asul ni axel

punit at kupas na ang aking maong
nakakatamad lumabas, tila yata aambon
upos ng sigarilyo’y akin na ring itinapon
kasama ng damdaming nakakulong sa kahon
 
‘di ako kayang aliwin ng maingay kong musika
kahit pa ng alak na ang hatid ay pait at pakla
‘di ako kayang pakalmahin ng balisang usok
kahit pa ng pagsuyong pangungutya ang dulot
 
sa loob ng nabubulok at aburido kong silid
ay may mata ng halimaw na pilit sumisilip
nanunukso at nakadila sa nabibiyak kong dibdib
hatid ay mapusyaw na kulay sa nakakalat kong isip
 
papasukin ko ba ang pintuang nag-aapoy?
sasalungain ko ba ang takot na dumadaloy?
gayong.....
sa bawat pagtatangkang umahon sa lagkit ng kumunoy
ang katawang lupa ko’y tila sa kawalan pa rin ang tuloy
ika-2 ng hulyo 1995 / kalakhang maynila

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents