diyos
 
noong ako’y tatlong gulang pa lamang
at medyo meron ng wisyo at konting alam
ang sabi ng nanay ko
meron raw isang diyos.
tinuruan niya akong mag-antanda’t magkurus:
paggalang raw ito.
 
noong unang baytang ko sa primarya
ganito rin ang itinuro ng maestra
at dahil ako’y puwede nang lumakad mag-isa
tuwing araw ng pangilin
ay lagi ko siyang binibisita.
 
noong pagtuntong ko sa hayskul
biglang nagbago ang aking paniniwala.
dalawa na ang diyos!
una ‘yung itinuro ni inay at ng titser
ang pangalawa’y ang maskuladong si gener
ang diyos at hari-harian
sa aming barkadahan.
 
noong ako’y kumukuha na ng kurso
ang paniniwala ko’y lalong gumulo.
marami na ang diyos:
ang binibisita ko t’wing linggo,
‘di lang iisang gener
naragdag pa ang teror kong titser.
at ang bago kong nakilala
na mistulang haring aso
na walang setro’t korona
na kung tawagin ng mga tuta nila
ay panginoon at amo.
sila ang kumukontrol at nagpapahirap
sa bayan kong malapit nang gumuho
sa disenyong ipinaanyo
ng mga dayuhang ‘di naman taga-langit
bagkus ay sa dagat-dagatang apoy ng impyerno
sila nagpapasasang nakalikmo.
 
ngayong ako’y beinte dos anyos na,
‘di ko na alam ang paniniwalaan
sa rami ng kanilang pangalan
sa dami ng relihiyo’t mananampalataya
at p’wedeng sampalatayaan.
siya bang nakadipa?
ang matatapang ba’t siga?
sila bang burukrata kapitalista,
at sampu ng mga amo nila?
o ang bago kong idinadambana?
ang supling kong iniwanan ng ina.
ika-7 ng hunyo 1994 / nasugbu, batangas
 
Balik sa Main Page l Balik sa Kontents