apartment # 8
 
[klik.
channel 2
volume: 7
brightness/contrast: +34
display: theater]
 
[part 1]
 
walong ga-kahon ng posporo
ang pinagdikit-dikit
sa pinagdugsong-dugsong na andamyo.
tirahan daw ito ng tao
kung panahong ang kulog at kidlat
ay para bagang nag-uunahan.
 
[commercial]
 
sa panabihan nito ay may makipot na kanal.
doon ay may selebrasyong nagaganap.
nagkakarera ang mga beha
na pinapanood ng mga naglulundagang ipis
habang ang mga patay na daga
ay pinaglalamayan ng langaw
na galing sa almusal ng panis na bahaw.
 
dalangin ko’y ‘wag kukulo ang tiyan.
pagkatapos kumain ng hapunan.
ayaw kong makipaglipon
sa anlalawa’t butiki
na nasa loob ng silid-kapanatagan
na gamit ng walong pamilya
kung kaya’t ang labi ng inodoro
ay may lipstik na tae
at kayat ng ihi ng kapit-silid kong babae.
 
[part 2]
 
susubukin kong ipikit itong pagal
na retina. dahil sa bagal
ng ikot nitong bentilador
at hirap na hirap na radyo
sa pagpik-ap ng paboritong istasyon
ang kama ay tila pinrito sa init
kaya kahit pawisan
at nakikipag-apir sa lamok
ay pipilitin kong matulog.
 
[lipat ng channel:]
 
bubuuin ko sa aking balintataw
na ang mundo’y hindi pa magugunaw.
iisipin kong magagandang binibini
ang nag-uumpok sa labas
sa halip na pulutong ng mga
kalalakihang naglalaro ng tong-its.
kunyari ay isang konsiyerto
na may nakakabusog na tugtugan.
hindi hiyawan
nitong aking kapit-bahay
na puro putang-ina
ang naririnig sa kanila,
na tuloy ay nagpapahumpyak ng aking sikmura.
 
iimadyinin kong ako’y nasa halamanan
nang mababangong orkidyas
o kaya nama’y kabukiran,
amoy pinipig
kung panahon ng anihan.
at nang ‘di manuot sa ‘king ilong
ang samyo ng lansa ng palengke.
at itinapong hasang sa kanal.
sawa na sa makahikang amoy ng katol
at usok ng sigarilyo
sa binilad kong damit
at sa turete kong isipan
ay laging nakakulapol.
 
sana’y wala ako rito
dito sa bahay na inuupahan
kundi’y nasa sariling tahanan
katabi ang paborito kong unan
habang gumagawa ng tulang makabuluhan
‘di tulad ng iyong natunghayan
nakakaduak kung titikman.
 
[klik]
 

ika-26 ng mayo 1994 / nasugbu, batangas

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents