Always be prepared to give an answer to everyone who asks you to give the reason for the hope that you have. But do this with gentleness and respect. 1Peter 3.15
Home Cults Free Articles Faith Contact Us Help Us

Up
Early Beginnings
Mission & Vision
Goals & Plans
Perspectives
What's New
Useful Links

Isang Bukas Na Sulat Para Sa Taga-Iglesia Ni Cristo (1914)

Send your comments

Mahal kong mga taga-Iglesia ni Cristo (1914), huwag ninyo sanang masamain ang liham na ito sapagkat ang layunin lamang nito ay upang matulungan kayong mabuksan sa katotohanan na ang grupong inyong kina-aaniban ay nagtuturo ng ebanghelyong naiiba sa mga itinuturo nina Apostol Pablo. Ang ipinangangaral ni G. Felix Ysagun Manalo ay ang Iglesia ni Cristo, “His mission was specific to preach the Iglesia ni Cristo” (Pasugo/May-June 1986, p. 8) samantalang ang ipinangangaral naman nina Apostol Pablo ay si Jesu-Cristo mismo:

  1. Ipinaliwanag [ni Pablo] at pinatunayan na kinakailangang magtiis ang Cristo at muling mabuhay. “Ang Jesus na ipihahayag ko sa inyo ang siyang si Cristo,” sabi niya. Gawa 17:3, (NPV)

  2. Ang ipinangangaral namin ay si Cristong ipinako sa krus na nagiging katitisuran para sa mga Judio, at kamangmangan para sa mga Hentil. 1 Cor. 1:23 (NPV)

  3. Nang pumunta ako sa Troas upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo [pagkapako, pagkamatay at pagkabuhay na muli ni Jesus], binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon. 2 Cor. 2:12 (NPV)

  4. Hindi namin ipinangangaral ang aming sarili kundi si Jesu-Cristo na siyang Panginoon… 2 Cor. 4:5 (NPV)

Walang maipapakita kahit na isang talata ang I.N.C. (1914) na nagsasabing ipinapangaral ng mga alagad ni Jesus ang mismong “Iglesia ni Cristo” sapagkat ibang-iba ang kanilang ebanghelyo. Kung babasahin ninyo ang artikulo ng Pasugo magasin tungkol sa mga nakumberte nila ay mapapansin ninyong walang anumang testimonya ng pananampalataya at pagbabago ng buhay dahilan sa Panginoong Jesu-Cristo bagkus ay ang pinang-galingan nilang relihiyon papunta sa pagiging miyembro ng Iglesia ni Cristo o di kaya’y pagkakaiba ng mga gawain ng I.N.C. (1914) ang binibigyan ng diin. Kaibigan, hindi sa pagiging miyembro ng I.N.C. (1914) nagkakaroon ng kaligtasan at pagbabago ang isang tao kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. Ang sabi ng 2 Corinto 5:17:

“Kaya kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bagong nilalang. Ang dating bagay ay lumipas na, kaya siya’y lubos na bago.”

Sinabi ba na “ang sinuman ay nasa loob ng Iglesia ni Cristo (1914)? Hindi, bagkus “ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bagong nilalang.” Alam ng Diyos na hindi mo pa natatamo ang tunay na kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesus. Batid din Niya na hindi ka pa matuwid sa Kanyang harapan. Ang sabi sa Efeso 2:8-9:

“Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas (past tense, tapos na), sa pamamagitan ng pananampalataya (kay Jesus) – at ito’y hindi mula sa inyong sarili (sariling pagsisikap, legalismo), ito’y kaloob ng Dios (regalo Niyang si Jesus) – hindi sa pamamagitan ng gawa (Lumang Tipang kautusan man o kahit na anupamang gawa ng tao na idaragdag sa biyaya ng Diyos), upang walang sinumang magmapuri (o magyabang sa harapan ng Diyos).”

Ito din ang sinabi sa Tito 3:5: “Iniligtas (past tense, tapos na) niya tayo, hindi dahil sa mabubuting gawa natin kundi dahil sa kanyang kahabagan. Iniligtas (past tense, tapos na) niya tayo sa pamamagitan ng paglinis ng muling kapanganakan (“born-again”) at pagbabagong likha ng Espiritu.”

