Tutorial
Essays
Links
Guestbook
old_classroom
Home

Pabaon…

Bukas aakyat ka na sa entablado. Kukunin mo ang katibayan ng iyong pagtatapos. Kakamayan mo ang punong-guro. Saglit kang matitigilan, mag-aalangan sa susunod na hakbang. Ngingiti sa iyo ang punong-guro, pati na rin ang dating guro mo na nag-aabot ng mga diploma sa punong-guro. Sa pagmutawi ng mga ngiting iyon, mararamdaman mong iyon ang kanilang paraan ng pagsabi sa iyong, "Huwag kang matakot sa hinaharap… Apat na taon kang hinubog ng paaralan upang kaharapin ang anumang dagok… Magtatagumpay ka…"

Bukas pagbaba mo ng entablado, madaraanan mo ang dati mong mga guro. Hindi tulad ng dati, kakaiba ang anyo nila para sa iyo. Hindi na sila ang mga terroristang nagbibigay ng pagsusulit kapag maingay ang klase. Hindi na sila ang mga nakaaantok na tinig na humehele sa iyo tuwing hapon. Hindi na sila ang mga taga-sauli ng mga namumulang papel na iwinasto. Hindi na sila ang mga Kastilang prayleng istrikto sa pagdidisiplina. Bukas, kakaiba ang anyo nila para sa iyo. Sila ang mga unan na halos pisatin at pigain mo na sa pag-akap. Bibingiin mo sila sa mayabang mong sigaw na, "Miiiiiiiss, graduate na ako!"

Bukas paglabas mo sa bulwagan, pipitik ang sandamukal na kamera. Magkukumpulan kayo ng iyong barkada, mala-anghel na laba sa Tide ang mga gala uniform, ngingisi, poporma, magpo-posing sa mga kamerang walang humpay na kumikislap, ninanakaw ang mga huling sandali ng pagsasama, huling sandali sa mataas na paaralan, huling sandali ng kabataan.

At oo, bukas, aagos ang luha. Magpapakasenti ang buong barkada. Mag-iiyakan, magtatawanan, sabay na tatawa't iiyak, magpapalitan ng kung anu-anong mga remembrance, mag-gu-group hug. Kakaibang group hug ang magaganap bukas. Hindi ito tulad ng mga dating group hug matapos magpasa ng isang pangkatang proyekto. Hindi ito tulad ng mga dating group hug kapag nagre-retreat ang klase. Bukas, ang group hug ninyo ay may halong agam-agam, pag-aalangan. Bukas, ang group hug ninyo ay mas mahigpit, animo'y nakikiusap sa langit na pansamantalang patigilin ang oras, o di kaya'y pahintulutan Niya sanang magkakasama pa kayo sa darating na pasukan. Subali't paano nga ba kayo magkakasama-sama pa ng iyong barkada - dalawa ang papasok sa UP Diliman, dalawa sa UP Manila, dalawa sa UST, isa sa Assumption, isa ang mangingibang bansa, at ang anim na magkakasama sa Ateneo ay iba-iba naman ang kurso…

Bukas, halos hindi matapos ang pagkaway ninyo ng "Bye!" gayong sa daan pauwi, isa-isa mo rin namang ite-text ang barkada tungkol sa dinner gimik ninyo bukas. At bukas mapapaisip ka nang malalim…

Kay raming pagbabago ang darating sa inyong mga buhay. Ang dating salu-salo, ang terriyaki ni Jen, ang siomai ni Marion, ang "hati tayo sa baon ko" at "tara, canteen tayo" tuwing lunch time ay hindi na mauulit. Kailanman. Mapapalitan ito ng dinner sa Greenbelt 3 o sa Rockwell o sa Libis. Ang dating pasahan ng post-it sa gitna ng klase ay mapapalitan na ng mga text messages at e-mail, na habang lumalaon ay unti-unting dumadalang….(huwag naman sana). Ang dating crush ng bayan (o yung cutie noong fair) ay magiging boyfriend sa kolehiyo ng isa ninyong kaklase. Ang mga kwentuhan ninyo tungkol sa mga guys ay unti-unting magpapalit mula sa crush patungong suitor hanggang sa boyfriend, tapos fiancé hanggang sa…ahem, asawa.

Sa mas malalim na banda, ang mga dating ideyalismong i-tina-type mo sa iyong reflection papers ay unti-unti mo nang mararanasan at isasabuhay. Habang daan, susubukan ang iyong mga pagpapahalaga at pananampalataya, papipiliin ka sa mga mahihirap na desisyon, paglalakbayin ka sa masusukal na gubat ng buhay, ilulublob ka sa tubig-alat at kalaliman ng karagatan nang hindi ka handa, pipigain ang utak mo, itatali ka, pipiringan ang mata, aabusuhin, guguluhin, lilituhin, paluluhain, bibiguin…

Subali't tulad nga ng kahulugan ng ngiti ng iyong guro noong graduation, "Huwag kang matakot sa hinaharap… Apat na taon kang hinubog ng paaralan upang kaharapin ang anumang dagok… Magtatagumpay ka…"

Jan 29, 2003
To my Assumption students

TUTORIAL   |   ESSAYS   |   LINKS   |   CLASSROOM   |   GUESTBOOK   |   HOME

Violent reactions? e-mail me at teachermara@yahoo.com