Babaeng Nakakadala

Tumulo ang laway ko nang una kitang makita.
Madilim kasi kaya di ko napansin ang iyong maskara.
Malagihay pa ako sa alak na nainom,
kaya ang mundo ko ay pabalik ang inog.
Kagaya rin ng aking paghanga
sa katawan mong perpekto ang hubog.
Disinuwebe anyos ka na pala,
kaya kay lakas ng iyong loob
sa mga bawal na karanasan.

Nakailang beses pa tayong nagkita
sa mga patagong kasiyahan.
Di pa rin nagbago ang pagkagumon ko sa iyo:
sa katawang lupa mo
at panlabas na anyo.
Pero ako’y sigurado na wala itong halo
na emosyon ng puso.

Laking pagsisisi ko sa sinayang na oras,
sa pakikipagkuwentuhan,
sa pakikipagpuyatan,
sa pakikipagbolahan.
kay daming nasayang na sigarilyo,
bote ng serbesa at sopdrinks.
Dahil bigo akong nagising
sa isang panaginip na puno ng pagnanasa.
Dahil ikaw pala’y isang babae
na ang tanging kilatis ay ang magandang korte
ng iyong hita.

Sa huling pagkikita,
ang pakiramdam ko’y wala rin akong nahita.

ika-9 ng Pebrero, 1996/lungsod ng hen.santos

Balik