dear kuring,*

 

....sino ka ba para magsaaklat ng iyong mga tula? ni wala ka ngang nadaluhang isa mang pormal na pag-aaral sa larangan ng pagsusulat o kaya’y pinanalunang timpalak. ni hindi mo pa nga nakakabungguaang-balikat man lamang ang mga sikat na lokal nating manunula. palanca awardee ka ba? nakabasa ka ba man lang ng piyesa ni dylan thomas o allan poe? ni wala ka pa nga isa mang nalalathalang komposisyon tapos ngayon, kaylakas ng loob mong ipalimbag ang mga tula mong ang tangi yatang nakakabasa’t naniniwala’y tulad mo ring mga nagpapanggap na makata...."

 
‘yan ang dahilan, kuring, kaya ako lumiham sa iyo, ginising ako kanina ng mapanuri’t mapang-usig na tinig na ‘yun sa aking panaginip at nais ko sanang ihinga sa iyo ang aking panlulumo. tila nga yata gusto ko ng bumalik na lamang sa tulog at magpagapi sa isang bangungot upang ‘di na ako magising muli. sabagay, tama ang tinig: lakasan nga lamang ng loob ang mga bagay na ito. sino nga ba ako? ako nga ba’y makata? may magbasa nga kaya ng aking mga tula?
 
may ipagtatapat ako sa ‘yo, pero sa ating dalawa lamang ito, ha, dahil baka ‘pag may nakaalam na iba’y isiping ako’y nabuburyong na. alam mo bang may paniwala akong nabuhay na ako sa mga naunang panahon? doon ba sa panahon ng mga gladiator. ‘yun bang balot ng bakal ang katawan ng mga mandirigma, habang may tangang sibat at kalasag at nakasakay sa matitikas na puting kabayo. ang pamilya nami’y lahi ng magigiting na mandirigma, subalit ‘di maipaliwanag ng aking ama kung bakit isinilang akong sakitin, may hika at payat ang pangangatawan. wala kahit katiting na interes sa pakikidigma, ni hindi nga ako makasakay sa kabayo, at kung magtangka akong isuot ang kasuotang bakal na pandigma, nagmimistula akong hinog na sampalok na kakalog-kalog sa loob nito. nang ako’y magbinata, halos lahat ng aking kaibiga’y nagsasanay sa larangan. at nang handa na sila sa pakikipaglaban, pinanday sila sa tapang, hitik sila sa karanasan at tagapagbandila ng dangal para sa aming lugar sa tuwing magsisiuwi silang tagumpay. kayraming kadalagahang sa kanila’y humahanga. sa kabalintunaan, prustrasyon nila ang makapagpaibig ng babae. dahilang alinsunod sa isang kulturang aming pinaniniwalaan, ang mga babae’y ‘di sapat na mabihag lamang sa tapang, kisig ng anyo at tikas ng pangangatawan, tulad ng ginagawa nilang pagpapasuko sa aming mga kaaway. bagkus, dapat na paibigin nila ang mga ito, sa pamamagitan ng panunuyo’t pagpapakita ng katapatan at lambot ng kalooban, pag-aalay ng awit, sayaw o tula na maglalarawan ng kanilang nadarama sa dalagang naiibigan. sa ating panahon, sa madaling salita’y "buladas".
 
kuring, sa maniwala ka’t hindi, noong panahon na iyon, sa gulang kong apat ay nakakabigkas na ako ng tulang sinulat ng aking ama para sa akin at pagsapit ko ng labin]lima ay sinulat ko ang kauna-unahan kong piyesang tungkol sa ilusyon ng pagniniig ng karagatan at kalangitan na nagluluwal sa isang bagong daigdig at mga nilalang.
tama ka, masyadong kaiba ang mga paksang tinatalakay ko sa aking naunang buhay. sigurado kong ‘di pa uso noon ang "jutes" para magkaroon ako ng halusinasyon at makaisip ng mga kakatwang bagay. siyempre, bilang lalaki, mayroon rin akong hinahangaang dilag. at sa kanya ko inialay ang una kong tula ng pag-ibig. subalit ako’y nabigo na siya’y mapaibig sa dalawang dahilan: una, hindi ako isang mandirigma at pangalawa, labis niyang ikinagalit ang tulang ibinigay ko sa kanya. opensib raw at ‘di niya kayang limiin ang aking mensahe. nararapat daw na ito’y purong paglalahad lamang ng aking damdamin at pagsuyo sa kanya, dapat raw ay pawang paglalarawan lamang ito ng aking paghanga. ‘di raw niya maintindihan kung bakit sa tula pa lamang ay tinutuldukan ko na ang aming relasyon - at sa isang malagim pang wakas. at ang lalong ‘di niya nagustuhan ay ang aking mga paglalarawang sekswal at paniniwalang isa itong mahalagang aspeto ng pag-iibigan. ewan ko, siguro’y pinaratangan niya ako noong "bastos" o "seksista" - kung iyan na nga ang mga terminong ginagamit noon.
 
