‘di mo na ba ako lab?

wala nang tamis ang ‘yong mga halik
at napansin kong mga yakap mo’y tila nanlamig.
 
‘di ko na nakikita ang pungay ng ‘yong mga mata
sa t’wing hihipan kita sa puno ng ‘yong taynga.
 
wala na ang atensyon o kahit konting pansin
siguro’y nawalan ka na nga ng gana sa kuwentuhan natin.
 
‘di ka na rin nagpapahawak o nagpapaakbay
‘pag namamasyal tayo’t naggagala ng sabay.
 
‘di mo na rin ba trip ang paborito nating myusik
na sinasayawan mo pa ang maharot nitong himig?
 
mis ko na ang isaw, banana kyu at sago
na pinagsasaluhan natin tuwing araw ng linggo.
 
‘di mo na rin ako tinatawag sa tawagan nating mahal
ayaw mo na ring mag-aya sa paborito nating sinehan.
 
at lalong ‘di ko na nakikita
na suot mo ang regalo kong levi’s na maong
bagay na bagay pa naman sa ‘yo
lalo na kung gabing magsisiping tayo
at huhubarin mo na ito sa harapan ko.
‘di mo na nga ba ako lab?
 

ika-7 ng oktubre 1994 / nasugbu, batangas

 

Balik sa Main Page l Balik sa Kontents