatanggapin ko na po iyan huwag lamang ninyong dagdagan pa. Iniabot sa akin ang limang piso at nagpasalamat. Bukas, anya pa, ay dadalhin ko na sa komandante ang ginawa mong kasaysayan at marahil kung hind man ako ang una ay pangalawa man lamang sa mga nakayari, sapagkat mayroon pa lamang isang linggo ngayon na ipinag utos sa amin ang paggawa niyan.
Sinabi pa ng teniente sa akin na kung gusto mo anyang magpatuloy ng pagtira dito sa bahay ay tumira ka sapagkat marahil ay mayroon pang magpapagawa sa iyo, at sisingilin naman natin sila ng nararapat. Sagot ko ay marami pong salamat.
Nang bago mananghali ng araw na yaon ay dumating sa bahay ang teniente at nang ako ay makita ay ako ay tinawag.Sinabi sa aking siya raw ay nagpunta sa bahay ng komandante at dinala ang kanyang kasaysayang ginawa ko at pagkakita raw ng komandante ay itinanong kung sino ang sumulat. Ang sinabi raw niya ay ako. Ipinagbilin daw ng komandante na ako ay kanyang ipagsama roon (sa bahay ng komandante) sa hapon ng araw ding yaon. Kaya ang sabi ng teniente ay huwag akong aalis. Ang sagot ko ay opo.
Bago mag alas kuatro ng hapong yaon ay inihatid na ako ng teniente sa bahay ng komandante. Pagdating namin doon at matapos magbigay galang sa komandante ay sinabi ng teniente, "Narito na po ang kabo Ruiz na gumawa ng aking kasaysayan (hoja de servicio)".
Kayo ba, anya ang gumawa ng kasaysayan ng teniente? Ang sagot ko ay "pinaginutan ko po komandante". Kung gayon, anya pa, ay pagiinutal din ninyong gagawin ang sa akin. Opo, komandante, ang sagot ko.
Sinabi sa teniente kung wala na kayong kailangan kay kabo Ruiz ay iwanan ninyo siya rito. Wala na po, sagot ng teniente, at nagpaalam.
Sinabi ng komandante na doon na ako titira hanggang bagong utos.
Kinabukasan ay sinimulan ko na ang paggawa ng mga kasaysayan. Inuna ko ang sa komandante at isinunod ko ang sa mga oficiales o mga pinuno. Ang bawat mayari ko sa kasaysayan ng mga oficiales ay pinabibigyan ako ng komandante ng sampung piso.