Alay sa Babaing Salat sa Kaluluwa at Katawan
(11/11/99 8:30:52 PM)
Hayan siya’t nang makilala niyo
Isang sa mga babaing nagkalat sa kanto
Walang kiyeme sa kanyang suot
Animo’y payaso sa kahaharot
Sa kanyang baywang na kekembot-kembot
Ang mga lalaki’y nangagsipag-tuon
Hayun si Jose na walang pambayad
Nagtiis na lamang sa kalilingon
Sa bawat lalaking hahawak sa kanya
Karugtong rin ang kanyang hininga
Dangan nga lamang at walang ibang paraan
Kundi ipangalandakan ang katawan
Umiiyak siya sa bawat haplos
Napopoot sa bawat pagulos
Natitigang na ang kanyang kaluluwa
Sa poot at pagdurusa
Hindi niya kasalanan ang maging aba
Kung walang matinong sumeryoso sa kanya
Kung nagawa man niyang maging makasalanan
Walang kaluluwa at katawan
Masdan niyong mabuti kanyang mga mata
Walang pagsidlan sa kanyang dinadala
Wari’y nadidiri na rin sa kanyang asta
Nais lamang niya’y pantawid-gutom sa pamilya
Subalit sa buhay ngayon ano ang laban niya?
Wari niya’y bingi na ang hustisya
Ano ang laban ng isang dukha
Sa yaman nilang mga dakila?
Sa dugo ba ng kanyang amang
sinaid ng mga kriminal,
sa nanunuot bang hinagpis sa dibdib
ng kanyang ina,
sa puspos bang paninimdim ng kanyang puso
sa kayraming buhay na napatianod
sa walang silbi at naghihikahos
MAY MAKIKINIG PA BA?
Sa Saliw ng Lapis
Kumukulo ang sikmura,
Nangangasim ang mukha
Sa malamig na semento’y
Doon nangaghalumbaba.
Ano ito’t kayrarami nila?
Sa saliw ng tugtog ng kalsada,
Hind magkamayaw ang madla,
Hinampo sa Diyos ay nagwawala.
Sabi ng mga pulitiko sila’y sa mahirap
Ngunit hayan pa rin sila -
Naghihingalo na’y wala pa rin,
Ang tulong na pinakaaatim.
Anong kaya ko gayong ako’y isang aba
Tiim-bagang nakatitig sa kanila
Hindi mawatasan ang gagawing hakbang
Mabuting magsulat na lang.
Bituin
Ilaw na umaandap-andap sa kadiliman
Sa saliw ng tugtog na hindi maintindihan
Kayraming koloretes ng katawan
Walang pag-abutan ng ikli ng salawal.
Hindi magkamayaw sa pagtungga ng gin
Sabayan pa ng askal na pulutan
Lasing na ang lahat ay hindi pa rin paawat
Hayun at susuray-suray sa daan.
Ano itong usok sa karimlan?
Kayrami atang kaysipag gumawa
Subalit ano ito’t pot session pala
High na naman sa sobrang droga.
At sino itong nakatitig sa kawalan?
Animo’y lukaret sa kanyang pag-iisa
Ano kamo’t iniwan ng asawa?
Hayun at tuluyan na ngang naluka.
Ano’t kayraming bubuwit sa kalsada?
Kay kukulit, nangungurot pa
Maka-ambot lamang ng konting kusing
Pambili daw ng pagkain, para sa bosing pala.
Ilaw na umaandap-andap sa kadiliman
Ano’t wala kang magawa?
Ikaw ba’y tutungo na lamang sa madla
Habang pinanonood mo silang kaawa-awa?