gabi
- ang puyat na gabiy ayaw dalawin ng antok
- ipaghele man ito sa malamyos na ugoy ng dahon
- awitan man ito ng sumisipol na alon
- bumangon ang gabi sa kanyang kalaliman
- upang magtampisaw sa alaala ng maghapong nagdaan
- at sariwain ang kanyang mga bagong karanasan
- kinausap niya ang bituin sa kalawakang madilim
- at hinintay sa pagsilang ang ambon ng aliw
- habang nakaupo sa lambot ng silyang buhangin
- sa gitna ng umaga ng tagumpay at takip-silim ng kabiguan
- ay nauubos ang lakas ng kanyang kasalukuyan
- na ipinapahinga sa pangamba ng kinabukasan
- nagulantang at natauhan ang gabi sa kalabit ng sindak
- sindak sa madaling-araw ng mga pilit na halakhak
- halakhak ng pighati ng nakabalatkayong ulap
- at ang mga agam-agam ng gabi ay pumailanlang
- sa bagong alok na pag-asa ng bukang-liwayway
ika-7 ng hulyo, 1995 / lungsod ng heneral santos