The poem that sparked the Adopt-A-Chair project ...

KAWAWA NAMAN SILA .....

Ang tagal kong inisip, kung ako ay sasagot

Galing ninyo sa pagtula, baka di ko maabot

Baka kung magkamali, ako ay malagot

Pati pagkalalaki ko, bigla na lang lumambot

Pero biglang naisip ko, bakit ako matatakot

Bakit hindi subukan, sa tulaan sarili ay isangkot

Kaya heto ako, lahat ng buhok ay sinasabunot

Sa kaiisip ng paksa, at kahit anong samot-samot

Itong ating samahan, totoong nakakatuwa

Sa kuwentuhan, sa lokohan, di ka magsasawa

Mga jokes ni Ellen, nakakatigil ng ginagawa

Pagsasayaw ni Jane, nakakatulo ng luha

Sa aking pagsusulat, nitong aking abang tula

Hindi mapigilang, paminsan-minsan ay magitla

Bigla na lang titigil, at biglang matutulala

Dahil sa kaiisip, sa mga kababayang kawawa

Napakaraming Pilipino, ngayon ay naghihikahos

Kaguluhan sa Mindanao, hindi matapos-tapos

Presyo ng U.S. dollar, baka mag-singkuwenta'y dos

Habang kanilang pangulo, ay nasa Estados Unidos

Dahil sa bagyo at baha, dumami lalo ang may tipos

Marami ang nagtitiis, sa pagkain ay kinakapos

Kanilang paghihirap, parang hindi matatapos

Wala nang magawa, kung hindi tumawag sa Diyos

Tayong lahat ay mapalad, kahit paano ay maayos

May kaunting kabuhayan, mga anak ay napagtatapos

Ano kaya kung tayong lahat, ay magkabugkos-bugkos

Kahit paano'y makatulong, sa kanilang paghihikahos

Itong namang sinabi ko, huwag ninyong pagkaisipin

Pero ang panukalang ito, sa puso ko nanggagaling

Sa mga ilang taon pang, tayo ay magkakapiling

Sana tayo ay makagawa, ng maipagmamalaki natin

Hindi ko pa alam, kung paano ito gagawin

Sinasabi ko lang sa inyo, upang inyong isipin

Kung may alam kayo, na puwede nating gawin

Sa email ay sabihin, at pag-usapan natin.

Butch Santos