|
|
Sa Gitna ng Kawalan
Nakaka-frustrate ang buhay. Para itong isang walang katapusang sakay
sa Ferris Wheel, pa-ikut-ikot, walang pinatutunguhan, taas-baba, nakakahilo,
nakakasuka. Gigising ka ng 7 ng umaga, pipili ng damit, maliligo, magme-make-up,
hahanap ng walang run na stockings, magsasapatos, bibiyahe papunta sa
opisina, hahabulin ang bundee clock, magbubuntung-hininga dahil late na
naman, sasakay sa elevator, mag-gu-"good morning po" sa lahat
ng tao hanggang makarating sa sariling mesa, magbubuntung-hininga bago
buksan ang computer at tuluyang magpaka-buwang buong araw.
Buntung-hininga. Ganito ba talaga ka-unfair ang buhay? Nursery, kinder,
anim na taon sa grade school, apat na taon sa high school, apat na taong
nagpakahirap mag-prove ng mga tiyorema sa BS Math course ko, dalawang
taong nanghula sa mga problem set sa Masters, lahat ba ng ito'y sinasayang
lang talaga sa opisina? Nananadya ba ang tadhana? Bakit niya ako hinayaang
magpakabaliw sa triple integration, abstract algebra, complex analysis
at gamma distribution para lang mag-encode ng mga numero sa trabaho? Bakit
ko ba sinaulo pa noon ang mga tiyorema sa pagkuha ng derivative, gayong
ang pinakakumplikado nang mathematical operation na ginagamit sa opisina
ay division? At mangyari pa, hindi manual na division, kundi ginagamitan
lang ng mouse. Siyempre, palibhasa'y lahat ng gawain sa opisina ay minamadali,
wala nang panahon para sa long method ng division na natutunan natin noong
grade four. Bakit ba ako nagpakahirap intindihin ang regression, samantalang
"Edit -> Fill -> Series" lang ang pinipindot sa Excel?
Buntung-hininga. Hindi ko alam kung alin sa mga sumusunod ang irrelevant
ang math, ang sistema ng edukasyon, ang trabaho ko, ang buhay ko,
o ako? Nakakainis. Mag-aaral ka ng matagal na panahon, tatamnan ka ng
kung anu-anong values at ideyalismo ng iyong mga guro, pagdating mo sa
labas, pag nagtatrabaho ka na, araw-araw na kakayurin ang iyong kaibuturan,
dahan-dahang dudungisan ang iyong mga values, pilit na tinatapak-tapakan
ang iyong ideyalismo.
Baka naman kasi nasa maling trabaho ako. Baka naman kasi mali lang ang
pananaw ko. Baka naman kasi dapat hindi na lang ako umalis sa unibersidad.
Baka naman kasi destined talaga ako maging guro, at hindi ko na iyon dapat
iniwan dati.
Gusto ko uling magturo, sapagka't naroon ang kaligayahan ko, at doon ko
nadarama ang fulfillment. Mas maligaya akong nakakakita ng mag-aaral na
tumatango pag nagpapaliwanag ako, kaysa ma-compute ko na mataas ang market
share ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Mas gugustuhin ko pang makipagkulitan
sa mga estudyante ko sa canteen, kaysa makipagtitigan sa computer ko hanggang
sa maghang ito.
Makakapagturo pa kaya ako ulit? Matitiis ko pa kayang mamigay ng mahihirap
na exams, exams na kung saan napag-iisip talaga ang mga estudyante, gayong
alam ko namang pagka-graduate ng mga estudyante ko, wala rin namang lugar
sa mundo ang derivatives at integrals na itinuturo ko sa kanila? Theoretically,
oo, may application ang mga itinuturo ko. Pero nang sumilip ako sa industriya,
na-frustrate ako sa nakita ko.
Nasa gitna ako ngayon ng kawalan. Magkukulong ba ako sa katahimikan ng
akademya at tuluyang lisanin ang nakasusukang industriya o makikipagsabayan
sa mapait na realidad dito?
Mamaya, kung hindi ko kailangang mag-over time, makakauwi ako ng maaga,
tatayo sa bus, sasakay ng tricycle, kakain pag dating sa bahay, manonood
ng mga soap opera, matutulog para makagising ng 7 bukas ng umaga. Araw-araw,
paulit-ulit, wala talagang pinagkaiba sa Ferris Wheel. Sa ngayon, tigil
na muna itong pagmumuni-muni. May pinapa-rush na naman si Boss.
|