Maaaring ikatuwiran mo ang tungkol sa Santiago 2 na kinakailangang may kalakip na gawa ang pananampalataya. Dito hindi maunawaan ng mga tao ang tungkol sa katuruang ito na tila ba ay pinag-aaway nila sina Pablo at Santiago. Pakatandaan mo na nagiging matuwid ang tao sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya at ito ang pananampalatayang nakapagliligtas. Ngunit nagiging matuwid naman ang tao sa harapan ng tao sa pamamagitan ng gawa at ang “gawa” na ito ay hindi nakapagdudulot ng kaligtasan bagkus ay nakapagpapaganap lamang ng iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Basahin natin ang sinabi ni Santiago:

“Hindi ba itinuturing na matuwid ang nuno nating si Abraham nang ihandog niya sa dambana si Isaac? Dito’y makikita ninyong (ng mga tao) magkalakip ang kanyang pananampalataya at gawa. Dahil sa kanyang ginawa ay naging ganap ang kanyang pananampalataya. At natupad ang sinasabi ng kasulatan, ‘Nanampalataya si Abraham sa Dios. Dahil dito, siya’y ibinilang na matuwid.” 2:22-23 (NPV) 

Ito ang dahilan kung bakit ang isang taong nagsasabing tumanggap daw siya kay Cristo at hindi makita sa kanya ang mga mabubuting gawa ay maaaring nagpapanggap lamang. Kung totoo ang kanyang pagtanggap at pananampalataya sa Panginoong Jesus ay kinakailangang makita natin ang mga prutas ng Banal na Espiritu (cf. Galatia 5:22) sa kanyang buhay. Ang pagtanggap ba kay Jesu-Cristo bilang Panginoon ay nasa Bibliya? Basahin natin sa Colosas 2:6:

Kaya nga, yamang tinanggap ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo nang nararapat sa kanya, nakaugnay sa kanya (hindi sa “sugo” o I.N.C. organization) lumalago sa kanya, nananatiling matibay sa pananampalataya…”

Katulad na rin ng sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga-Galacia ay ganito na rin ang aking sasabihin:

“Nagtataka ako kung bakit napakadali ninyong talikdan ang tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. Bumabaling kayo agad sa ibang ebanghelyo – na hindi naman tunay na ebanghelyo. Lumalabas na may ilang taong gumugulo sa inyo at pinagsisikapang baguhin ang ebanghelyo ni Cristo. Ngunit maging kami [kasama na ang mga Apostol, nagpapakilalang “sugo” o “mensahero”] o isang anghel mula sa langit, ang mangaral ng ebanghelyong naiiba sa aming ipinangangaral sa inyo, sumpain siya magpakailanman! Gaya ng nasabi na namin, gayon di inuulit ko ngayon, kung may mangangaral sa inyo ng ebanghelyong naiiba sa inyong tinanggap na, bayaan siyang sumpain magpakailanman!” (Galatia 1:6-9, NPV)

Gayon na lamang ang pag-babala ni Apostol Pablo na kinakailangan pang ulitin ang kanyang sinabing “ebanghelyong niiba.” Ano ba itong “ebanghelyong naiiba”? Ito ay ang ebanghelyo ng legalismo na nagdadagdag ng gawa sa simpleng nakaliligtas na pananampalataya ng mga Cristianong taga-Galacia kay Cristo. Ayon muli kay Pablo:

“Maliwanag na walang sinumang pawawalang-sala sa harapan ng Dios sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat ‘ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.’” (3:11, NPV)

Kung iyong pag-aaralan ang sulat ni Pablo sa mga taga-Galatia ay malalaman mo ding ang isang tao ay nagiging “anak ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo” (v. 26, NPV) at hindi ng pagiging miyembro ng isang organisasyon o pagsunod sa mga ipinag-uutos ng mga ministro nito. Maaaring isipin mo na ang mga “kautusan” dito na tinutukoy ni Pablo ay tumutukoy lamang sa kautusan ng Lumang Tipan, diyan ka nagkakamali. Ang “kautusan” na kanyang sinasabi dito ay maaari nating pairalin sa kahit  na anumang “legalismong kautusan” sa mga panahon natin katulad ng sa Pilipinas:

  1. Legalismo sa pananamit na idinaragdag sa simpleng pananampalataya kay Cristo na kinakailangang diumano ay maging kaaya-aya sa harapan ng Diyos tuwing sumasamba. Maaaring tama ang iyong layunin ngunit pakatandaan mong mabuti na kahit na anupamang klase ng kasuutan (na hindi malaswa) ang isuot ng isang taong gustong sumamba sa Panginoong Diyos ay hindi niya ito pinapansin. Sapagkat ang Diyos ay hindi tumitingin sa panlabas na kanyuan kundi sa puso. (1 Samuel 16:7) Ngunit kung inuudyukan ng Diyos na sambahin Siya ng ibang mga kababaihan ng naka-bestida at hindi ng naka-pantalon nasa sa kanila na iyon. Ngunit huwag nilang gawing matinding doktrina ang tungkol sa ganitong katuruan.

