balitang gasgas

pagsabog ng may bahid-dilim pang liwanag
sa siwang ng atip na kinakalawang,
nag-inat ang mga kumakalam na sikmura’t
tumilaok ang mga ‘di pa nangaghihisong bunganga.
dumapo itong mainit-init pang diyaryo
sa sabik sa pahinga kong mga kamay,
at nagpanagpo ang tinta ng peryodiko
at ang mga nakasingsing kong kalyo.
 
ang balitang gasgas ay nakakatakot.
nakakarimarim.
halos humimay sa aking laman
ganap na nagpawala ng gana
sa isang amusal na walang ulam.
tatlong parte ng katawan:
pugot na ulo,
kulang sa daliring mga kamay
at kabiyak na suso
ang magkakahiwalay na natagpuan.
 
walang saksi ayon sa pahayagan.
op-dyuti ang kerteyker ng kapayapaan.
nakahilata sa tsapang pananggalang
sa sarili nilang kabuktutan.
nakasampay sa adik na upuan
ang uniporme nilang ‘di ginamit
sa ‘di makitang katotohanan.
‘di makita?
o sadyang ipininid la’ang ang mga mata?
 
at ang naunang naglakas ng loob
na ang biktima’y masdan
ay ang walang buhay na kislap ng kamera.
 
tanging ang bulaan at lukot na pahayagan
ang naging saksi’t kanlungan
ng ginutay na katawan
at pinaslang na buhay.

ika-20 ng mayo, 1994 / nasugbu, batangas

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents