biyaheng indang

animo’y mga langgam buhat sa nawasak nilang kutang-buhangin ang galaw ng mga tao sa ilalim ng lrt sa may baclaran. kaybibilis. nagmamadali. paano’y bukod sa dulong istasyon na ito ng dambuhalang tren sa ibabaw ng konkretong lansangan, sa ilalim naman nito’y matatagpuan ang terminal ng mga bus patungong mga probinsya na kanugnog ng maynila. kung kaya’t ang lugar na ito sa araw ay nagmimistulang kagubatan ng sasakyan, tao at kung anu-ano pang nilalang na likas at gawang-tao. matatayog ang mga puno ng gusali na namumunga ng french fries, chicken joy at rtw. ang bundok ng sinehan ay hindi mahirap akyatin sa tulong ng hagdanang kusang pumapanhik-panaog (iyon ay kung hindi brown out). ang mga kotse, dyipni, taksi at pedikab ay parang mga usang kay ilap at kay hirap hulihin. buti nga sana kung puwede silang barilin o panain at nang saglit silang mapahinto upang makasakay ang mga mangangasong pasahero.
sa aking pakikipagsiksikan na para bagang ako’y nakikipag-wrestling sa kapwa ko pasahero ay nakasakay at nakaupo rin ako sa nakapilang bus na patungong indang, kabite. prente akong sumandal at kinalong ang aking backpack, pagkatapos ay isinuot ko ang aking shades. gusto kong dumilim ang paligid at magmukhang gabi ang nakakapaso’t malagkit na sikat na araw sa bahaging iyon ng lungsod. mariin kong ipinikit ang aking mga mata at saka ko itinuon ang aking isip sa kasabikan kong makauwi.
 
para sa akin, higit na mas kasabik-sabik ang pag-uwi sa aming probinsya kaysa sa pagluwas patungong maynila. sa nakagawian kong pag-uwi ng lingguhan, ito lamang ang pagkakataon na makapiling ko ang aking mga magulang, matatanda na sila at hindi na kayang lumuwas ng maynila; at para maipahinga na rin tuloy ang pagal kong katawang-lupa. katawang-lupa na siya kong puhunan sa pagtatrabaho sa konkretong gubat na inaakala ng maraming ‘di pa nakakrating dito ay isang paraiso. sabagay, may paraiso talaga rito, doon yata sa may bandang roxas boulevard (o quiapo ba?), ang daming amasonang sumasayaw ng hubo’t hubad.
pinaslang ang pagmumuni-muni ko nang umistart na ang makina ng bus. maya-maya pa, unti-unting humalo ang usok ng sinuno na krudo sa tuyong hangin ng lungsod na unti-unti na ring iniiwanan ng naglalakbay kong isipan.
naidlip akong sandali at nagising sa may bandang coastal road. napagtuunan ko nang pansin ang ngayo’y kayraming konstruksyong nagaganap rito. dati-rati’y dagat at palaisdaan ito.
 
pagbabago’t pag-unlad.
 
anu-ano ba ang nabago tungo sa pag-unlad? ah, oo nga naman, kayrami ng nabago.
kunsabagay, sa lungsod ay halos wala namang pinag-iba mula noong nag-aaral pa lamang ako sa isang pambansang unibersidad sa may sta.mesa at kumukuha ng kurso sa pagka-inhinyero, walong taon na ang nakakaraan. at hanggang ngayon na nagtatrabaho na ako dito pa rin sa maynila ay wala naman halos diperensya. kung may pagbabago mang nagaganap ay hindi ko lang siguro pansin dahil mas napupuna ko ang ‘di na masolusyunang problema sa trapiko.
 
naidlip akong muli
 
"’mariņas, bayan! o, ‘yung mga pa-’mariņas d’yan! ale, bayan na ho ng ‘mariņas," narinig kong hiyaw ng konduktor sa isang pasaherong ‘di naiingli sa pagkakaupo.
dasmariņas na pala. medyo pababa na ang araw, kaya inalis ko ang suot kong antipara. bahagya kong kinusot ang aking mata at pinahid ko ng manggas ng aking kamiseta ang parang natutuyong luha na kumukulabo rito. gusto kong malinaw na mamasdan ang langit, ang kulay kahel niyang ulap.
sadyang kayganda ng langit noong hapong iyon. kayganda rin ng paglubog ng araw. kahit siguro sinong batikang pintor ay hindi kakayaning pantayan ang sining ng kumbinasyon ng kulay na gustong ilarawan ng pag-iral nito. kahit pa siguro mabuhay na muli sina amorsolo o van gogh.
 
nagiging sentimental ako.
 
