SAPATERO SI TATAY. Kilalang-kilala ang mga likha niyang sapatos
dito sa
aming bayan. Marami ang pumupunta sa amin para magpasadya. Ayon sa
mga
sabi-sabi, tatalunin pa raw ng mga sapatos ni Tatay ang mga sapatos
na
gawang-Marikina. Matibay, pulido, at malikhain ang mga disenyo ng
kanyang mga sapatos.
"Paano mo ba naiisip ang ganyang istilo? Kay ganda!"
"Siguro, dinadalaw ka ng musa ng mga sapatos at suwelas"
"Parang may madyik ang iyong kamay!"
Sa lahat ng papuri, matipid na ngingiti lamang si Tatay. Tahimik na
tao
si Tatay. Bihirang magsalita.
LUMAKI AKONG KAPILING ang mga sapatos na gawa ni Tatay. Madalas ay
kinaiinggitan ako ng mga kalaro at kaklase ko. Buti raw at sapatero
ang
Tatay ko. Lagi tuloy bago ang sapatos ko kapag pasukan, kapag pasko,
kapag bertdey ko, o kung nakatanggap ako ng honors sa klase.
Ginagawan
pa niya ako ng ekstrang sapatos kapag may mga tira-tirang balat at
tela.
"Buti ka pa Karina, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang
pamana
ng ate ko. Sa 'kin napupunta lahat ng pinagkaliitan nya," himutok
ng
isang kaklase.
Nasa Grade II na ako nang muling magbuntis si Nanay. Kay tagal
naming hinintay na magkaroon ako ng kapatid. Sabi ng Lola ko, sinagot na
raw
ang matagal nilang dasal na masundan ako.
"Naku, magkakaroon na pala ako ng kahati sa mga sapatos! Pero di
bale, dalawa na kaming igagawa ni Tatay ng sapatos ngayon."
Habang nasa tiyan pa si baby, narinig kong nag-uusap sina Tatay at
Nanay.
"Nagpa-check up ako kanina. Sabi ng doktora, babae raw ang magiging
anak natin!"
"Talaga! Kung babae nga, pag-aralin natin ng ballet. Gusto kong
magkaanak ng ballet dancer! Ngayon pa lang ay pag-aaralan ko nang
gumawa ng mga sapatos na pang-ballet."
PERO HINDI LAHAT ng pangarap ni Tatay ay natupad. Nagulat kaming
lahat nang makita ang bago kong kapatid. Wala itong paa. Ipinanganak na
putol ang dalawang paa!
Nakarinig kami ng kung ano-anong tsismis dahil sa kapansanan ng
kapatid ko. Siguro raw ay binalak na ipalaglag ni Nanay ang kapatid ko kaya
kulang-kulang ang parte ng katawan. Nilusaw raw ng mga mapinsalang gamot
ang kanyang mga paa. Isinumpa raw ng mga diwata ng sapatos si Tatay dahil
mahal na itong sumingil sa mga pasadyang sapatos. O baka raw ipinaglihi si
Susie sa manika.
"Nanay, bakit po ba walang paa si Susie?"
"Nagkaroon kasi ako ng impeksyon anak. Nahawa ako ng German measles
habang ipinagbubuntis ko pa lang ang kapatid mo. At iyon ang naging
epekto," malungkot na kuwento ni Nanay.
Hindi na magiging ballet dancer ang kapatid ko. Malulungkot si
Tatay.
Araw-araw, ganun ang naiisip ko kapag nakikita ko ang mga paa ni
Susie.
Kaya pinilit ko si Nanay na muling pag-aralin ako sa isang ballet
school (dati kasi, ayaw kong mag-ballet).
"Pero,
Misis, bakit hindi nyo po subukang i-enrol si Karina sa piano, o
sa painting, o sa banduria class? Hindi yata talagang para sa kanya ang
pagsasayaw," sabi ng titser ko sa Nanay ko.
