Alejandro G. Abadilla
Ikaw, Huwan, ay kayumanggi. Iyan ay katotohanang hindi mo maaring itatwa: ang ikaw ay kayumanggi, hindi puti ni hindi dilaw.
* * *
Damhin mo ang kahalagahan ng iyong kulay. Ibangon mo ang iyong paniwala ang karangalan at kadakilaan ng iyong lahi--iyang iyong pagiging kayumanggi.
* * *
Datapwa, kung ang pagbabangon ay nangangahulugan ng pagkakaroon mo ng bagong paninindigan ukol sa kulay, bakit hindi ka makabangon ngayon, Huwan? Bakit hindi hanggang may pagkakataon ay kumilos ka? Ngayon ang pagkakataon para sa iyo--magbangon ka, magbago ka ng paniniwala!
* * *
Mag-aral ka, pag-aralan mo ang iyong kasaysayan. Ipamamata sa iyo ng iyong kasaysayan bilang tao at bilang lahi na ikaw ay may sariling katulad niya: na ikaw, sa kabila ng mga dantaong pagkalukob niya sa iyo, ay taglay mo rin ang sariling bigay ng kalikasan, at sa gayon, hangga ngayon, ay nananalaytay sa iyong ugat ang iyong matandang kaugalian, kultura, wika, at sining, na buong liwanag na pinatunayan ng mga palaaral, gaya nina Chirino, Rizal, Morga, Humbolt, Talavera, Blumentritt, Villamor, Zulueta, at marami pa. Hindi pa man nakasasapit dito si Magallanes, ang patunay ng mga mananalaysay, ay mayroon ka nang sariling pamahalaan, pananampalataya, mga batas, musika, sining, panitikan, wika at lahat ng bagay na taglay ng ibang bansa.
* * *
Kung iyan ay totoo, ay bakit hindi mo masabi nang tahasan at buong katapatan sa sarili at sa alin mang bansa na siya ay hindi higit sa iyo, na siya ay hindi lamang sa iyo sa lahat ng panunulukan ng buhay? Sa sandaling ang katotohangn iyon ay masabi mo nang walang pangamba, nang walang munti mang pag-aalinlangan, sa sandaling makakalag ka sa pagkakagapos niya sa iyo, ikaw , Huwan, ay hindi lamang magiging malayang lahi kundi sa iyong pagiging malayang lahi'y magiging matatag ka at malakas, kaya maligaya. Apuhapin mo, pilitin mong apuhapin ang nawaglit sa sarili, ang lakas ng Bathalang nasa-iyo.
* * *
Kaya, Huwan, hayo na, bangon sa pagkagupiling sa iyong Kahapong umalipin sa iyo. Harapan mo ang iyong Ngayon, magbago ka ng hanay, magbago ka ng paniwala. Hanapin mop ang iyong kaligtasan sa iyong kakayahan, sa iyong magagawa, sa iyong kaakuhan, sa lakas, ng Bathalang nasa-iyo.
* * *
Sa gayon, sa sandaling maitayo mo ang sariling karangalan at maipakilala mong hindi higit sa iyo ang alin mang lahi, tahasan mo nang masasabi na ikaw ay ganap nang malaya sa iyong pagkalahi, sapagka't ang layang matatamo kailangman'y hindi na hahagpos sa iyong kamay.
* * *
Magsimula ka, Huwan sa iyong sarili: sa pagmamahal ng mga bagay na iyo at sa iyong lupa'y katutubo.
* * *
Palabasin mo ang mga bagay na pambudhi at pangkaluluwa. Nariyan ang iyong kaligtasan, bilang tao at bilang lahi.