ganyan talaga ako, mapamansin at mapanuri sa aking paligid na ginagalawa. nakagawian ko na kahit na noong bata pa ako. naniniwala kasi akong sa pagpuna’t pagsusuri nagsisimula ang anumang pagkilos na maari kong gawin. iyan rin ang batayan ko sa pagbubuo ng aking ideyalismo’t paniniwalaan sa buhay.
kagaya rin ng pagiging sentimental ko sa aking mga napupunang pagbabagong nagaganap sa aming probinsya. lalo na ngayon at binabagtas na ng bus ang datirati’y lubak-lubak at maalikabok na daan buhat sa kanto ng pala-pala hanggang trece martirez city. mahalaga sa akin bilang indibidwal ang daang ito, lalo na noong istudyante pa lamang ako’t kasagsagan ng aking mga pangarap sa buhay, noong babago pa lamang ako humahabi ng aking nais na maging mundo sa hinaharap. kaysarap nga namang gunitain ng nakaraan.
 
nagiging korni na ako ngayon.
 
dati kasi, nagkakaroon ako ng pagkakataong makapagnilay sa kung anumang bagay kung dumaraan na rito ang sinasakyan kong bus. sa lugar na ito malayang nakapaglalakbay at nangangarap ang gising kong isipan.
singtulin ng takbo ng bus ang aking pagbuo ng mga pangarap at ambisyon. noong panahong kaysarap pang gawing inspirasyon ang luntiang tanawing mamamasdan buhat sa bintana ng bus. nature-tripping ‘ika nga.
malamig sa mata. ginhawa ang hatid sa aking pisikal na katawan at emosyong pinabibigat ng mga suliranin ko sa lungsod.
 
kung bumibiyahe pa nga ako ng madaling-araw, ang pagaspas ng hangin ay mamasa-masa pang humahaplos sa aking pilipisan. may paborito akong panoorin noon, ang likas at inosenteng pingkian ng matatalas na bulo ng dahon ng kugon at talahib, doon sa tabi ng ilog sa ilalim ng tulay bago dumating ng trece martirez. na kung matindi ang sikat ng araw, tulad ng kristal sa kalinisan ang ilog na ito ‘pag tinatamaan ng sinag ang kanyang tubig.
 
may isa pang kasiya-siyang tanawin tanawin para sa akin. ito’y tuwing makikita ko ‘yung batang pilay at paika-ikang inaakay ang kanyang kalabaw buhat sa kanilang lupang sakahan. damang-dama ko ang sigla sa murang edad ng bata. marahil ay sigla ng pasasalamat sa kalabaw bilang katuwang sa kanilang ikinabubuhay. maari rin namang sigla ng pananabik sa pag-aantay sa panahon ng tag-ani.
at kung palubog na araw, pagod: subalit puno ng pag-asa ang paglalakad ng mga magbubukid buhat sa kanilang maghapong paglinang sa mga lupang sakahan.
 
mga senaryong ang hatid ay pinong kurot sa aking damdamin. damdamin ng isang nagmula rin sa pamilya ng magbubukid.
 
nakakaaliw ring pagmasdan ang mga palayan, maisan, pinyahan at tubuhan sa kanilang tuwid na tuwid na iras na para bagang nagmamartsang pulutong ng mga kawal. kung panahon ng tag-araw, hitik sa bunga ang mga puno ng mangga. halos humalik na ang mga ito sa lupa.
 
nakakapangasim!
 
tsk, iglap lang ay nawala na ang mga tagpong iyon.
 
sabagay, ‘yung huli pa rin naman ang nararamdaman ko magpahanggang ngayon.
 
pangangasim!
 
‘di na nga lamang dulot ng pagkatakam sa manggang hilaw. pangangasim na ngayon ng sikmura dulot ng mga mistulang dambuhalang panaderya na mayroon ding ga-higanteng pugon at tsimniya na bumubuga ng maitim na usok. usok na hindi man lang amoy pandesal bagkus ay amoy ng sinusunog na karbon.
 
nawala na ang mga luntiang bukid, naglalakihang gusali ng pabrika ang ngayo’y tuwid na tuwid na nakairas sa dating mga taniman. ang dating pilapi ay konkretong daan na ngayon ng mga subdibisyon.
 
ang hangin: nawala ang kapreskuha’t lamig. mamasa-masa pa rin naman ang aking pilipisan sa tuwing daraan ako rito. basa ng malagkit na pawis. wari ko ba’y pati hamog ay nag-alsa balutan na sa bahaging ito ng kabite. hindi na rin pala palay o mais ang dito ngayo’y inaani.
 
napansin kong ‘yung lugar na dati’y tubuhan at pinyahan ay kakaiba na ang ginagapak at pinipitas ng mga tao - inodoro, lababo at iba pang produktong seramiko. kawawa rin ang naging kapalaran ng magkatropang kugon at talahib. ang kanilang paglalaro ay ginulo ng mga barumbadong sako ng semento’t apog at mga basyo ng tambor ng langis at sari-saring kemikal na ngayo’y umuokupa sa panabihan ng ilog. nakakadismaya nang pagmasdan ang ilog dahil kulay pula na ito at kung tag-ulan ay nagiging kulay kape, ‘di pa naman iyon ang mga paborito kong kulay.
 
nakikita ko pa rin ‘yung batang pilay na ngayu’y isa nang binatilyo, paika-ika niya ngayong sinesenyasan ang paglabas at pagpasok ng mga trak sa isang pabrika ng mga pinroses na karne. dito na siya tiyak nangamuhan matapos maibenta ang kanilang lupang-sakahan at kalabaw.
 
ang dating prusisyon ng mga magsasaka kung dapit-hapon ay naglaho. mga manggagawang kabataa’t matanda na kahit dis-oras ng gabi o madaling araw ang ngayo’y makikita mong nagmamadaling pumapasok at lumalabas sa mga pagawaang kanilang pinaglilingkuran. isang tanong ang naglangoy sa aking isipan: "paano mo kaya maaasahang magamit at magkaroon ng istabilidad ang kanilang trabaho para sa mas paborableng pamumuhay, gayung makina para lamang sa paggawa ng mga semi-proses na produkto at hindi na araro o kampit ang kanilang tangan ngayon. ang masakit pa’y sa paraang kontrakwal pa sila ini-employ.?"
 
dislokasyon.
 
‘yun ang naging tugon ko sa aking tanong. para silang naging imbalido sanhi ng dislokasyon ng gulugod.
biglang nag-flash back sa isip ko ang minsang naisulat ni condrado de quiros: "ang pagpapaayos ng mga tulay at kalsada ay isa lamang sa pinakamaliit na pangangailangan ng taong-bayan...". anu ngayo’t pinangangalandakan mandin na ito raw ay isang malaking palatandaan ng pag-unlad. sinimento’t inayos ang mga ito. pero wala rin namang halos silbi kung rush hour at nagsasalubungan na ang mga bumibiyaheng pampasaherong sasakyan at mga trak buhat sa mga pagawaan.
 
ito bang mga tinuran ko ang kapalit ng pagbabago tungo sa pag-unlad?
 
nawika ko nga sa aking sarili, korni ako noong una sa mga pa-sentimental epek ko. sarkastik naman ako noong huli sa aking mga puna.
 
nakapanghihinayang kasi. malamang na hindi maranasan ng aking magiging anak ang magmasid kalikasan sa bahaging ito ng kabite.
 
hanggang saan kaya ang pag-unlad na ito? positibong pagbabago ang propagandang ginagamit ng iilang naniniwala at gumaganansya. ano pa kaya ang magiging kapalit ng mga ito? ang isang tiyak, pakikinabanganito ng mga kapitalista, mga propitaryo, mga naghaharing-uring negosyante’t nasa pusisyon at ng mga dayuhang inbestor. at ang isa pang depinido: patuloy nitong pahihirapan ang mga uring magbubukid at manggagawa. pati na rin ang mahihirapan nang makarekober na inang kalikasan.
 
naniniwala pa rin naman akong may mga natitira pang mga tao na ang simpatya ay sa makatao at pantay-pantay na pakinabang buhat sa tunay na agraryong reporma sa lupa at hindi sa mapagbalatkayong pag-unlad tulad ng industriyalisasyon sa ilalim ng programa ng gubyerno na mtpdp. ang dambuhalang halimaw na akronimong calabarzon ang siya ngayong unti-unting nagpapahirap sa mga lalawigang nasasakupan nito. philippines 2000. nichood. tiger economy. parang dati ko na ring narinig ‘yan, ah. hind ba’t iyan rin ang dating new society na pinapalaganap noong panahon ng kanyang ‘insan.
 
magkaibang pangalan. parehong nakamaskarang konsepto.
 
ay naku! kayrami na ring pagbabagong naganap sa akin. ibang-iba na rin ngayon ang mga laman ng utak ko.
pinilit kong maidlip.
 
"o, plasa. plasa na ng indang!", hiyaw ng konduktor.
 
hay, salamat. indang na. kahit papaano, hindi pa nagagahasa ang aming bayan. donselyang-donselya pa sa mapagkunwaring pag-unlad. doon na lamang ako sa aming baryo. sa banaba cerca. doon ay puwede pang magnature-tripping.
 
‘yan ay kung sa aking pag-uwi ay hindi pa nagagawang garbage dumpsite ang baryo namin sa basbas ng pangalawang ama ng aming bayan.
 
ganoon kabilis ang pagbabago. singbilis ng galaw ng mga langgam buhat sa nawasak nilang kutang-buhangin. singtulin ng biyaheng indang.
 
nota:
ang pangliteraturang sanaysay na ito ay naisulat ko bandang kalaghatian ng taong 1996. mula sa orihinal na karanasan, konsepto at kahilingan ng aking pinsang ngayo’y naglilingkod sa isang pagawaan sa lugar na tinutukoy. ginamit namin itong propaganda para sa patuloy na pagtutol sa programang industriyalisasyon ng calabarzon.
 
Balik sa Main Page l Balik sa Kontents