  2. Legalismo sa pagkain na idinaragdag sa simpleng pananampalataya kay Cristo na kinakailangang sundin ng bawat miyembro. Tandaan mo na ang sinabi ni Jesu-Cristo: “Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao kundi ang lumalabas ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos.” (Mateo 15:11, Magandang Balita Biblia) Sinabi din ni Pablo, “Bilang nakipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang pagkaing likas na masama. Ngunit magiging marumi ito sa isang tao kung ipalalagay niyang marumi…. Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil lang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis (kahit na “dinuguan pa iyan”) ngunit pagkakamali ang kumain ng isang bagay na makapagpapatisod sa iba.” (Roma 14:14, 20, NPV) Tandaan mo “Ang pagpasok sa kaharian ng Diyos ay hindi nakasalalay sa pagkain at inumin kundi sa katuwiran [pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus], kapayapaan at kagalakan sa Espiritu.” (v. 17) Samakatuwid kung sa tingin mo ang pagkain ng “dinuguan” ay hindi maganda sa harapan ng Diyos, itago mo na lamang ito pagitan mo at ng iyong Panginoon. Dahil ayon kay Pablo, “Anuman ang paniniwala mo tungkol dito, ikaw na lang at ang Dios ang dapat makaalam.” (v. 22) 

Tunay na napakaraming tao sa ating bansa ang nahuhulog sa bitag ng mga maling paniniwala at pananampalataya dahilan sa kulang sila sa panahong mag-aral ng Bibliya. Ito ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay kinakailangang sundin ang “marangal na ugali” ng mga taga-Berea. Basahin natin kung bakit nasabi ito ng Salita ng Diyos:

“Ang mga taga-Berea ay may mas marangal na ugali kaysa sa mga taga-Tesalonica, pagkat buong pananabik nilang tinanggap ang mensahe at sinasaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan kung totoo ang sinabi ni Pablo.” Gawa 17:11 (NPV)

Kung ating sasaliksikin at babasahin sa orihinal na Griyego ang salitang “sinasaliksik,” ito ay nanggaling sa salitang anakrinö na ang ibig sabihin sa literal ay “suriing mabuti” (to scrutinize), “imbestigahang mabuti” (to investigate), “tanungin” (interrogate), magpasiya (to determine). Bagaman ito ay tumutukoy sa Bibliya maaari din namang gawin ito sa Pasugo magasin ng I.N.C. (1914). Ano-ano ang dapat gawin ng bawat kaanib ng I.N.C. sa mga itinuturo ng kani-kanilang mga ministro sa magasing ito?

 

  1. Suriing mabuti kung saan kinukuha ng bawat ministro ang kani-kanilang mga librong reperensiya upang hindi ka mapahamak at basta na lamang tatango sa kani-kanilang mga paliwanag nang hindi man lamang nababasa ang mga librong pinagkukunan nila. May isang taga-I.N.C. akong nakausap na nagsabing wala siyang panahong magsaliksik. Nasa sa iyo na iyon kung wala kang panahon sa katotohanan. Tandaan mo na mayroon kang kapasiyahan sa iyong sarili na magsaliksik sapagkat ang napapaloob dito ay ang iyong kaluluwa.

  2. Imbestigahang mabuti ang mga taong kani-kanilang mga sinisipi. Katulad kay Dr. Charles Ryrie na isang Bible Scholar na binaluktot ng mga ministrong I.N.C. ang kaniyang gustong sabihin sa kaniyang Ryrie Study Bible upang palabasin na ang sumulat ay pumapanig sa kanilang mga paliwanag. Kasama na din rito ang pag-iimbestiga sa mga paliwanag ng marami pang mga marurunong sa wikang Hebreo at Griyego na kanilang sinisipi palagi. Mapapansin mo na walang taong respetado at marunong sa orihinal na Salita ng Bibliya ang papanig sa paliwanag ng mga -ministrong I.N.C. Isang halimbawa na lamang ay ang Isaias 9:6 na ang sabi ni G. Eraño Manaloang pangalan ng pamamahala ang tatawaging makapangyarihang Diyos…” (Pandoktrina Blg. 12, Serie-1976-77, p. 28) samantalang ang malinaw na ngang sinabi ng Bibliya “Sa atin ay isinilang ang isang sanggol, ibinigay sa atin ang isang anak na lalaki, at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang mga balikat. At SIYA’Y (tumutukoy lamang sa subject na ‘sanggol’ o ‘anak na lalaki’ at HINDI ‘pamamahala’) tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, MAKAPANGYARIHANG DIOS, Walang Hanggang Ama (galing sa Hebreo na salitang abiad na ang ibig sabihin ay ‘Ama ng Walang Hanggan’ na nangangahulugan lamang na wala Siyang pasimula), Prinsipe ng Kapayapaan.” Sa katunayan ang talatang ito ay kasunod lamang ng Isaias 7:14 kung saan ang sinabi din dito ni propeta Isaias ay “Ang dalaga ay magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki, at siya’y TATAWAGING EMMANUEL” (na ang ibig sabihin ay “ANG DIYOS AY SUMASAATIN” sapagkat si Jesus na mismo ang Makapangyarihang Diyos na tinutukoy sa Isaias 9:6). Patuloy lamang na hindi papansinin ng isang I.N.C. ang mga bagay na ito kung walang halaga sa kanya ang katotohanan at pati na ang kanyang sariling kaluluwa. Ang ginawa ni Eraño Manalo ay isang pagbabaluktot ng tunay na kahulugan ng Isaias 9:6 na hindi papanigan ng sinumang marurunong sa wika ng Bibliya.

