back to article page

home

Mga Ibong Ligaw 
ni Brian Dexter M. Medija
Isang repleksyon mula sa dokumentaryong "Mga Ibon Sa Lansangan,"
na inihain ng mga estudyanteng nasa ika-apat na taon ng AB Communication Arts ng
Ateneo de Davao University, Junyo, 1999

Mga menor de edad na nagsasayaw sa gitna ng kalsada, mga kabataang nagtitipon sa kanto sa hatinggabi, humihithit, sumusutsot sa natitipuhan. Ito ang mga musmos na babad sa pulang ilaw ng 'promiscuity.' Sila'y mga ibong ligaw sa landas. Sila ang kung tawagin ay Buntog.

Ang dokumentaryo ay tumatalakay sa kalagayan ng mga kabataang lulong sa bisyong "sexual promiscuity." Ito'y tungkol sa mga batang sa murang edad ay sira na ang kapurihan at lanta na rin ang kinabukasan. Base sa testimoniya nina Flor, Alma, at Dondon ay napag-alaman kong hindi lamang pagtatalik ang siyang kinalululungan ng mga buntog kundi pati na rin ang paggamit ng bawal na gamot. Sa katunayan, ayon sa palabas, madalas silang gumagamit ng shabu, marijuana o rugby bago makipagtalik sa kahit kanino. At kapag sila'y nadadakip ng pulis, sila'y pinasasailalim sa abusong pisikal sa loob ng presinto.

Ano nga ba talaga ang buntog? Anu-ano ang mga sirkumstansyang nagbigay-bunga sa kapinsa-pinsalang bisyong "promiscuity?" Ayon sa presentasyon, ang salitang buntog ang bansag sa mga kabataang ito dahil, ani Flor, sila'y nakikipagtalik kung kani-kanino, may bayad man o wala. Subalit ang tunay na kahulugan ng buntog sa talasalitaang Bisaya ay "pugo" ("quail" sa Ingles). Ito'y dahilan sa pagkakatulad ng 'behavior' ng mga kabataang ito sa pugo na palipat-lipat ng pugad upang makipagtalik. Sa ganitong depinisyon, hindi nalalayo si Flor.

Ang penomenong buntog, diumano, ay bunga ng kapabayaan ng mga magulang, kahirapan, at eksploytasyong sekswal' sa mga musmos. Dahil sa mga ito, paglaki ng bata, nagiging libangan o "escape" ang 'sex' mula sa mga problema't mapapait na alaala. Sa pagiging buntog, napapalandas ang mga kabataan tungo sa mundo ng eksploytasyon, droga, at kawalang-moralidad. Sa murang edad nila, ang mga batang ito'y dapat sanang gumagala sa koridor ng paaralan, at hindi sa lansangang makasalanan.

Ang pagiging buntog ay inihahalintulad sa pagiging puta, subalit malaki ang pagkakaiba ng mga bansag na ito. Ang puta ay isang "kalapating mababa ang lipad," isang nilikhang hindi makalipad nang lubusan dahil sa pabigat ng pangangailangan. Ang buntog ay isang ibong walang kakayahang umangat sa langit--isang pugong sa lupa nakabaon ang kapalaran. At ganito nga ang tumambad sa aking isipan matapos ang palabas. Madilim ang iskrin, sindilim ng aking pananaw sa mga buhay na kangina'y lumitaw doon. Lubos akong nagulat at naawa sa kalagayan ng mga kabataang ligaw sa landas. Nagulat ako sa pag-amin ng isang musmos na ang kuya niya ang nagdala sa kaniya sa landas ng pagka-buntog. At naawa ako nang sabihing mahirap lamang ang kalagayan at napabayaan ng magulang, kasabay ang mukhang kakikitaan ng pagkahiya't lumbay.

Subalit ang gulat at awa na tumagos sa aking isipan at damdamin ang siyang nagbigay sa akin ng riyalisasyon na ang mga buhay na ito'y maaari sanang matuwid kung hindi dahil sa kapabayaan at kawalang-aruga. At napag-isip-isipan ko ring isang mabuting liksyon ito para sa mga magulang na maging masinop sa pag-aalaga at pag-hubog sa kanilang mga anak upang hindi maligaw ang landas ng mga ito.

Tayo'y natututong tumingin ng tuwid mula sa pagkakamali ng iba--at sa pamamagitan ng dokumentaryong ito'y maiisip natin na malaking bagay na kahit mahirap lamang tayo'y mabuti tayong magpalaki ng ating mga anak. Papag-aralin sila at siguruhing nasa tuwid ang landas na kanilang tinatahak. At kapag ito'y ating nakamit, ang mga anak nati'y magiging mga agilang mataas ang lipad at malawak ang 'horizon,' at sa kanilang pagtanda'y sasabihin nilang, "hindi ko mararating ang mga ulap kundi dahil sa abot-langit na pagmamahal at pag-aalaga ng aking mga magulang."¤