Ako ang Digmaan*

Ako ang digmaan.
Pakinggan mo ang aking garalgal
at nagdurugong tinig.

Pakinggan mo ako
sa pagluluksa ng mga balo,
ng kanyang anak.
Hindi ito mahirap gawin,
dahil ako ang digmaan
at dumadagundong ako.

Ang amoy ko ay singsangsang ng dugo at suka,
nasusunog na laman at buhok,
pagkabigo.
Ang amoy ko ay singbulok ng mababaw na libingan.

Masdan mo ako,
kung yari sa bakal ang iyong sikmura.
Dudurugin ko, pupunitin ko,
papatayin ko ang iyong anak
at magmumumog ng kanyang dugo.
Magsasayaw pa ako sa ibabaw
ng kanyang wasak at gutay-gutay na bangkay.
Dahil ako ang digmaan.

Bakit ang bilis ninyo akong nakalimutan,
sa tamang pagkakataon,
hahakbang akong muli.

Anong daling magbalik.

Pakinggan mo ang aking garalgal
at nagdurugong tinig.

Ako ang digmaan.

*Salin sa Filipino ng tulang "I am War" ni John T. Stigner
Ika-15 ng Enero, 2000/Indang, Kabite

Balik