anupa’t ‘di maipaliwanag na sakit ang aking nadama - ‘di sa pagtanggi niya sa aking pag-ibig, kundi ay sa pagkabigo kong maging epektibo at magamit ang aking tula para sa isang layunin. isang hamon sa aking sarili, ipinag-alukan ko sa aking mga kaibigang mandirigma na kaya kong kumatha ng mga tulang tiyak na magpapaibig sa sinumang babae na kanilang magustuhan. may ilang naniwala’t sumubok sa aking kakayahan. sinikap kong lumikha ng tula, sa pagkakataong ito, pinag-aralan kong kumatha nang nakasakay sa damdamin ng iba, halos kalimutan ko ang aking sarili. maganda ang naging resulta, bawat tugmang aking nilikha ay nagparahuyo sa puso ng bawat babaeng pinag-aalayan nito.
 
lumipas ang panahon, natanggap na ng aking ama na bigo siya sa akin bilang isang mandirigma. tuluyan na akong nahumaling sa sining ng pagsusulat. naging tanyag ako sa mga mandirigma sa dalubhasaang ito. halos lahat ng umusbong na pag-iibiga’y bunga ng aking mga tula. habang ako nama’y nanatiling walang napapaibig. sa kabila ng aking paghabi ng mga tula ng pagsuyo para sa mandirigma ng aming lupain, ‘di pa rin ako tumitigil sa pagkatha ng tula ayon sa aking mga tunay na nararamdaman, pananaw at pagsusuri. lalo’t higit ay aliw ako sa pagkatha ng mga tulang bunga ng aking mapglakbay na imahinasyon - batay man ito sa katotohanan o kababalaghan. subali’t ang lahat ng ito’y lihim, tanging ako at ang tapat kong sarili lamang ang saksi sa mga tulang ito.
 
sa aking paniniwala, may isa lamang sa aking mga lihim na katha noong panahong iyon ang natunghayan at nabasa sa aming lupain. ito’y ang tulang aking isinulat bago ako nalagutan ng hininga sa isang ‘di mabatid na dahilan at ito’y natagpuan sa tabi ng aking nakaupo’t walang buhay na bangkay. na sa huli ay ipinalagay ng nakararami na ako’y nagpakatiwakal dahil ang tulang nabanggit ay tumatalakay sa mga napakadilim na paksa: depresyon, kabiguan, pagkasawa, malalagim na panaginip, karahasan at kamatayan - mga paksang kinatatakutan at ni halos ayaw pagtalakayan ng karamihan - magpasahanggang sa kasalukuyan.
 
o, kuring, pangako ha, sa ating dalawa lamang ang lahat ng ito. walang makakaalam.
wawakasan ko na rin ang liham ko sa iyo. mangyari’y mamamalantsa pa ako ng mga bituing napatda ko kaninang madaling-araw. lugar ba namang ‘di sana mababasa’t madudumihan ang mga ito, kung bakit kasi naisipan ko pang bisitahin ang mga palaka sa tabing-kanal ng bahay namin. eh, nagkayayaang tumoma habang nagi-iskrabol, ayun nalibang ako’t naipatong ko ang mga huli kong bituin sa lumuting gitara ng kainuman kong inhinyerong ulo-ulo. akalain ko ba namang hindi pala water proof ang mga ito. pero ‘di bale, kaagad ko namang nalabhan sa washing machine pag-uwi ko. palagay ko’y tuyo na ang mga ito sa pagkakabilad sa aming sampayan at maari nang isilong. nananalig akong pagkaplantsa’t maayos na malupi ang aking mga tala, sa bisa ng mahusay na pag-iingat ay sasapit ang nakatalagang panahon: ang aking mga bitui’y kikinang na muli at magsasabog ng kahanga-hangang ningning na kalulugurang masdan ng mga kaibigan kong kabag na nagliliparan kung gabi.
 
paalam na muna.
 
ang tapat mong kahuntahan,

 
Balik sa Main Page l Balik sa Kontents