Nalungkot ako. Hindi para sa aking sarili, kundi para kina Tatay at
Susie, at sa mga pangarap na masyadong mailap.
SAKSI AKO KUNG paanong minahal siya nina Tatay at Nanay. Walang
puwedeng manloko kay Bunso. Minsan, habang kami ay nagpipiknik sa parke,
may
isang mama na nakakita kay Susie.
"Tingnan nyo o, puwedeng pang-karnabal 'yung bata!" turo nito kay
Susie.
Biglang namula si Tatay sa narinig. Tumikom ang mga kamao. Noon ko
lang nakitang nagsalubong ang mga kilay ni Tatay. Muntik na niyang
suntukin ito.
"Anong problema mo, ha?"
Mabuti't napigilan siya ni Nanay.
Isang gabi, habang nakahiga kami sa kama, narinig kong kinakausap ni
Tatay si Susie.
"Anak, hindi baleng kulang ang mga paa mo. Mas mahalaga sa amin ng
Nanay mo na lumaki kang mabuting tao at buo ang tiwala sa sarili." Masuyo
niya itong hinalikan.
Hindi tumigil si Tatay sa paglikha ng sapatos para sa akin. Pero
napansin ko, kapag sinusukatan niya ang paa ko, napapabuntung-
hininga siya.
Pagkatapos ay titingin sa kuna.
"Sayang, Bunso, di mo mararanasang isuot ang magagarang sapatos na
gawa ni Tatay" bulong ko sa kanya.
LUMAKI KAMI NI Susie na malapit ang loob sa isa't isa. Hindi naging
hadlang ang kawalan niya ng paa para makapaglaro kami. Marami namang
laro na di nangangailangan ng paa. Lagi nga niya akong tinatalo sa
sungka, jackstone, scrabble, at pitik-bulag. Ako ang tagapagtanggol
niya kapag may nanghaharot sa kanya. Ako ang tagatulak ng wheelchair
niya.
Ako ang ate na alalay!
Noon ko natuklasan na marami kaming pagkakatulad. Parehong magaling
ang aming kamay kaysa aming mga paa. Ako, sa pagpipinta. Siya, sa
pagsusulat ng mga kuwento. At oo nga pala, si Tatay, kamay rin ang magaling
sa
kanya!
MINSAN, GINISING AKO ni Susie. Sabi niya, nanaginip siya ng isang
pambihirang sapatos. Napakaganda raw nito sa kanyang mga paa.
"May paa siya sa panaginip?" gulat na tanong ko sa sarili.
"Maniwala ka, Ate, kay ganda ng sapatos sa panaginip ko. Kulay
dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap!"
Magbebertdey siya noon. At napansin ko, tuwing nalalapit na ang
kanyang kaarawan, nananaginip siya ng mga sapatos.
"Ate, nanaginip na naman ako ng sapatos. Kulay pula ito na velvet
at may malaking buckle sa tagiliran."
Binanggit din niya sa akin ang sapatos na kulay asul na bukas ang
dulo at litaw ang mga daliri niya. Ang sapatos na puti na may kaunting
takong at may ribbon na pula. Ang sapatos na yari sa maong na may burdang
buwan at mga bituin. Ang sandalyas na parang lambat. Ang kulay lilang
sapatos na may nakadikit na bilog na kristal sa harap.
Manghang-mangha ako sa kung paanong natatandaan niya maski ang
pinakamaliliit na detalye ng mga sapatos -ang disenyong bulaklak,
ribbon, butones, sequins, beads, o buckle. Inaangkin niya ang mga
sapatos na 'yon.
"Ate, paglaki ko, susulat ako ng mga kuwento tungkol sa mga sapatos
na napapanaginipan ko. Ikaw ang magdodrowing, ha?"
PAGLIPAS PA NG ilang taon, namahinga na si Tatay sa paglikha ng mga
sapatos.
Gumagawa na lamang siya ng sapatos para sa mga suking di
matanggihan.
Noong nagdaos siya ng kaarawan, niregaluhan ko siya ng isa kong
painting na may nakapintang isang pares ng maugat na kamay na lumilikha ng
sapatos.
Binigyan naman siya ni Susie ng isang music box na may sumasayaw na
ballet
dancer.
"Pinasaya nyo ang Tatay nyo," sabi ni Nanay.
Pagkatapos noon, naging masasakitin na siya.
Labindalawang taon si
Susie nang pumanaw si Tatay.
ISANG ARAW, HINDI sinasadya'y napagawi ako sa bodega.
Naghahalungkat ako ng mga lumang sapatos na puwedeng ipamigay sa mga bata
sa bahay-
ampunan Sa paghahalughog, nabuksan ko ang isang kahong mukhang matagal nang
hindi nagagalaw. Naglalaman ito ng maliliit na kahon. Mga kahon ng
sapatos na maingat na nakasalansan!
"Para kanino ang mga sapatos? May umorder ba na hindi nai-deliver?"
tanong ko sa sarili.
Pero nang masdan ko ang mga pares ng sapatos na 'yon, nagulat ako.
Taglay ng mga sapatos ang pinakamahuhusay na disenyo ni Tatay. Iba-
iba ang sukat nito.
May sapatos na pang-baby. May sapatos na pambinyag. May pang-first
communion. May pangpasyal. May pamasok sa eskuwelahan. May
pangsimba.
May sapatos na pang-dalagita.
Lalo akong nagulat nang mabasa ang kanyang dedication sa nakasabit
na papel:
Para sa pinakamamahal kong si
Susie,
Alay sa kanyang unang kaarawan
Inisa-isa ko ang mga kahon. Lahat ng sapatos na nandoon ay para kay
Susie.
"Diyata't iginagawa ni Tatay si Susie ng mga sapatos"
Para kay Susie, lugod ng aking
buhay
Sa pagsapit niya ng ikapitong
kaarawan
Taon-taon, hindi pumalya si Tatay sa paglikha ng sapatos sa tuwing
magdaraos ng kaarawan si Susie! Sandosenang sapatos lahat-lahat.
Handog sa mahal kong bunso
Sa kanyang ika-12 kaarawan
Napaiyak ako nang makita ang mga sapatos. Hindi ko akalaing ganun
pala
kalalim magmahal si Tatay. Binitbit ko ang sandosenang sapatos at
ipinakita ko kina Nanay at Susie.
"H-Hindi ko alam na may ginawa siyang sapatos para sayo, Susie."
Namuo
ang luha sa mga mata ni Nanay. "Inilihim niya sa akin ang mga
sapatos?"
"A-Ate, ito ang mga sapatos na napanaginipan ko?" Hindi
makapaniwalang
sabi ni Susie habang isa-isang hinahaplos ang mga sapatos.
"Ha?"
Noon ko lang naalala ang mga sapatos na ikinukuwento ni Susie.
Dilaw na tsarol na may dekorasyong sunflower sa harap. Kulay pulang
velvet na may malaking buckle sa tagiliran. Asul na sapatos na
bukas ang
dulo at litaw ang mga daliri. Kulay puti na may kaunting takong at
may
ribbon na pula. Sapatos na yari sa maong na may burdang buwan at mga
bituin.
Sandalyas
na parang lambat. Kulay lilang sapatos na may nakadikit na bilog na
kristal sa harap.
Naisip ko, tinawid kaya ng pag-ibig ni Tatay ang mga panaginip ni
Susie
para maipasuot sa kanya ang mga sapatos?
Hindi ko tiyak.
Ang tiyak ko lang, hindi perpekto ang buhay na ito. Gaya ng hindi
perpekto ang pagkakalikha sa kapatid ko. Pero may mga perpektong
sandali. Gaya ng mga sandaling nilikha ni Tatay ang pinakamagagarang
sapatos para kay Susie.