ang lalaki sa hula
(para kay gie)
 
sa bawat buklat ng baraha
ay pigil mo ang iyong hininga,
ika’y nakanganga
sa minimithi mong pag-asa
 
hinugot sa salansan
ang kahapon ng ‘yong buhay,
hinuhulaan ang ‘yong kahapon
na nais mo na sanang ibaon,
binabalasa ang kasalukuyan
na nais mo na sanang iwan
upang ang hula sa hinaharap
ay iyo nang makamtan
 
apat pang baraha
ang masuyong nakadapa sa tapete
ng iyong kapalaran
na sa iyong mapaniwalaing puso
ay nagpapakutob, nagpapalutang,
binuklat ang una,
bumulaga sa ‘yo ang reynang pula
isinunod ang nasa ilalim
at ngumiti sa ‘yo ang reynang itim
 
saglt na nagmuni-muni
ang magiting na manghuhula,
hinimas ang kanyang bigote
at saka tumitig sa sabik mong mukha
pagkaraka’y nagwika:
"may dalawang babae
sa ‘yong kasalukuyan
na magdidikta ng iyong kinabukasan"
 
nagpatuloy siya sa pagbasa ng baraha,
kagyat na tumingala
ikaw rin ay napatingala
ngunit sa malas
kulabo ang kisame ng pag-asa
wala kang makita
kundi ang agiw ng ‘yong mga gunita
 
muli’y nagtihaya
ng isa pang kartong parihaba
sa nalalabing dalawang baraha,
gumulantang ang haring itim
sa pag-asa mong naninimdim
at isa pang baraha
ang muli sa ‘yo’y naghatid saya
nang malantad ang korona
nitong haring pula.
 
abot sahig ang ‘yong ngiti
sa bagong pag-asang bumati,
tumalilis ang tanong:
sa edad mong kuwarenta y seis
sino kayang biyayang suwerte
ang katumbas ng lalaki sa hula?
 
subali,
kidlat ang katotohanang:
ang hula
ay hula.

ika-25 ng abril, 1997 / kalakhang maynila

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents