Home
 
About Tintin
 
News, features, creative, technical articles...all original...soon to be included in Tintin's 1st book...
 
Poetry...poetry...poetry...all original
 
Snapshots...pictures and more pictures!
 
Art Gallery: Paintings, Multimedia
 
Tintin's Portfolio
 
Don't forget to sign the guestbook!
 
Contact Us!
A special tribute to AIBO. Click now!
 
 
 
 
 
 

 

*
  home | search the site
*


* *
 
SHORT STORIES
 
 
 
 

Isang dakot na asin, isang sakol na kanin
Copyright © Kristine Sendy Comia del Rosario

Ayoko na sanang sulatin ito. Wari ko ba’y isa na naming mahigpit na pagpipiga ng lahat ng salita ang susuungin ko. Pero ika nga’y kung ayaw mo, huwag mo. Ano nga ba naman ang mangyayari sa taong ayaw? Tila naaalala ko pa nga noong ako’y bata pa, marahil ay sampung taon. Ayoko noong kumain pagkat pritong bangus at hindi tilapia ang aming ulam na isda. Sabi nga ng matatanda’y mabubusong raw ako kapag tinanggihan ko. Pasalamat pa nga raw ako’t biniyayaan ng Maykapal ng pagkain kahit ano pa man ito. At kung ano-ano pang satsatin ukol sa mga naghihirap at nagugutom, na papaano raw ako kapag may taong kumupkop sa akin at hainan ako ng asin at kanin? Sa kalauna’y nauwi rin ako sa gutom at pag-iyak. Sa aking pagiging pilian ay nauwi ako sa wala. Ngayo’y natatawa na lamang ako. Sutil na bata! Iyan ang napala ko!

Kakalimutan ko na sana iyon, sapagkat magpahanggang ngayo’y may pagkapilian pa rin ako. Subalit tila nga yata gumagawa ang Diyos ng dahilan upang matauhan ako….

Dumating siya sa buhay ko may tatlong taon na ang nakalilipas. Wala akong nakitang kakaiba sa kanya maliban sa pagiging tahimik. Hindi naman siya bungi ngunit bakit kaya ni hindi man lang ngumiti? Hindi rin naman ngongo o at-at ay bakit ayaw magsalita? May karikitan naman; maamo ang mga mata, at balingkinitan ang katawan. Marahil ay mahiyain nga lamang kaya ganoon. Subalit may kakaiba sa kanya na hindi ko mawari kung ano. Isang palaisipan…

Hindi naman nagtagal ay natanto kong isa pala siyang mabuting kaibigan. Isa pang magaling na manunulat. Nakasaad sa aking talaarawan ang aming mga maliligayang sandali, maging ang mga lungkot at pagpupunyagi. Siguro’y talagang pinagtiyap ng Diyos na maging magkaibigan kami. Subalit sa kabila nito’y may napansin akong kakaiba. Ewan ko, subalit tila may nais siyang sabihin sa akin na hinding-hindi niya maibunyag. Tila sa bawat pagtitig niya sa aking mga mata’y may mga luhang namumuo. Madalas ay nakakabinging mga sandali ang kasama naming ngunit hindi ko ininda ang lahat ng mga iyon.

Isang araw ay bigla na lamang niya akong niyakap at sa gitna ng pagluha ay may ipinagtapat siya sa akin. Walang kaabug-abog ay binigyang-laya niya ang mga salita at emosyong kay tagal nang nakapiit.

May isang taon pa lamang ang nakararaan nang lumayas siya sa kanila. Bitbit ang ilang pirasong damit at isang libong pisong pinag-ipunan pa, tinunton niya ang Kamaynilaan. Nagsasawa na raw siya sa kanilang pamilya na walang tigil sa pagbabangayan. Ayon sa kaniya’y hindi siya para roon. Hindi siya bagay roon at mas gugustuhin pa niyang magdildil ng asin kaysa sa kumain ng pagkaing masarap sa tingin subalit wala namang lasa.

