ekta-ektarya
- ektaryang damuhang laruan ng mayayaman
- walang ibang silbi, kahit pastulan man lang
- milyung galong tubig ang ditoy sinasayang
- tinutuyo ang sapa, ilog at mga bukal
- ektaryang bahayan, sa murang halaga
- wala tuloy matirahan ang mga tanod-lupa
- milyung sentimo ang pangsilaw sa bulsa
- kapalit ay tanimang di na masaka
- ektaryang tubigan, tinambakat sinimento
- wala nang kanlungan maging ligaw na suso
- milyung sasakyan na magagarang awto
- ang namamalakaya sa dagat-dagatang bato
- ektaryang gusali ng mga banyagang pagawaan
- wala namang pinauunlad kundi bangkong dayuhan
- milyung manggagawang sa sahod ay kulang
- likas nilang kakayahan di na nalilinang
- ektaryang lupain, saan na napunta?
- wala nang pakinabang ang talagang may-kanya
- milyung pangako ng pag-unlad na nakamaskara
- kapalit ay kalikasang binurara.....ginahasa.....
1996 / indang, kabite