  3. Tanungin mo ang mga kinauukulan katulad ng mga ministro mismo ng I.N.C. kung saan nila pinag-kukukuha ang kani-kanilang mga paliwanag. Tulad ng sinabi sa Pasugo magasin na si F.Y. Manalo diumano ay nag-aral sa Pacific School of Religion sa California ngunit ang katotohanan nito ay wala ang kanyang pangalan sa nasabing eskuwelahan. Isang pagpapatunay lamang ng pagsisinungaling ng mga ministrong I.N.C. tungkol sa tunay na pagkatao ng kanilang “sugo”. Na kung bakit noong 1922 lamang ipinahayag ni F.Y. Manalo na siya ang tinutukoy na “sugo” sa Pahayag 7:1-3 at hindi pa noong 1914. Maaaring sabihin nila sa iyo na hindi pa niya oras na ipahayag ang mga bagay na ito. Ngunit ang katotohanan nito ay noong mga panahong yaon ay nagkakaroon na ng kaguluhan sa I.N.C. na mismong ang kanyang mga ministro ang nagpapasimuno. Kung kaya’t kinakailangang niyang umimbento ng isang paliwanag upang mahawakan niya ang buong liderato ng I.N.C. at hindi siya kuwestiyunin sa kaniyang awtoridad. Para ka maka-siguro ay pag-aralan mo ang kasaysayan noon ng I.N.C. tungkol sa “Ora Rebellion.” Mayroon pa akong maidadagdag ngunit sapat na muna ito upang maunawaan mo ang gusto kong iparating.

  4. Matapos mong surin, imbestigahan at magtanong ay magpasiya ka kung patuloy kang magbubulag-bulagan sa mga katotohanan at patuloy mo pa ding susundin ang mga katuruan ng I.N.C. (1914) Tandaan mo na hangga’t hindi mo nagagawa ang mga bagay na ito ay hindi mo malalaman ang katotohanan. Ang sabi ni Jesus, “Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo!” Huwag kang matatakot na humiwalay sa isang relihiyong nagpapanggap na sila ang “tunay” sapagkat si Jesus mismo ang nagsabi “Malibang kayo’y sumampalatayang ako’y si Ako Nga ay mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” Juan 8:24 (NPV).

 

Tandaan mo na kapag naniwala ka sa tunay na Jesus ng Biblya ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan ngunit kung mali ang Jesus na iyong pinananampalatayanan ay mapapahamak ang iyong kaluluwa ng walang pagkakataong magsisi pa sa iyong maling desisyon. Hahayaan mo ba na ang mga taga-pangaral ng I.N.C. (1914) ang magpaliwanag sa iyo ng mga talata sa Bibliya? Isang aktibong miyembro ang tinanong ko tungkol rito at ang sabi niya ay wala raw siyang panahon na mag-imbestiga.  Kayo na lamang po ang magsuri. At sana sa pagbabasa mo ng liham na ito ay masumpungan mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo lamang! Pagpalain ka ng Diyos sa iyong pagsasaliksik.

 

Hirap ka bang makipag-usap sa mga kaibigan, kapamilya, kamag-anak, ka-opisina, o kamag-aral tungkol sa kanilang pananampalataya? Bakit hindi mo sila bigyan ng libreng babasahin tungkol sa kanilang grupo: I.N.C. (1914), Saksi ni Jehovah, M.M.C.C., Dating Daan, Oneness Pentecostals” o ng iba pa?

 The Bereans, Coordinator

Back to the Top

 

zzzzzzzz