ang hinahangaan ko’y isang baliw
 
alagad siya ng sining
iyon ang natitiyak ko
sa kanyang kilos at bihis
sa kanyang mga likha
 
isa pa lamang ako noong dalagita
sukdol-langit na ang aking paghanga
at kaytayog nang pagtingin ko sa kanya
 
bukod sa galing niyang manamit
(kahit ‘di naman talaga siya pogi)
talagang marami sa kanya’y bilib
 
marami siyang talento
iyon ang alam ko
matalinong istudyante
mahusay na manunula
katunayan nga’y marami siyang akda
na ako mismo ang una niyang tagabasa
at tagahanga
 
isa rin siyang pintor
pintor-kulapol
naiiba ang kanyang sining
naiiba ang kanyang ekspresyon
ang kanyang pagiging malaya
 
marami siyang kakatwang kilos
‘yan ang napansin ko
eksentriko
 
kung ano ang uso
sa kanya’y hindi ito uso
at kung ano ang hindi uso
sa kanya ito’y usong-uso
at ‘pag siya nama’y nakiuso
(o kaya nama’y nagpauso)
magtataka kang lalo
 
kagaya na lamang halimbawa
nitong pulseras sa paa
tanggap na naman ito sa ating moda
babae man o lalake
o kahit na anong kasarian
pero lubha siyang naiiba
kakaibang pulseras sa paa
‘yun bagang bagong singko sentimo
na may butas sa gitna
tinuhog-tuhog niya ito
ng sinalapid na hibla ng sako
at siyang itinali’t ipinalamuti
sa maputi niyang binti
aniya’y repleksyon daw ito
ng mapanghusgang lipunan
at kulang sa kaluluwang kulturang pilipino
 
palibhasa’y manunulat nga
minsa’y napansin ko siya
na may salamin na sa mata
bilog
pero nang aking masdan
wala naman talagang salamin
preym lang
at ang nakakagulat pa
sa tuwing kukusutin niya
ang singkitin niyang mata
itong pobreng salamin
ay iniaangat pa niya
at panaka-nakang bubugahan
ng kanyang hininga
sabay punas sa manggas ng kanyang kamiseta
 
at alam mo ba, ang kanyang mga akda
mga akdang siya lang yata ang nakakaisip lumikha
mga akdang siya lang yata ang kayang umunawa
 
mantakin mong pati ang bisyo niyang panonood
ng triple x sa betamaks
(at maging ang kanyang paggahasa sa sarili)
ikinatha ng tulang sa pamagat pa lamang
ay iiskandaluhin ng tiyak ang iyong kahinhinan
 
ayre pa ang matindi
nang minsang makaisip magplano
nang pagpaparenobeyt ng kanyang kuwarto
ang pinakaminimithi raw niyang disenyo
ay isang silid na mistulang kubeta’t banyo
 
baldosa ang sahig
ang swits ng ilaw ay gripo ng tubig
ang bukilya ng bumbilya
ay nasa loob ng dutsa
bath tub raw ang nais niyang kama
lababo ang lamesa
at inidoro ang silya
 
pati raw ang kanyang pabango
deodorant at pulbos
ililipat niya sa sisidlan ng kloroks
muriatic acid at albatros
 
magkaminsan,
sa panahon na siya’y abalang-abala sa kanyang sining
akin siyang pinagmamasdan
sabay aking paghihinalaan
na ‘di kaya ito’y naeengkanto
o ‘di kaya’y nalululong sa damo
dili kaya’y naaksidente ta’s nabagok ang ulo
o baka kaya naman
kulang lang sa buwan nang siya ay isilang
 
kaya nga,
‘di na rin ako magugulat
kung mabalitaan kong siya’y pakalat-kalat
doon sa gitna ng aming plasa
o kaya’y sa harap ng simbahan
habang nagbibilang
ng laksa-laksang layang-layang
 
subalit,
kahit pa maglakad siya ng hubad
o patuwad
kahit pa maisipan niyang lumikha
ng bagong alpabeto’t salita
at magpasyang manirahan sa ibang planeta
kahit pa siya’y pagkasunduan
na ipasok sa mental
kahit pa siya’y maging ganap na baliw
o buwang
o magkatililing
o magkatopak
ay patuloy ko pa rin siyang hahangaan
patuloy ko pa rin siyang iintindihin.
 
s’yanga pala,
ang hinahangaan ko’y ang aking kuya.

1995 / indang, kabite

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents