Boredom 1

Nakatanga ako
sa teleponong di naman
tiyak ang pag-kiriring.
Lahat ng channel
sa telebisyong walang cable
ay akin nang nadaanan.
Humawak ako ng gitarang
alam kong di naman akma
para sa aking mga daliri.
Nagsindi ng sigarilyong
halos di na malasahan
ang ginhawang hatid ng usok.
Binuhay ang kompyuter,
maski alam kong di rin
naman dito matatagpuan
ang hinahanap na saya.
Pumailandang ang tinig
ni Jess Santiago na parang
nadudurog na purunggo.
Maging ang ngilngil ng gitara
ni Nitoy ay di ko na rin gusto.
Naduduak na ako sa home made
pizza pie ng aking kapatid na babae.
Iniisip kong magpatimpla ng kape,
subalit alam kong mapapaso
lamang ako sa bawat higop
sa mainit na likidong di rin
naman syang ninanais ng aking dibdib.
Sa pagnanasang wakasan ang
pagkaburyong na nararamdaman
(gayong kung tutuusi’y dapat
lamang maging masaya, dahil
kapapasko pa lamang at anibersaryo
ng mga kasama),
lumikha ako ng isang tulang
walang katiyakan ang pupuntahan.
Dahil isa lamang naman talaga
ang tiyak ko sa pagkakataong ito.
Nagigiliw ako sa iyo.

12.26.99/indang, kabite

Balik