Hindi man gaanong kasanay sa magulong mundo ng Maynila ay buong tapang niya siyang naglakad kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa. May ilang ulit din may nagtangkang bumastos sa kanya, subalit may ilang may malasakit naman ang sa kanya’y nagtanggol. Ilang beses ding may lumapit sa kanyang mga pulubi at tila mga isang lingo nang hindi nakatitikim ng pagkain. Hindi kawasa’y isinama niya ang mga ito sa isang tindahan at isa-isang ibinili ng tinapay at inumin. Sa kanyang pakiramdam ay iyon ang pinakamahalagang nagawa niya sa kanyang tanang buhay.

Hindi niya namalayan ang paglubog ng araw. Ni hindi niya alam kung saan na siya naroroon..Ni walang tiyak na lugar kung saan siya magpapalipas ng gab. Nang mga sandaling iyo'y naalala niya ang kanyang pamilya. Subalit ang mga sigawan at pag-aaway ang pilit pa ring umaalingawngaw sa kanyang tenga. Ang tanging naging panalangin na lamang niya'y ang proteksyon sa mga nakaambang kaaway.

Sa kanyang pagbubulay-bulay ay hindi niya namalayan ang isang dalagang marahil ay kasing-gulang din niya, dise-otso. Ito'y matamang nakatingin sa kanya at maya-maya pa'y ngumiti. Iyon marahil ang tugon sa kanya ng Maykapal. Matapos angpagsasalaysay niya sa kanyang kinasapitan ay tinungo nila ang isang squatters' area. Habang daa'y nagkuwentuhan sila. Napakabait ng dalaga at tila kaytagal na nilang magkakilala.

Pilit niyang ikinubli ang pandidiri sa kapaligiran niya. Tunay nga't pinabayaan na ng pamahalaan ang mga kaawa-awang kababayang ito! Kayraming batang gula-gulanit ang damit at tila hindi wasto sa pagkain. Ang mga matatandang uugod-ugod na’y tilang kulang din sa nutrisyon. Ang mga barong-barong ay pilit lamang ikinikubli ang mga butas sa pamamagitan ng mga karton, lumang dyaryo at goma para sa bubong na tila babagsak anumang oras. Kayraming langaw, lamok, ipis, daga….

Subalit isa lamang ang nakatinag sa puso niya. Pagbungad nila sa munting palasyo ng dalaga’y kagyat niyang napansin ang kaysasayang mukha at tila bulag at bingi sa nakalantad na kahirapan. Buong kasiyahan siyang pinatuloy ng isang mag-asawang nasa edad kuwarenta na tinawag na inay at itay ng dalaga. Sa kabilang tabi’y dalawang bata at isang binatilyo na pawing mga nakangiti rin at mababanaagan ng kanilang malugod na pagtanggap sa kanya. Matapos maipaliwanag ng dalaga ang kanyang sinapit ay nilapitan siya ng inay nito at niyakap. Tila nais niyang maiyak nang mga sandaling iyon! Iyon ay ang tanging pagtanggap na hindi niya malimutan! Ni hindi niya alintana ang dumi, ang ingay, ang gulo. Pakiramdam niya'y kasapi siya ng pamilyang ito!

Ilang sandali pa'y tinawag na sila upang maghapunan. Nangingimi siyang naupo katabi ng dalaga at sinilip ang nakahain - kamote at saging. Sa pakiwari niya'y hindi iyon sasapat sa kanilang pito. Matapos ang isang maikling panalangin ay humingi sila ng paumanhin sa kanya. Marahil daw ay hindi siya kumakain niyon. Subalit tinugon niya ito sa pamamagitan ng pag-abot sa plato ng kamoteng iniabot sa kanya. Binalatan, at kumagat siya dito at ngumuya na tila ngumangata ng pritong manok. Sa tatlong kamote at saging ay binusog nila ang kanilang mga sarili... hindi man busog, ang mahalaga’y nagkalaman ang tiyan. Matapos makakain ay nagpahinga na sila. Isang gula-gulanit nang banig at manipis na kumot at unan ang ibinigay sa kanya ng dalaga. Sa gitna ng mapaniil na lamok ay pinilit niyang pairalin ang antok. Subalit sumagi pa rin sa isip niya ang naiwang pamilya. Ni isang sulat man lamang ay hindi siya nag-iwan. Sadyang nais niyang matanto ng kanyang mga magulang ang sakit na idinulot nito sa kanya. Sa gitna ng mga kagat ng lamok at ang ginaw na tumatagos sa kalamnan, inanod siya ng isang mahimbing na pag-idlip.

Kinabukasa’y pinagsaluhan nila ang isang maliit na supot ng pandesal at kape. Maaga pang maglalako ng sampaguita ang dalawang bata at ang binatilyo nama’y sa talyer nagtatrabaho. Samantalang ang mag-asawa'y dyaryo't bote ang pinagkakaabalahan. Sapat naman daw ang kanilang kita. Sa awa naman ng Diyos ay may naisusubo kahit mumo. Isinama naman siya ng dalaga sa kanyang trabaho sa tahian. Mabait naman ang kanyang amo kaya't rinulutan siyang tumigil doon hanggang hapon.

Sa bawat araw ng pagtigil niya sa tahanang iyon ay may natutuklasan siya. Masaya ang pamilyang ito kahit walang salapi. Kahit nagdidildil sa asin. Kahit payak lamang ang pamumuhay. Kahit itinatakwil at pinandidirihan ng lipunan. Dito raw sa mga nakatira sa squatters' area nagmumula ang gulo, ang krimen, at kasamaan. Sila raw ay salot sa lipunan. Isang masamang tanawin sa Kamaynilaan.

Hindi niya namalaya'y mag-iisang linggo na pala siya sa tahanang iyon. Halos isang lingo na rin siyang nakikisalo sa kanilang pagkain, nakikisukob sa kanilang kumot at nakikitawa sa kanilang mga biro. Ngunit ngayon lamang siya nakatagpo ng kasiyahan sa buhay.

Kinasanayan na niya ang kumain ng kamote at saging, ng pandesal at kape. At nitong minsan nga'y nanlumo siya nang mabalitaang natanggal sa trabaho ang binatilyo at napakahina naman ng kita ng mag-asawa at ng mga bata at dalaga. Sa kumpas ng kamay sa pag-aantanda ng krus ay nakakain ang isang maliit na plato ng kanin at isang dakot na asin. May tila amoy na ang kanin at kinakikitaan na ng pagkapanis. Naibigay na niya ang nalalabi pa niyang salapi upang maipanustos sa kanilang pito. Kung hindi siya kakain ay magugutom siya. Mas lalo marahil siyang magiging pabigat kung magkakasakit pa siya. Subalit ito ang ipinagkalobb sa kanila ng May kapal. Isa itong grasya na nagmula sa Kanya. Sa gitaa ng pag-aalinlangan ay kumuha siya ng kanin at iyo’y isinubo. Kumuha ng asin at iyo’y isinubo upang magkalasa at mapawi ang asim ng kanyang kinakain. Gayon din ang ginawa ng iba. Patuloy pa rin sa paghingi ng paumanhin ang mag-anak sa nakahain subalit isinantabi niya ito. Walang masama ang lasa sa taong nagugutom. Wala nang lugar dito ang pagiging pilian. At lalong wala siya sa lugar upang umangal.

Ilang beses pa marahil naulit ang gayong sitwasyong asin at kanin lamang ang kanilang hapunan, at tanghalian, pagkaminsan pa nga'y wala na dahil sa kasalatan. Subalit nitong huling hapunan nila'y tunay siyang namangha. Sadyang kinapos sila ng araw na iyon. Ang asin at kanin ay sasapat lamang sa apat na
tao. Walang kakurap-kurap ay ipinaubaya sa kanya, sa dalaga at sa dalawang bata ang kaunting pagkain. Ang mag-asawa at ang binatilyo ay nagkasya na lamang na panoorin sila. Pilit niya namang iniaabot sa kanila ang kanyang parte ng kanin subalit sila'y tumanggi. Sila raw ang kumain sapagkat may bukas pa naman. Nagbabakasakali silang sa kinabukasana'y bumuti-buti na ang kanilang hapunan. Ni hindi siya makasubo dahil sa nakikita niyang kabaitan ng mag-anak. Naisin niya mang ipagkaloob ang kanyang asin at kanin ay ayaw nila talagang tanggapin. Talagang labis na ang kabaitan nilang ito...

Isang araw ay nagulat siya sa kanyang nabungaran sa tahanang iyon. Naroon ang kanyang inay at itay! Kung papaanong siya'y natagpuan ay hindi na niya inalam. Pero ang sabi-sabi'y may nakakita raw sa kanyang kakilala’t kagya't ipinaalam ito sa kanila. Kausap nila'y ang tinagurian niya na ring inay at itay. Katulad ng pagtanggap nila sa kanya noo'y ganoon din ang ginawa nila sa kanyang mga magulang. Nang gabi ring iyon siya umalis. Ayaw pa nga niya sana sapagkat napamahal na sa kanya ang pamilyang iyon. Matapos ang pamamaalaman ay iniabot ng kanyang magulang ang isang sobreng naglalaman ng sampung libong piso. Subalit ito'y kanilang tinanggihan, bagkus ay sinabing walang kapalit ang ipinakita nilang pagmamahal sa kanya. Subalit anhin man niyang basta iwanan ang itinuring na niyang pamilya ay hindi magawa. Masinsinan niyang kinausap ang mag-anak at ipinaliwanag na iyo'y hindi kapalit kung hindi tulong na nagmula sa kanila. Wala ngang kapalit ang pagmamahal. Subalit ika nga niya'y mula sa kanyang pagmamahal sa kanila ang salaping iyon. Dito'y hindi na sila tumanggi. Tanto niyang kailangan nila iyon. Ayaw niyang habam-buhay ay isang dakot lamang ng asin at isang sakol na kanin ang kanilang hapunan.

Lumisan siya sa lugar na iyon na baon ang mga masasayang sandali sa piling ng mag-anak. Luhaan niyang tinungo ang kanilang sasakyan at nang hindi na makatiis at bumalik ay ginawaran ng yakap ang kaniyang itinuring na pamilya. Paalam...paalam...salamat sa inyo.-.at kagyat nagbitiw ng salitang siya'y magbabalik.

Isang taon na iyon ay hindi pa rin ito mawaglit sa isip niya. Tinupad ang pangakong magbabalik siya at kadalasa’y may bitbit pa siyang pagkain at pasalubong sa mga bata. Naalala tuloy niya ang leksyon nila sa paaralan. Ang mga tao raw squatters ay masasama. Lundayan ng pinagtagpi-tagping kasinungalingan, kabuktutan. Subalit naisip-isip niyang pawang kabaliwan! Maanong tingnan ng mga nagsasabing iyon ang kanilang sariling mukha sa salamin nang rnalaman nilamg sila ang mas marungis? Hubad ang katotohanang sila'y nagdidildil sa asin at tunay na nagdarahop. Subalit salat man sila'y buo ang kanilang dignidad. Ano’t nagawa pa nilang kupkupin and isang tao samantalang ni sila’y walang kaning maisubo sa kanilang nangangatal na bibig?

Hanggang ngayo'y matalik pa rin kaming magkaibigan. Katuwaan nga nami'y walang pilian kung hindi'y gutom ang aabutin. May isang katagang malapit rin sa aming mga puso. Isang katagang tagapag-paalala ng lumipas…ng isang pagiging Pilipino. Wala naman, at nakatuwaan lang naming bumuo ng salita at sa tuwing bibigkasin namin ito'y vavakap sa isa't isa. Isang dakot na asin, isang sakol na kanin..

(Si Kristine Sendy C. del Rosario ay dating Associate Editor ng LAVOXA Magazine at LAVOXA Literary Folio.)

 


*